Ang Diyos Ay _______Halimbawa
Ang Diyos ay Tapat
Ang [Panginoon] ay nagdaan sa harapan niya, at nagpahayag, “Ang Panginoon, ang Panginoon, isang Diyos na puspos ng kahabagan at mapagpalang Diyos, hindi magagalitin, at sagana sa wagas na pag-ibig at katapatan, na nag-iingat ng wagas na pag-ibig para sa libu-libo, nagpapatawad ng kasamaan, ng pagsuway, at ng kasalanan, ngunit sa anumang paraan ay hindi ituturing na walang sala ang may sala; na dinadalaw ang kasamaan ng mga ama sa mga anak, at sa mga anak ng mga anak, hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi." Exodo 34:6-7 ABTAG01
Siniyasat natin ang ilan sa katangian ng Diyos, at makakakita pa tayo ng hindi mabilang na katangian Niya sa Banal na Kasulatan. Ngunit sa Exodo kapitulo 34, inihayag ng Panginoon kay Moises ang limang tiyak na katangian Niya: Siya ay puspos ang kahabagan, mapagkaloob, banayad sa pagkagalit, mapagmahal, at tapat.
Sa parehong pahayag, sinabi ng Diyos kay Moises na hindi Niya hinahayaang hindi maparusahan ang may-sala. Tila isang biglaang pagbabago, hindi ba? Nais ipaalam ng Diyos sa mga tao na Siya ay mapagmahal, tapat at banayad kung magalit ... Ngunit paparusahan din Niya ang ang mga nagkasala. Paano natin mapagkakasundo ang lawig ng hustisya ng Panginoon at ang Kanyang pagmamahal?
Sa pagsisimula, ang pananaw natin sa mga bagay ay mabuti at masama. Ngunit kayang alpasan ng Diyos ang mga kahon kung saan natin Siya inilalagay. Hindi lamang SIya mapagmahal—Siya ay matuwid, kaya't hindi Niya maaaring payagang hindi maparusahan ang mga nagkasala. Gayon man Siya ay mahabagin, kahit pinarurusahan Niya ang ilang henerasyon, ipinapakita pa rin Niya ang pagmamahal Niya sa libo-libong tao.
Ang pagmamamahal at hustiya ng Diyos ay parehong makikita sa kabuuan ng banal na Kasulatan. Ito ay malaking bahagi ng Kanyang katapatan.
Ang engrandeng plano ng Diyos na ibalik ang nasirang relasyon natin sa Kanya ay nagsimula pa sa pangakong ibinigay Niya kay Abraham at kay Sara sa Genesis. Sinabi Niyang pagpapalain Niya ang buong mundo sa pamamagitan ng kanilang mga lahi—ang pangakong naisakatuparan sa pamamagitan ni Jesus.
Ngunit tayong mga tao ay patuloy pa rin sa pagtalikod sa ating bahagi sa kasunduang ito. Habang nakikipag-usap si Moises sa Panginoon, ang ibang mga tao ay nainip at nagpasyang magtayo ng rebulto ng gintong guya upang sambahin. Ngunit dahil Siya ay tapat sa Kanyang pangako, hindi sila pininsala ng Diyos.
Sa halip, ang mga nagpatuloy sa kanilang pagsuway at pagtalikod sa Kanya ay nakatanggap ng parusa, ngunit ang mga nagsisi ay binigyan ng panibagong pagkakataon.
At sa kabila ng lahat ng kabiguan ng mga tao, ang katapatan ng Diyos ay nananatili, na makikita sa pamamagitan ng pagtupad ni Jesus sa pangako ng Diyos.
Kaya't tuwing tayo ay magkakamali at madadapa, maaari tayong bumalik muli sa Panginoon, nang may pasasalamat na ang ating mga kabiguan ay hindi magiging kabawasan sa katapatan ng Diyos na magpatawad at panindigan ang Kanyang mga pangako.
Manalangin: Panginoon, maraming salamat sa Iyong katapatan sa pamamagitan ni Jesus sa aking buong buhay. Kahit pa noong hindi ako naging tapat at noong nagkakamali ako, kailanma'y hindi Mo ako binigo, Ikaw ay aking pinupuri. Bigyan Mo po ako ng mga mata upang makita ang Iyong katapatan sa Iyong mga gawa, at upang ang aking pananampalataya ay lumago. Sa pangalan ni Jesus, amen.
Paghamon: Balikan ang mga kaganapan sa iyong buhay kung saan nakita mo ang kadakilaan ng Panginoon. Maari kang gumawa ng listahan na iyong maaaring balik-balikan.
Tungkol sa Gabay na ito
Sino ang Diyos? Lahat tayo ay mayroong iba't-ibang kasagutan, ngunit paano natin malalaman ang totoo? Anuman ang iyong naging karanasan sa Diyos, sa mga Cristiano, o maging sa simbahan, ito na ang oras upang tuklasin ang Diyos para sa kung sino talaga Siya—tunay, buhay at handang katagpuin ka nasaan ka man. Gawin ang unang hakbang sa 6-na araw na Gabay sa Biblia kasama ang serye ng mensahe ni Pastor Craig Groeschel's, Ang Diyos ay _______.
More