Walang Hanggang Pagkamangha | Isang Gabay sa Pagbabasa para sa Pasko Mula sa New Life Church Halimbawa
Araw 10
Maraming kahanga-hanga kay Maria, ang ina ni Jesus, sa Aklat ni Lucas. Nang ibinalita sa kanya ng anghel na si Gabriel na siya, bilang isang birhen, ay maglilihi sa “Anak ng Kataas-taasan,” ang una niyang reaksiyon ay may magkahalong pagkabigla at takot. Ngunit sa kanyang huling tugon kay Gabriel, sinabi niya ang mga salitang ito sa Lucas 1:38: “Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.”
Ang may-akda na si Tim Keller, sa kanyang aklat na "Nakatagong Pasko," ay nagpapaliwanag ng kahalagahan ng kanyang mga salita dito:
“Sa mas lumang mga salin, sinabi ni Maria, "At sinabi ni Maria, 'Narito, ang alipin ng Panginoon; mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita. At iniwan siya ng anghel.'" (Lucas 1:38, TLAB). Napakalapit niyan sa mga salitang sasabihin ng kanyang anak balang-araw: "Ngunit hindi po ang kalooban ko, kundi ang kalooban ninyo ang mangyari."(Mateo 26:39). Ginawa niya itong pagsuko bago pa malaman kung ano ang gagawin ni Jesus para sa kanya. Alam natin na sa bawat sakripisyong ginawa ni Maria para sa Kanya, higit pa rito ang ginawa ni Jesus para sa kanya. Tinanggap ni Maria ang pagbaba ng tingin sa kanya sa mundo- ngunit isipin na lang kung gaano kalayo ang ibinaba ng Anak ng Diyos, mula langit patungo sa lupa. Sa isang napakalupit na kultura ng kahihiyan-at-karangalan, batid niya na tinatanggap niya ang kalooban ng Diyos kahit ito'y magdadala ng banta sa kanyang buhay. Ngunit tinanggap ni Jesus ang kalooban ng Diyos kahit alam Niyang ang lahat-lahat sa Kanya ang magiging kabayaran…Ngunit pagmasdan ang walang katapusan at sukdulang kaligtasan na bunga ng Kanyang pagsunod-ang walang hanggang kaluwalhatian para sa ating lahat."
Patuloy na mararanasan ni Mary ang hindi maisip na sakit ng mawalan ng anak. Pinagmasdan niya ang Kanyang malupit na kamatayan ngunit sa kalaunan ay makikita niya ang kanyang walang lamang libingan at ang Kanyang nabuhay na mag-uling katawan! Alam niya ang sakit at kawalan, ngunit alam din niya ang hindi masusukat na kagalakan. Sa simula ng kanyang kuwento, hindi niya pinahintulutan ang kanyang kasalukuyang mga pasakit o mga pangyayari na pigilan siya sa pagsunod. Siya, tulad ni Jesus, ay isinuko ang kanyang sariling kalooban sa Ama dahil, higit sa lahat, hinanap niya ang Kanyang kalooban, hindi ang kanyang sarili.
Hakbang ng Pagkilos: Mayroon bang pangyayari sa iyong buhay na hinahayaan mong hadlangan ang iyong pagsunod sa Diyos? Ipanalangin na tulungan ka ng Diyos na “mamatay sa iyong sarili” habang tinatahak mo ang Kanyang kalooban para sa iyong buhay. Ipanalangin ang mga salita ni Jesus, “Ngunit hindi po ang kalooban ko, kundi ang kalooban ninyo ang mangyari.” (Mateo 26:39), sa anumang mahihirap na sitwasyon sa iyong buhay ngayon.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Ang tatlong-linggong gabay na ito ay nag-aakay sa atin tungo sa walang hanggang pagkamangha sa kung paano naparito ang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang anak na si Jesus. Ang gabay ay idinisenyo upang magsimula sa isang Lunes upang ang bawat katapusan ng linggo ay magsama ng mas maikling nilalaman na nilalayon para sa pahinga at pagmuni-muni sa panahon ng kapaskuhan. Samahan mo kaming pag-aralan kung ano ang kahulugan ng kapanganakan ni Cristo para sa ating kinabukasan, kasalukuyan, at nakaraan.
More