Lumago sa Pag-ibigHalimbawa
Ang Lumalagong Pag-ibig ay Maliwanag na Nagniningning
Sa pagkilala sa ika-50 anibersaryo ng pagdaung sa buwan, ang Harris Poll (isang kumpanya ng pananaliksik sa merkado) ay gumawa ng pagsusuri ng mga batang Amerikano upang tanungin kung ano ang gusto nilang maging paglaki nila. Ang pagiging Youtube star ang nangunga.
Higit kaysa kailanman, ang mga indibidwal ay naghahanap ng pagkilala para sa personal na karangalan. Sa kabaligtaran, ang mga Cristiano ay tinatawagan namang magningning nang maliwanag para sa ikaluluwalhati ng Diyos. Paano nga ba ginagawa ito?
Alamin natin sa pamamagitan ng pagbibigay diin sa ilang talata sa Banal na Kasulatan sa araw na ito.
Pagsumikapan ninyong maging ganap ang inyong kaligtasan … sapagkat ang Diyos ang kumikilos sa inyo … Gawin ninyo ang lahat ng bagay nang walang pagtutol at pagtatalo, upang kayo'y maging mga ulirang anak ng Diyos, matuwid at walang kapintasan ... Sa gayon, magsisilbi kayong ilaw… Mga Taga-Filipos 2:12-15 RTPV05
… dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at papurihan ang inyong Ama ... Mateo 5:16 RTPV05
Mamuhay kayo ayon sa salita ng Diyos. Kung ito'y pinapakinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili. Santiago 1:22 RTPV05
… Ang mahalaga'y ang pananampalatayang nakikita sa mga gawaing udyok ng pag-ibig. Mga Taga-Galacia 5:6 RTPV05
Ang mga talatang ito ay naghahayag na ang liwanag ng Cristiano ay isang proseso nang paglago sa pag-ibig sa pamamagitan ng pananampalataya at pakikipagtulungan sa Banal na Espiritu.
Kaya ano ang hitsura ng nagniningning na Cristiano? Ito ba ay isang tao na laging nakangiti at tila hindi nagkakaroon ng masamang araw? Ito ba ay isang tao na nakakabilib ang kabaitan, o ang pinakamapagbigay na taong kilala mo?
Baka, o baka hindi. Tandaan ang ikatlong araw ng paghahanay ng kaluluwa—ang ating mga gawa at ang ating mga motibo ay mahalaga.
Pag-isipang panandali ang nakakamanghang katotohanang hatid ng sipi mula sa bantog na aklat naThe Boy, the Mole, the Fox and the Horse:
“Hindi ba nakakapagtaka. Nakikita lang natin ang ating panlabas, ngunit halos lahat ay nangyayari sa loob.”
Ang nagniningning na pag-ibig ay tumitigil sa pagtingin sa pang-ibabaw. Ito ay tumitigil sa paghahambing, panghuhusga, pamumula, at paggawa dahil sa pagtatangi o diskriminasyon, at sa halip ay tumitingin sa Diyos.
Nagniningning tayo sa pag-ibig ng Diyos kapag alam nating ang ating pakikibaka ay laban sa espirituwal na kadiliman at nananalangin tayo't nakikipaglaban para sa pagkakaisa ng mga tagasunod ni Cristo. Nagniningning tayo kapag tayo ay nagsasalita at kumikilos laban sa kawalan ng katarungan, namumuhay nang bukas-palad at mapagpasalamat, ginagawa ang lahat ng kabutihang maaari nating gawin, at minamahal ang ating mga kaaway.
Sinusubukan ng sekular na kulturang akitin tayong hanapin ang ating sariling kasiyahan, pilosopiya, katanyagan, at layunin sa labas ng Diyos. Ngunit tila baliktad, dahil ang sekularismo ay lumilikha ng isang mundo ng mga taong laging naliligalig at hungkag. Nakakaligtaan o tinatanggihan nila ang pagbibigay-puri at pagdadakila sa Diyos.
Sa kabilang banda, ang mga taong pinakanagbibigay-luwalhati sa Diyos ay alam na ang kanilang pagkakakilanlan at halaga ay nagmumula sa Kanya.
Mga kapatid kay Cristo, upang patuloy na magliwanag sa atin ang pag-ibig ni Cristo, dapat nating tandaan na tayo ay may ganap na katiyakan at walang-katumbas na kahalagahan sa pamamagitan ni Cristo. Siya ang ating buhay, ating katiyakan, at ating kahalagahan.
At kapag tayo ay mamumuhay sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu, panatag sa kung sino tayo sa Kanya, ang pag-ibig ay magliliwanag nang maningning mula sa atin, at tatanggapin ng Diyos ang lahat ng kaluwalhatian.
Ang kadakilaan Niya ay ihayag, at ngalan Niya'y purihin ng lahat! Mga Awit 34:3 RTPV05
Manalangin: Maningning at kahanga-hangang Diyos ng pag-ibig at liwanag, nagpapakumbaba ako sa harap Mo. Ikaw lamang ang aking luluwalhatiin. Tinatanggihan ko ang mga kasinungalingang dala ay kaligaligan. Ikaw ang aking kahalagahan, at sa Iyo ako ay panatag. Tulungan akong lumago ang pananampalataya sa Iyong dalisay, mapagsakripisyo, at nagliliwanag na pag-ibig. Sa pangalan ni Jesus, amen.
Tungkol sa Gabay na ito
Ang tunay na mahalaga ay ang pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa iba, ngunit paano natin ito gagawin nang epektibo? Ang katotohanan ay hindi natin kayang mahalin nang maayos ang ibang tao gamit ang sarili nating lakas. Ngunit kung tayo ay titingin sa Diyos at magpapakumbaba, kakayanin nating mamuhay mula sa tunay at makapangyarihang pag-ibig ng Diyos. Alamin ang higit pa tungkol sa paglago sa pag-ibig sa 5-araw na Gabay sa Biblia na ito mula kay Pastor Amy Groeschel.
More