Nabagong Pamumuhay: Sa PaskoHalimbawa
Pananampalataya
Maaaring madaling maipit sa kaabalahan ng panahon ng Kapaskuhan at hindi natin makita kung bakit tayo ay nagdiriwang. Bagamat gusto natin na maging isang ilaw sa mga taong nakapaligid sa atin, minsan ay mahirap harapin ang mga puwersa na nagpapabigat sa atin sa panahong ito ng taon. Sa halip na ipagpatuloy na dalhin ang pag-aalala, galit at pagkakasala, ang pananampalataya kay Jesus ay makakatulong sa atin na mamuhay nang may kaibahan ngayong panahon ng kapaskuhan.
Sa isang sulat sa mga taga-Efeso, si Apostol Pablo ay nagbibigay sa atin ng kaalaman kung paanong ang ating pananampalataya ay huhugis sa ating pananaw kapag hinihikayat niya tayo na gamitin ang sandatang pandigma na kaloob ng Diyos araw-araw. Inilista niya ang mga bahagi ng kasuotan: sinturon ng katotohanan, baluti ng katuwiran, sandalyas ng Magandang Balita ng kapayapaan, kalasag ng pananampalataya, helmet ng kaligtasan, at tabak ng Espiritu, na walang iba kundi ang Salita ng Diyos. Ang bawat bahagi ay para ipaalala sa atin ang kapangyarihan at proteksyon na mayroon tayo kay Cristo.
Kapansin-pansin, ang isang bahagi ng sandata na binibigyan ni Pablo ng dagdag na konteksto ay ang kalasag ng pananampalataya. Sinasabi niya na ito ay may kapangyarihan na "patayin ang lahat ng nagliliyab na palaso ng diyablo." Huminto lamang ng ilang sandali upang ilarawan ang sitwasyong iyan. Ang nagliliyab na mga palaso ay papalapit sa iyo at sa isang galaw ng iyong kalasag, sila ay hindi na nakakapinsala. Ang ating pananampalataya ay isang makapangyarihang sandata laban sa mga pakana ng kaaway!
Minsan, maaaring magulumihanan tayo kung sino ang kaaway. Maaaring pinagbibintangan natin ang namimili sa kapaskuhan na hindi mabuti sa atin, ang amo na inalis tayo sa trabaho bago ang Pasko, o isang miyembro ng pamilya na palagi tayong pinupulaan. Ngunit ang mga tao na sa paligid natin ay hindi natin kaaway. Ang totoo nating kaaway ay ang diyablo na umaaligid na parang leong umaatungal na nagtatangkang nakawin ang ating kagalakan, patayin ang ating pag-asa, at sirain ang ating kapayapaan. Ito ay isang nakakatakot na katotohanan na dapat nating pahalagahan, ngunit hindi natin kailangang matakot. Ang ating Diyos ay higit na makapangyarihan kaysa anumang maaaring dumating laban sa atin.
Habang ang sandatang ito ay isang kaloob mula sa Diyos upang tayo ay protektahan, dapat pa rin tayong maging masigasig na isuot ito. Maaring ito ay kasing simple ng araw-araw na panalangin katulad nito:
“Dakilang Diyos, alam ko na ako ay nasa pakikidigmang espirituwal at ako ay nagtitiwala sa Iyong proteksyon. Isinusuot ko ang sinturon ng katotohanan; tulungan akong marinig at sabihin lamang ang katotohanan. Isinusuot ko ang baluti ng katuwiran; gabayan ang aking puso at tulugan akong na maging bukas sa Iyong patnubay. Isinusuot ko ang mga sandalyas ng Magandang Balita ng kapayapaan; tulungan Mo akong sabihin sa iba ang tungkol sa Iyo at magdala ng kapayapaan saan man ako pumunta. Isinusuot ko ang kalasag ng pananampalataya; tulungan akong ilagay ang aking tiwala sa Iyo at proteksyonan ako sa mga pag-atake ng kaaway. Isinusuot ko ang helmet ng kaligtasan; bantayan ang aking isip at tulungan akong isipin lamang ang mga bagay na mabuti. Kukunin ko ang tabak ng Espiritu; tulungan akong alalahanin ang Kasulatan at gamitin ito upang ipagtanggol ang aking sarili at ang iba. Amen!”
Ngayong Pasko, simulan nating maging mapagmatyag upang maiwasan ang pag-atake ng kaaway. Tandaan na ang iyong pakikibaka ay hindi sa mga taong nakapaligid sa iyo. Manatiling nakasentro sa katotohanan na ikaw ay mahal na mahal ng Diyos upang madaling makalihis sa anumang kasalanang darating sa iyo. Gawin ang iyong makakaya na mahalin ang mga tao sa paligid mo, lalo na yaong mga hindi mabuti, dahil hindi mo alam kung anong lihim na sakit ang pinagdadaanan ng isang tao. Ang paggamit ng buong sandata ng Diyos araw-araw ay makakatulong sa iyo sa isa mga mga bagay na ito.
Bago ka mamili, isuot ang sandata. Bago ka sumabak sa mahirap na usapan, isuot ang sandata. Bago ka pumunta sa pagtitipon ng pamilya, isuot ang sandata. Bago ka malungkot, isuot ang sandata. Bago mawala ang pasensya at bago ka sumagot dahil sa galit, isuot ng sandata. Magkakaroon tayo ng buong pagtitiwala sa Kanyang sandata at sa kapangyarihan ng ating pananampalataya. Kapag tayo ay tapat na tumingin sa Diyos para sa kalakasan, Siya ay tapat na magbabantay sa atin.
Tungkol sa Gabay na ito
Sa lahat ng kaabalahan sa kapaskuhan, maaaring madaling mawala ang paningin sa kung bakit tayo nagdiriwang. Sa 5-araw na gabay para sa adbiyento, susuriin natin ang mga pangako na tinupad sa pamamagitan ng kapanganakan ni Jesus at ang pag-asa na mayroon tayo sa hinaharap. Habang natututunan pa natin ang tungkol sa kung sino ang Diyos, matutuklasan natin kung paano mamuhay sa buong panahon ng kapaskuhan na may pag-asa, pananampalataya, kagalakan at kapayapaan.
More