Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Banal na PatnubayHalimbawa

Divine Direction

ARAW 1 NG 7

Simula

Araw-araw ay gumagawa tayo ng mga pagpiling huhubog sa ating talambuhay. Anong magiging hitsura ng buhay mo kung hahayaan mong gabayan ka ng mga makadiyos na alituntunin sa mga pagpili mo? Ngayong linggong ito, magsisimula tayong tuklasin ang pitong alituntunin mula sa aking aklat na Divine Direction upang tulungan kang matagpuan ang karunungan ng Diyos para sa iyong araw-araw na pagpapasya.

Kung may magtatanong sa iyo tungkol sa iyong talambuhay, anong sasabihin mo?

Maaaring magsimula ka sa kung saan ka ipinanganak at kung paano kang pinalaki. Maaaring banggitin mo ang iyong unang pag-ibig. Maaaring sabihin mo ang malaking hakbang na ginawa ng iyong pamilya o kaya ay nang umalis ka na upang mag-kolehiyo. Kung ikaw ay may-asawa, maaaring ilarawan mo ang iyong asawa. Kung wala ka pang asawa, maaari mong ipaliwanag kung bakit. Kung ikaw ay isang magulang, maaaring ipakita mo ang ilang larawang nasa telepono mo at ipagmalaki ang iyong pamilya. O maaari mo ring ilarawan ang karerang tinahak mo. Anong nasa kasaysayan mo?

Marami sa atin ay may mga kabanatang mas gugustuhin nating huwag nang ibahagi sa kaninuman. Maaring may napuntahan kang hindi mo kailanman ninais na mapuntahan. Hindi mo inaakalang magkakamali ka, pero nagkamali ka. May mga desisyon kang ginawa na nagdala sa iyo nang mas malayo sa inaasahan mo. May mga ginawa kang pinagbayaran mo nang mas malaki kaysa sa inisip mong mangyayari. May mga tao kang nasaktan. Ipinagsapalaran mo ang mga pamantayan mo. May mga pangako kang hindi mo natupad. May mga ginawa kang bagay na pakiramdam mo ay hindi mo na kayang itama.

Ang kasaysayan mo ay hindi pa tapos. Hindi pa huli upang baguhin ang kasaysayang ikukuwento mo isang araw.

May mabuting balita: ang iyong kasaysayan ay hindi pa tapos. Hindi pa huli upang baguhin mo ang kasaysayang ikukuwento mo isang araw. Anuman ang ginawa mo (o hindi mo ginawa), ang iyong kinabukasan ay hindi pa nakasulat. Marami ka pang tagumpay na ipapanalo, maraming pang kaibigang makikilala, may pagkakaibang magagawa, higit pang kabutihan ng Diyos na mararanasan. Gusto mo man o ayaw ng balangkas na nakapaloob dito, sa pamamagitan ng tulong ng Diyos, maaari mong baguhin ang iyong kasaysayan sa isang kasaysayang maaari mong ipagmalaki.

Narito ang isang paraan upang mabago mo ang kasaysayan mo: magsimula ng isang bagong bagay.

Maaaring wala kang katiyakan, natatakot, o ang pakiramdam mo ay napako ka na sa kinaroroonan mo ngayon, ngunit ang iyong kasaysayan ay nagpapatuloy ngayon. Anong sisimulan mo ngayon? Pananalangin araw-araw kasama ang iyong asawa? Pagbabasa araw-araw ng Gabay sa Biblia mula sa YouVersion? Pagpunta sa isang maaaring magpayo tungkol sa isang problemang hindi malutas-lutas? Pamumuhay nang may higit na kagandahang-loob? Paglilingkod sa iyong simbahan o sa iyong pamayanan? Ngayon na ang magandang panahon upang isulat ito. Buksan ang iyong mga tala at isulat ang mga nasa isip mo. Huwag mong masyadong pag-isipan ito. Ngunit kumuha ka ng isang sandali upang maisulat ito sa papel. Kahit isang o dalawang pangungusap lamang.

Tanungin ang sarili mo: Anong kailangan kong simulan upang kumilos tungo sa direksyong nais kong sabihin sa aking talambuhay?

Alamin ang iba pang detalye tungkol sa aking aklat, Divine Direction

Ang Gabay sa Bibliang ito ay hango sa aklat na Divine Direction, na may pahintulot mula sa Zondervan. Ang nilalaman nito ay binago upang mapaikli

Araw 2

Tungkol sa Gabay na ito

Divine Direction

Araw-araw, gumagawa tayo ng mga pagpiling huhubog sa ating talambuhay. Anong magiging hitsura ng buhay mo kung magiging dalubhasa ka sa paggawa ng mga pagpiling ito? Sa Gabay sa Bibliang Divine Direction, ang pinakamahusay na may-akda at nakatataas na Pastor ng Life.Church, si Craig Groeschel, ay hinihikayat ka sa pamamagitan ng pitong prinsipyo mula sa kanyang aklat na Divine Direction upang tulungan kang matagpuan ang karunungan ng Diyos para sa iyong araw-araw na pagpapasya. Tuklasin ang espirituwal na patnubay na kailangan mo upang magkaroon ng isang buhay na magbibigay-karangalan sa Diyos na nanaiisin mong isalaysay sa ibang tao.

More

Malugod naming pinasasalamatan ang Life.Church sa pagbibigay ng gabay na ito. Sa karagdagan pang kaalaman, maaring bisitahin ang: http://craiggroeschel.com/