Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ang Diyos Ay _______Halimbawa

God Is _______

ARAW 1 NG 6

Sino Ang Diyos?

Ang Diyos ay _______.

Anong Salita ang una mong naisip? Maaaring kilala mo ang Diyos bilang iyong mapagmahal na Ama. Maaaring naranasan mo ang Diyos bilang isang Manggagamot o Tagapagbigay. O maaaring sa iyong isipan, ang Diyos ay malayo, galit o mapanghusga.

Kahit ano man ang iyong sagot, ang iyong pananaw tungkol sa Diyos ay malaki ang epekto sa iyong buhay. Sa katunayan, ang kilalang pastor at manunulat na si A.W. Tozer ay sumulat ng, "Kung ano man ang pumapasok sa ating isipan kapag naiisip natin ang Diyos, ang siyang pinakaimportanteng bagay tungkol sa atin."

Ang ating pananaw sa Diyos ay nakakaimpluwensya sa kung paano natin tingnan ang ating sarili, ang ibang tao at ang mundo sa paligid natin. Kaya napakahalagang maitayo ang ating pundasyon sa kung sino ang Diyos batay sa di-nagbabagong katotohanan ng Kanyang Salita--hindi batay sa pansamantalang kalagayan ng ating damdamin.

Maaring naranasan mo ang pighati, kawalan o kabiguan na naging batayan ng iyong galit o pagkadismaya sa Diyos. Maaring nakakilala ka ng ibang Mga Cristiano na nagparamdam sa iyo ng panghuhusga at iniisip mo na ganoon din ang Diyos. Marahil sinubukan mong magdasal at kumonekta sa Diyos ngunit wala kang naramdaman, kaya't ang tingin mo ay lagi Siyang malayo, malamig o walang pakialam.

Ang mga karanasan at damdaming ito ay totoo, ngunit hindi ito ang eksaktong representasyon ng karakter ng ating Diyos.

Sa katunayan, ang pagbabaluktot sa ating pananaw sa Diyos ay isa sa mga taktika ng kaaway mula pa noong una. Sa perpektong Hardin ng Eden, kasama nina Adan at Eba ang Diyos na nagbigay lamang ng isang limitasyon: Huwag kainin ang bunga ng puno ng kaalaman. Ngunit ang kaaway ay nagpakita at tinanong si Eba kung ang Diyos nga ba ay talagang nagsabi na hindi nila pwedeng kainin ang prutas, at kinumbinsi siya ng kaaway na may itinatago ang Diyos sa kanila na talagang kailangan nila.

Bilang resulta, kinain niya ang bunga, at pumasok ang kasalanan sa mundo, na sumira sa ating relasyon sa Diyos.

Sa kabila ng lahat ng ito, hindi kailanman nagbago ang karakter ng Diyos. May pagmamahal Siyang nagbigay ng pantakip para kina Adan at Eba, na naglalarawan ng Kanyang pinakadakilang sakripisyo dahil sa pag-ibig: ang pagpapadala Niya ng Kanyang perpektong Anak na si Jesus, upang mahuhay nang walang kasalanan at mamatay ng dahil sa atin upang maibalik ang relasyon natin sa Diyos.

Minsan, nakakatuksong isiping ang Diyos sa Lumang Tipan ay isang mapaghusgang Diyos, at sa Bagong Tipan lamang natin makikita ang habag ng Diyos sa pamamagitan ni Jesus. Ngunit ang totoo, laging hinahanap ng Diyos ang mga makasalanan gamit ang Kanyang kabutihan bago pa man natin Siya hinanap. Lagi Siyang tapat sa pagtupad ng Kanyang mga pangako. Lagi Siyang makatarungan at puno ng kahabagan, banal at mapagmahal, makapangyarihan at hindi nagbabago.

Ang karakter ng Diyos ay napakalalim, napakayaman at napakadakila kung ating ilalarawan, ngunit makikita natin ang mga ito sa kabuuan ng Biblia.

Kaya habang iniisip mo ang Diyos, isaalang-alang kung paano mo binubuo ang pananaw sa Kanya. Base ba ito sa katotohanan ng Kanyang Salita o base sa sakit na iyong naranasan sa nakalipas na mga karanasan?

Sa mga susunod na araw, susuriin natin ang ilan sa mga katangian ng Diyos gamit ang Banal na Kasulatan. Habang atin itong natutuklasan, hilingin sa Diyos na ihayag nang higit pa ang Kanyang sarili sa iyo. Anuman ang iyong mga karanasan sa Diyos, sa mga Cristiano o sa simbahan, tandaan mo ito: Ang Diyos ng sanlibutan ang lumikha sa'yo, nagmamahal sa'yo at laging nariyan para sa'yo.

Manalangin:Panginoon, napagtanto ko na anuman ang naging pagtingin ko sa Iyo ay base sa hindi kompletong impormasyon. Ipakita Mo sa akin ang mga kasinungalingan na aking pinaniwalaan tungkol Sa Iyo at palitan ito ng katotohanan. Ipakita Mo pa sa akin ang Iyong kabutihan at karakter ngayong araw. Sa pangalan ni Jesus, Amen.

Hamon:Punan ang pahayag na ito: Ang Diyos ay _______. Isulat ang lahat ng mga salitang maiisip mo, at humanap ng mga talata sa Biblia na nagpapatunay nito.

Araw 2

Tungkol sa Gabay na ito

God Is _______

Sino ang Diyos? Lahat tayo ay mayroong iba't-ibang kasagutan, ngunit paano natin malalaman ang totoo? Anuman ang iyong naging karanasan sa Diyos, sa mga Cristiano, o maging sa simbahan, ito na ang oras upang tuklasin ang Diyos para sa kung sino talaga Siya—tunay, buhay at handang katagpuin ka nasaan ka man. Gawin ang unang hakbang sa 6-na araw na Gabay sa Biblia kasama ang serye ng mensahe ni Pastor Craig Groeschel's, Ang Diyos ay _______.

More

Nais naming pasalamatan ang Life.Church sa pagbabahagi ng gabay na ito. Para sa karagdagang kaalaman, bisitahin ang: https://www.life.church/