Ang Baliktad na Kaharian: Isang 8-Araw na Pag-aaral sa Mga Mapapalad (Beatitudes)Halimbawa
Ang Kahirapang Nagpapayaman
“Mapapalad ang mga mapagpakumbabang-loob: sapagka't kanila ang kaharian ng langit.” Mateo 5:3
SIMULAN NATIN
Si Mike Vetrone ay dating drug runner ng mob na nalulong sa heroin. Naramdaman niyang mag-isa siya, naguguluhan dahil sa sunud-sunod na banta sa buhay, at pagod na sa pagtakbo, napaisip siyang wakasan na ang lahat. Isang maulap na umaga sa South Florida, dumaan si Mike sa paborito niyang tambayan, ang Big Apple Bagel, para kunin ang huling pagkain niya. Pagbalik sa kanyang tinutuluyan, binuksan niya ang telebisyon para humanap ng kasamang magpapagaan ng loob. Biglang lumitaw ang isang mangangaral sa telebisyon na nagsabi, “Ang buhay ay may paraan para hilahin ka pababa at paluhurin ka.”
Nilakasan ni Mike ang tunog.
“May tanikala na pumipigil sa bawat kaluluwa,” patuloy ng mangangaral, “at ang tanikalang iyon ay kasalanan—isang pagkakalulong na tanging kamatayan at pagkabuhay na muli ni Jesus ang nagpapalaya.” Bigla, habang iniimbitahan ng ebanghelista ang mga manonood na tanggapin si Cristo, sumigaw si Mike sa telebisyon, “Oo!” Sa sandaling iyon, hindi na niya naramdaman ang pag-iisa.
Hindi hinarap ni Mike ang katapusan ng kanyang buhay, kundi ang isang bagong simula.
PANANAW MULA SA DEBOSYONAL
Kapag naramdaman natin ang ating espirituwal na kahirapan, handa na tayong tanggapin ang kayamanan ng Hari. Ang kaharian ay hindi para sa mga gahaman, kundi para sa mga durog—ang mga umabot na sa dulo ng kanilang sarili at lumalapit sa Diyos nang walang dala.
PAGSUSURI
Ang pariralang “kaharian ng langit” ay matatagpuan sa buong aklat ni Mateo at karaniwang kapareho ng “kaharian ng Diyos.” Inilalarawan nito ang totoong buhay na puno ng kapayapaan, kadalisayan, at kagalakan na natatamo sa pakikipag-isa sa Diyos. Ang ganitong mga pagpapala ay humahamon sa ating mga diyus-diyosan—ang mga diyos ng kaginhawaan, tagumpay, at kapalaluan—at nangangako ng mas higit pa. Ang mga diyus-diyosan ay baluktot at pangkaraniwang imitasyon lamang ng kaharian, na siyang tunay at nagbibigay-kasiyahan. Kaya't inilarawan ni Jesus ang Kanyang mga talata tungkol sa mga Mapapalad na may kaugnayan sa kaharian: “Mapapalad ang mga mapagpakumbabang-loob: sapagka't kanila ang kaharian ng langit.” (Mateo 5:3; cf. 5:10).
Mapapansin na inilalarawan ni Jesus ang kaharian ng langit bilang “kanila.” Ang pagkakalagay ng salitang ito sa simula ng pangungusap ay nagpapakita na ang kaharian ay para sa partikular na grupong ito—ang mga mapagpakumbaba, ang mga nasa laylayan at nakakalimutan. Hindi ito para sa mga kuntento sa buhay at laging kontrolado ang lahat. Hindi ito para sa mga naniniwala lamang sa sarili nila, na may natural na kakayahang laging manalo. Tulad ng sinabi ni Martin Luther bago siya mamatay, “Lahat tayo'y mga pulubi; ito ang katotohanan.”
APLIKASYON
Marami sa mga kapanahunan ni Jesus ang inaasahang ang Tagapagligtas ay magiging katulad nina Josue o David, isang pinunong militar na tatalo sa mga Romano at magtatatag ng isang kahariang makalupa. Sa halip, nakilala Siya bilang kaibigan ng mga maniningil ng buwis—isang grupo ng mga taksil na kumakampi sa kaaway.
Sa pagsunod sa halimbawa ng ating Tagapagligtas, hindi natin laging kailangang ipagtanggol ang ating sarili o magkaroon ng huling salita. Ang mga Cristianong dukha sa espiritu ay maaaring mabuhay kahit sila’y inuusig o hindi naiintindihan. Maaari tayong maging tulad ni Jesus sa harap ni Herodes Antipas—tahimik. Ang ganitong uri ng kahirapan ay mahalaga lalo na kung natutukso tayong tuligsain ang “kaaway” na naiiba ang pananaw tungkol sa isang isyung panlipunan o pampulitika.
Paano mo maisasabuhay ang pagiging dukha sa espiritu, lalo na sa mga gustong makipagtalo?
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Sa mga talata tungkol sa Ang mga Mapapalad (Mateo 5:2–12), hinihikayat tayo ni Jesus na ihiwalay ang ating sarili sa mundo at mamuhay na hindi umaayon sa kultura at may bagong pagkakakilanlan na nakaugat sa Kanya. Sinusuri ng Upside Down Kingdom ang hindi kapani-paniwalang karunungang ito at tinutuklas ang kahalagahan nito sa kasalukuyan.
More