Walang Hanggang Pagkamangha | Isang Gabay sa Pagbabasa para sa Pasko Mula sa New Life Church Halimbawa
Araw 2
Kadalasan ay napakaraming kaabalahan sa panahon ng Pasko na kung hindi tayo mag-iingat, maaaring hindi natin marinig ang tinig ng Panginoon. Nagiging abala tayo sa ating mga plano at listahan ng gagawin na maaaring hindi natin mapansin ito. Ayaw nating magambala! May mga dapat tayong gawin! Ngunit madalas, ang pinakamahusay na pagkilos ng Diyos ay nangyayari sa ganitong mga pagkagambala.
Sa pagbabasa natin ngayon, makikita natin na si Ananias ay nagambala ng Diyos. Sigurado ako na may nakaplano na siya para sa buong araw niya at hindi kasama ang paglilingkod sa isang mamamatay-tao. Ngunit hiniling ng Diyos na hanapin niya si Saulo, ang pumapatay sa mga Cristiano, at tulungan siyang makakitang muli. Nang unang marinig ni Ananias ang utos ng Diyos, sinabi niya, "Sigurado ka ba, Panginoon?" Hindi ba alam ng Diyos na pinapapatay ni Saulo ang mga tagasunod ni Jesus? Ngunit ang tugon ng Panginoon ay, “Humayo ka pa rin.”
Malamang na magkakaroon ka ng mga sandali ngayong Kapaskuhan kung saan matutukso kang itanong ang tanong na iyon. "Panginoon, sigurado ka ba?" Maaaring hilingin Niya sa iyo na humingi ng tawad kahit na ang iyong asawa ang may kasalanan. Anyayahan ang nawalay na miyembro ng pamilya sa hapunan kahit na maaaring hindi ito komportable. Patawarin mo ang iyong mga magulang kahit na hindi sila karapat-dapat sa pagpapatawad na ito.
Sundan si Jesus nang matagal-tagal, at matututuhan mong karaniwan para sa Diyos na hilingin sa atin na gumawa ng isang bagay na labag sa ating sariling kagustuhan. Kadalasan, ito ay hindi maginhawa, nakakahiya, o maaaring mapanganib pa nga. Ang pagsunod at kaginhawahan ay halos hindi magkasingkahulugan. Ang ibig sabihin ng pagiging masunurin ay ang makinig sa salita ng Diyos at kumilos ayon dito. Hindi pagsunod kung sa simula pa lamang ay ideya na natin ito. Ang pagsunod ay nagsasangkot ng pagsasalungatan ng mga kalooban. Isinasantabi nito ang gusto natin para iayon ang ating kalooban sa kalooban ng Diyos dahil nagtitiwala tayong mayroon Siyang mas mabuting paraan.
Dahil sinunod ni Ananias ang Diyos at ipinagsapalaran ang kanyang buhay upang mahanap si Saulo, nandoon siya nang matanggap ni Saulo ang Banal na Espiritu at nasaksihan ang pagkalaglag ng mga kaliskis sa mga mata nito. Pagkatapos, bininyagan siya ni Ananias! Nakatulong si Ananias sa isa sa mga himalang pagbabagong-loob na nagpakita ng lubos na pananampalataya at pagbabago sa kasaysayan: si Saulo na naging si Pablo. Si Pablo ay magiging isa sa mga pinakadakilang Cristianong misyonero at teologo sa lahat ng panahon, na sumulat ng 13 sa 27 mga aklat sa Bagong Tipan. Gayunpaman, ang pagsunod ni Ananias ay nauna sa lahat ng mahimalang ministeryo ni Pablo. Hindi mo alam kung ano ang magagawa ng Diyos sa isang tapat na pagsunod.
Hakbang ng Pagkilos: Mayroon bang anumang bagay na ipinagagawa sa iyo ang Panginoon na hindi mo pa Siya sinusunod? Anong hakbang ang maaari mong gawin tungo sa pagsunod ngayon?
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Ang tatlong-linggong gabay na ito ay nag-aakay sa atin tungo sa walang hanggang pagkamangha sa kung paano naparito ang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang anak na si Jesus. Ang gabay ay idinisenyo upang magsimula sa isang Lunes upang ang bawat katapusan ng linggo ay magsama ng mas maikling nilalaman na nilalayon para sa pahinga at pagmuni-muni sa panahon ng kapaskuhan. Samahan mo kaming pag-aralan kung ano ang kahulugan ng kapanganakan ni Cristo para sa ating kinabukasan, kasalukuyan, at nakaraan.
More