Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Nabagong Pamumuhay: Sa PaskoHalimbawa

Living Changed: At Christmas

ARAW 5 NG 5

Kapayapaan

Kapag naiisip mo ang tungkol sa panahon ng Pasko, ano ang nararamdaman mo? Marahil ikaw ay puno ng paghihintay, pag-asa, at kagalakan. O marahil, katulad ng marami, nakakadama ka ng pagod, natatabunan at nahahapo. Bagamat hindi karaniwan na makadama ng pag-aalala sa panahon na ito ng taon, ang nais ng Diyos para sa atin ay kapayapaan.

Bago ang Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay, nangako si Jesus na bibigyan tayo ng kapayapaan. Ang problema ay marami sa atin ay hindi alam kung paano ito makukuha araw-araw. Alam natin na dapat nating ibigay ang ating mga alalahanin sa Diyos, ngunit madalas mas madali itong sabihin kaysa gawin–lalo na ang ating mga pinakamalalaking alalahanin. Sa ilang kadahilanan, mas mabigat ang pasanin, mas sinisikap nating balikatin itong mag-isa. Salamat na lang, sa sulat ni Pablo sa mga taga-Filipos, nag-aalok siya sa atin ng ilang mga gabay kung paano ibigay ang ating mga pasanin sa Diyos:

Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.

​​Bilang pagtatapos, mga kapatid, dapat maging laman ng inyong isip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang. Isagawa ninyo ang lahat ng inyong natutuhan, tinanggap, narinig at nakita sa akin. Sa gayon, sasainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.

Sinasabi nito na ang paraan kung paano natin mapapalitan ang pagkabalisa ng kapayapaan ay sa pamamagitan ng panalangin. Partikular, sa mga panalangin ng daing at pasasalamat. Ang ibig sabihin kapag lumapit tayo sa Diyos, dapat tayong humingi nang may kapakumbabaan sa kung ano ang ating mga pangangailangan habang nagpapasalamat sa kung ano ang ibinigay na sa atin. Ngunit hindi tayo titigil doon. Habang inaalis natin ang ating mga kabalisahan, muli nating pinupuno ang ating isip ng mga bagay patungkol sa Diyos. Kapag nanalangin tayo nang ganito, maaaring hindi natin makuha ang eksaktong sagot na hinahanap natin, ngunit maaari tayong magtiwala na ang Diyos ay magiging tapat upang bigyan tayo ng kapayapaan.

Anuman ang iyong pinagdadaanan, ang talatang ito ay para sa iyo. Sinasabi nito na walang dapat ikabalisa. Wa-la. Lahat ng kinakaharap mo ngayon ay kasama. Kung ang iyong buhay mag-asawa ay nagkakaproblema, huwag mabalisa. Kung hindi mo kayang magbigay ng mga regalo ngayong taon, huwag mabalisa. Kung naghihintay ka ng resulta ng mga pagsusuri, huwag mabalisa. Ang kapaguran ng kapaskuhan, tensyon at sakit–lahat ng ito ay kasama.

Nais ng Diyos na kunin ang bawat piraso ng kabalisahan mula sa 'yo at bigyan ka ng kapayapaan. Hindi sa mga susunod na araw sa hinaharap, kundi ngayon. Kausapin lamang Siya. Kung hindi mo alam kung saan magsisimula, umpisahan sa pagpapasalamat sa Diyos para sa regalo na si Jesus at ang kaligtasan mo. Dahil lagi Siyang nasa tabi mo at minamahal ka anuman ang mangyari. Pasalamatan Siya para sa Kanyang paglalaan, Kanyang proteksyon, at sa bawat mabuting bagay sa iyong buhay. Kapag pinupuri mo ang Diyos, ito ay may kapangyarihan na baguhin ang iyong pananaw. Iyan ang paraan kung paano mo makukuha ang kapayapaan sa gitna ng iyong mga pakikibaka.

Ngayong Pasko, piliin na panatilihin ang walang hanggang pananaw. Tandaan ang mga propesiya na tinupad ng kapanganakan ni Jesus at hayaang ang katapatan ng Diyos ay magpuno sa iyo ng pag-asa. Isuot ang buong baluti ng Diyos araw-araw at hayaang ang Kanyang lakas ay magsanggalang sa iyo sa mga atake ng kaaway. Tumingin nang lagpas sa iyong pansamantalang sitwasyon at hanapin ang hindi nagmamaliw na kagalakan sa pagkaalam na ang iyong walang hanggan ay tiyak. Ibigay sa Diyos ang lahat ng iyong mga pag-aalala at magtiwala sa Kanya na babantayan ang iyong puso at isip ng kapayapaan. Maaari tayong mamuhay nang iba ngayong kapaskuhan kung mananatili tayong nakatuon sa kung sino ang Diyos, ang mga pangako Niyang tinutupad, at ang hinaharap na darating.

Ipanalangin natin na gamitin ng Diyos ang gabay na ito upang kumilos sa iyong puso.
Tuklasin ang Ibang Mga Gabay sa Pamumuhay na Binago
Matuto nang Higit pa tungkol sa Changed Women's Ministries

Araw 4

Tungkol sa Gabay na ito

Living Changed: At Christmas

Sa lahat ng kaabalahan sa kapaskuhan, maaaring madaling mawala ang paningin sa kung bakit tayo nagdiriwang. Sa 5-araw na gabay para sa adbiyento, susuriin natin ang mga pangako na tinupad sa pamamagitan ng kapanganakan ni Jesus at ang pag-asa na mayroon tayo sa hinaharap. Habang natututunan pa natin ang tungkol sa kung sino ang Diyos, matutuklasan natin kung paano mamuhay sa buong panahon ng kapaskuhan na may pag-asa, pananampalataya, kagalakan at kapayapaan.

More

Nais naming pasalamatan ang Changed Women's Ministries sa pagbabahagi ng gabay na ito. Para sa karagdagang kaalaman, maaaring bisitahin ang: https://www.changedokc.com