Lumago sa Pag-ibigHalimbawa
Ang Lumalagong Pag-ibig ay Umaasa sa Diyos
Madaling maging masyadong abala sa ating buhay na nakakaligtaan na natin ang tunay na mahalaga. Ngunit sa panahong ito, ipinapakita ng Diyos sa akin ang kahalagahan ng mga relasyon at paglago sa pag-ibig. Sa mga susunod na araw, pag-aaralan natin kung paano tayong maaaring lumago sa ating pag-ibig sa Diyos at sa iba upang ating maranasan ang pinakapangunahing hangarin at katawagan sa atin ng Diyos— ang maranasan at mamuhay mula sa Kanyang pag-ibig.
Sa katunayan, sinasabi sa atin ng Banal na Kasulatan sa Mateo 22:37-40 na ang pagmamahal sa Diyos ng ating buong pagkatao at ang pagmamahal sa kapwa gaya ng pagmamahal natin sa ating sarili ay natutupad natin ang buong kautusan at mga propeta.
Marahil alam mo na ito. Ngunit mas madaling sabihin kaysa sa gawin, hindi ba?
Sa halip na gumawa ng isang milyong palusot kung bakit ito'y tila imposible, pinipili kong lumago sa mga napakahalagang katawagang ito. At sa palagay ko gusto mo ring gawin ito.
Kung kaya, paano ba natin magagawang magmahal nang ganito? Hindi natin kaya sa totoo lang—hindi nang mag-isa.
Kailangan nating tumingin sa Diyos—ang pinagmumulan ng pag-ibig! Itinuturo sa atin ng Biblia na hindi lamang pinagmumulan ng pag-ibig ang Diyos, kundi na ang Diyos ay pag-ibig (tingnan ang 1 Juan 4:16). Bilang mga Cristiano, nagagawa nating magmahal nang tunay dahil tayo mismo ay nakaranas ng Kanyang may kagandahang-loob na pagmamahal para sa atin (tingnan ang Mga Taga-Filipos 2:1-2).
Bagaman hindi natin magagawa ang perpektong pagmamahal bago tayo umabot sa langit, maaari tayong lumago sa ating kakayahang magmahal. At angmamuhay mula sa pag-ibig ng Diyos ay posible kung kikilalanin natin Siya at gagawing sandigan sa bawat sandali.
Naaalala mo pa ba ang buhay mo bago mo naranasan ang kagandahang-loob at pagpapatawad ng Diyos? Huminto saglit at pangalanan ang tatlong panloob na pagpapalang tinatamasa mo na ngayon bilang isang Cristiano.
Kapag ating napagtanto, kinapitan, at ikinagalak kung sino ang Diyos, tunay na pag-ibig ang magiging resulta!
Tingnan natin ang halimbawa ng ating Panginoong Jesus:
Sinabihan ni Jesus ang mga pumupula at nagdududa sa Kanya na lahat ng Kanyang ginagawa at sinasabi ay nagmula sa gabay ng Kanyang Ama sa langit. At bilang resulta, ang nakita ng mga tao sa Kanyang buhay ay isang pag-ibig na sukdulan sa habag at nakapagbabago ng buhay na walang hanggan.
Kung tayo ay lalago sa pag-ibig, hindi ito manggagaling sa higit na pagsisikap o pag-asa sa ating sarili. Kailangan nating matuto mula kay Jesus at hanapin ang isang malalim at matalik na relasyon sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin.
Kailangan nating sumangguni sa Biblia upang malaman kung paano maglakad nang may pag-ibig, at kailangan nating matuto na tumingin at umasa sa Kanyang buhay na nasa atin. Kapag ginawa natin ito, ang pag-ibig ay magiging pag-uumapaw ng Kanyang kabutihan sa ating buhay.
Manalangin: Maglaan ng ilang sandali upang makipag-usap sa Diyos. Aminin ang iyong pangangailangang lalong umasa sa Kanya. Ipahayag sa Diyos ang matinding kasiyahang maging Kanyang anak, at hilingin sa Kanya na ipakita sa iyo ang mga partikular na paraang maaari kang mamuhay mula sa Kanyang Banal na Espiritu na nasa loob mo.
Tungkol sa Gabay na ito
Ang tunay na mahalaga ay ang pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa iba, ngunit paano natin ito gagawin nang epektibo? Ang katotohanan ay hindi natin kayang mahalin nang maayos ang ibang tao gamit ang sarili nating lakas. Ngunit kung tayo ay titingin sa Diyos at magpapakumbaba, kakayanin nating mamuhay mula sa tunay at makapangyarihang pag-ibig ng Diyos. Alamin ang higit pa tungkol sa paglago sa pag-ibig sa 5-araw na Gabay sa Biblia na ito mula kay Pastor Amy Groeschel.
More