Lumago sa Pag-ibigHalimbawa
Ang Lumalagong Pag-ibig ay Mapagpakumbaba
Nasisiyahan ka bang matuto ng mga bagong gawain? Mahigit dalawang taon na akong araw-araw na nag-aaral ng Espanyol sa aking telepono. Ito ay muy divertido (sobrang saya)!
Gusto kong lumago sa kaalaman at kaunawaan tungkol sa halos anumang bagay. Sa katunayan, ang pagiging mangmang tungkol sa isang bagay ay medyo nakakatakot sa akin. Kasi kapag ganyan pakiramdam ko mahina ako, mangmang, o hindi mahalaga, samantalang ang kaalaman ay nagbibigay sa akin ng pakiramdam ng tiwala sa sarili at kontrol.
At ngayon oras nang ipagtapat ko sa inyo ang isang bagay na hindi maganda. Ako ay nagpapagaling pa lang sa sakit na alam-ko-ang-lahat, at gustong-gusto kong ako ang tama. Kung ikaw ay ganito rin, umaasa akong mapagpapala at matutulungan ka ng debosyonal na ito!
Heto ang isyu: Ang matuto ay mabuti. Lalo nang kailangang nating lumago sa ating kaalaman sa Salita ng Diyos! Ngunit may ilang problema sa kaalaman, na makikita natin ngayon sa Banal na Kasulatan.
Sa katunayan, hinihikayat kitang dagdagan nang kaunti pa ang oras mo sa mga talata ngayon.
Habang ginagawa mo ito, pakaisipin ang dalawang malaking problema sa kaalaman:
- Napakadali nating umasa sa kaalaman kaysa sa Diyos.
- Napakadali nating maging mapagmataas at mapagdepensa sa ating kaalaman.
Ang kagustuhan sa kaalaman at na maging tama ay lumilikha ng isang malaking tuksong maliitin ang ibang nag-iisip o kumikilos nang iba sa iyo. At ang pagdadakila sa kaalaman ay maghihiwalay sa iyo sa mga taong may naiibang pananaw.
Nasaan ba talaga ang pag-ibig o ang pagkakataong epektibong maibahagi ang ebanghelyo sa alinman sa mga ito? Kung tinatamaan ka, nais kong malaman mong pareho tayong may matututunan mula rito!
Kalaunan, ang pagmamataas at pagmamahal ay hindi maaaring magsama.
Upang magmahal tulad ni Jesus—Siya, na Diyos, na alam ang lahat ngunit kusang hinubaran ang Kanyang sarili ng Kanyang katayuan upang maglingkod, mangaral, at magligtas sa sangkatauhan—kinakailangan nating lumakad sa Kanyang kapakumbabaan.
At para gawin ito, kailangan nating alisin ang lahat ng pagmamataas.
Ang magmahal nang may kapakumbabaan gaya ni Jesus ay nangangahulugan ng pagpapatagos at pagbababad sa anumang kaalamang mayroon tayo sa karunungan at pagtalos ng Diyos. Saka pa lamang nating magagawang makipag-ugnayan sa iba nang may kahabagan, tanungin sila, at pahalagahan sila saan man sila naroon—sa kanilang kagalakan o sakit, at sa kanilang kasalanan o kamangmangan. Iyan ang ginawa ni Jesus.
Tayo ay dapat na maging M.I.N. sa mga tao: Mapagpakumbaba. Interesado. Naririyan. Dahil ang tunay na pagmamahal sa iba ay nangangailangang masdan sila at pakinggang mabuti, hindi lang bigyan sila ng impormasyon.
Bawat araw, ang pagpili ay sa atin. Maaari tayong mamuhay mula sa kaalamang nauugat sa opinyong tayo'y matuwid, o maaari tayong mamuhay mula sa mapagpakumbabang, mapagbiyayang katotohanan at nagliligtas-buhay na pag-ibig ni Cristo.
Gaya ng paalaala sa atin sa 1 Mga-Taga Corinto 13, hindi pa lubos ang ating kaalaman, ngunit lubos na alam ng Diyos ang buong larawan. Kaya't magitwala tayo sa Kanyang kaparaanang mapagpakumbabang pag-ibig.
Manalangin: > Humintong panandali at hanapin ang Ama. Hilingin sa Banal na Espiritu na buksan ang iyong mga mata sa anumang lihim ng pagmamataas. Hilingin sa Kanya na usigin ka sa tuwing ang pagmamataas ay dumarating. Hilingin na ang pag-ibig ng Diyos ang maging pinakamalinaw na bagay sa iyong buhay.
Tungkol sa Gabay na ito
Ang tunay na mahalaga ay ang pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa iba, ngunit paano natin ito gagawin nang epektibo? Ang katotohanan ay hindi natin kayang mahalin nang maayos ang ibang tao gamit ang sarili nating lakas. Ngunit kung tayo ay titingin sa Diyos at magpapakumbaba, kakayanin nating mamuhay mula sa tunay at makapangyarihang pag-ibig ng Diyos. Alamin ang higit pa tungkol sa paglago sa pag-ibig sa 5-araw na Gabay sa Biblia na ito mula kay Pastor Amy Groeschel.
More