Walang Hanggang Pagkamangha | Isang Gabay sa Pagbabasa para sa Pasko Mula sa New Life Church Halimbawa
Araw 11
Sa Mateo 2, makikita natin ang isang masama at nakakatakot na pinuno na nagngangalang Haring Herodes na gustong-gustong sirain ang anumang banta sa kanyang paghahari. Narinig niya ang balita na si Cristo ay ipinanganak sa pamamagitan ng mga pantas na naglalakbay mula sa silangan. Gusto ng mga pantas na sambahin ang “Hari ng mga Judio” mismo, kaya tinanong nila si Herodes kung saan nila Siya makikita.
Habang nagbabasa ka sa kabanatang ito, makikita mo ang isang mahusay na plano para gamitin ang mga pantas upang mahanap si Jesus sa Bethlehem. Ngunit walang ganoong plano si Herodes na sambahin ang Jesus na ito. Siya ay mapanlinlang, at nagsimula ang kanyang paghahanap.
“Pagkarinig sa bilin ng hari, sila'y nagpatuloy na sa paghahanap; sila'y pinangunahan ng bituing nakita nila mula sa silangan. Ganoon na lamang ang kanilang kagalakan nang makita nilang tumigil ang bituin sa tapat ng kinaroroonan ng bata. Pagpasok sa bahay, nakita nila ang bata sa piling ni Maria na kanyang ina. Nagpatirapa sila at sinamba ang bata. Inihandog din nila sa kanya ang mga dala nilang ginto, insenso at mira.”
Pagkatapos na matagpuan ng mga pantas si Cristo, maaari na silang sumuko sa ilalim ng panggigipit ni Haring Herodes na bumalik na dala ang impormasyon kung nasaan si Jesus. Ngunit sinabi sa Mateo 2 na sila ay “binalaan ng Diyos sa isang panaginip na huwag bumalik kay Herodes,” at iyon ang ginawa nila. Umuwi na sila, kung saan nagsimula ang paglalakbay nina Jose at Maria sa pagtakas sa Bethlehem upang protektahan si Jesus mula kay Herodes at sa kanyang pagtugis na may tangkang pagpatay.
Sa kasaysayan, wala tayong masyadong alam tungkol sa mga pantas na ito. Maraming teorya hinggil sa kung sino sila at saan sila nanggaling, ngunit ang makakalap natin sa pagbabasa ng tekstong ito ay mas natakot sila sa “banal na babala” kaysa sa takot nila sa taong ito, si Herodes.
Kung iisipin mo, marami sa mga desisyong ginagawa natin araw-araw ay dahil sa natatakot tayo sa Diyos o natatakot tayo sa tao. Gusto nating isipin na lagi tayong natatakot sa Diyos at walang pakialam kung ano ang iniisip ng sinuman, ngunit alam natin na hindi iyon totoo; kung minsan, ang mga panlipunang panggigipit ay nakakaapekto sa atin. Ang pamumuna ng tao ay maaaring nakakasakit, at ang palakpakan ng tao ay maaaring nakagagalak. Kung hindi tayo mag-iingat, maaari tayong mabuhay at mamatay sa mga salita at pagpapahayag ng iba.
Hakbang ng Aksyon: Kapag iniisip mo ang mga panggigipit at stress na nararamdaman mo sa iyong pang-araw-araw na buhay, nagmumula ba ang mga ito sa tao o sa Diyos? Sino ang gusto mong bigyang-kaluguran at parangalan sa buhay mo? Kung tila mas natatakot ka sa tao kaysa sa Diyos, pagsisihan mo iyan ngayon. Hilingin sa Diyos na ipaalala sa iyo ngayong panahon ng Pasko na Siya ang Panginoon at pinuno ng iyong buhay at sa lahat ng nilikha. Pagnilayan ang talatang, “Hindi pa ganap ang pag-ibig ng sinumang natatakot, sapagkat ang takot ay kaugnay ng parusa.,” (1 Juan 4:18) habang nananalangin ka ngayon.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Ang tatlong-linggong gabay na ito ay nag-aakay sa atin tungo sa walang hanggang pagkamangha sa kung paano naparito ang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang anak na si Jesus. Ang gabay ay idinisenyo upang magsimula sa isang Lunes upang ang bawat katapusan ng linggo ay magsama ng mas maikling nilalaman na nilalayon para sa pahinga at pagmuni-muni sa panahon ng kapaskuhan. Samahan mo kaming pag-aralan kung ano ang kahulugan ng kapanganakan ni Cristo para sa ating kinabukasan, kasalukuyan, at nakaraan.
More