Ano ang Katotohanan?Halimbawa
Nagsisimula Sa Tao sa Salamin
Kahapon ay pinabulaanan natin ang matagal nang kasinungalingan na nagsasabing ang katotohanan ay mapang-api at mahigpit. Ngayon, kailangan nating tugunan ang isa pang maling kuru-kuro tungkol sa katotohanan. Ang isang ito ay hindi nababanggit ngunit nakalulungkot na madalas mangyari. Alam mo, ang katotohanan ay hindi kailanman nilalayong maging sandata, ito ay sinadya upang maging isang pundasyon. Ngunit kahit na sa panahon ni Jesus, ginamit ng mga relihiyosong pinuno ang Batas, ang katotohanan ng espesyal na tipan ng Diyos sa Kanyang mga tao, bilang isang sandata upang makakuha ng kapangyarihan sa iba. At si Jesus ay HINDI sang-ayon dito.
Sa Mateo 23, napuno na si Jesus at tinawag Niya ang mga Pariseo nang may nakakatakot na kasidhian. Walang pigil Niyang inilantad ang kanilang katiwalian at pagkukunwari. Narito ang ilang sinabi doon:
“Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Hinahadlangan ninyo ang mga tao upang hindi sila makapasok sa kaharian ng langit. Ayaw na ninyong pumasok, hinahadlangan pa ninyo ang mga nais pumasok!” Mateo 23:13-14 RTPV05
Dagdag pa rito, tinawag sila ni Jesus na mga ahas, sinabi na sila ay puno ng nabubulok na mga bangkay, at sinabing sila ay mga anak ng impiyerno. Siya ay sobrang seryoso. Malinaw na sineseryoso ni Jesus ang pang-aabuso, nakakasamang paggamit ng katotohanan.
Mag-ingat tayo na hindi tayo makagawa ng ganitong kamalian din. Sa tingin mo ba ay imposible para sa iyo na maging katulad ng nabanggit na mga relihiyosong pinuno? Sa totoo lang, mas madali sa atin na ituro ang mga pagkakamali ng iba bago ang ating mga sarili. Madaling punahin ang iba, hangarin ang sarili nating pakinabang, at makita ang ating sarili na mas mahusay kaysa sa iba. Kung sabagay, hindi mo ginawa ang ginawa niya. Hindi mo papaabutin sa nagawa niya. Ngunit ang ganyang kaisipan, iyan mismo, ay ang umpisa sa pagiging isang Pariseo.
Iyan ang dahilan kung bakit binalaan tayo ni Jesus na suriin muna ang ating sarili at harapin ang "troso sa ating sariling mata" bago subukang alisin ang isang maliit na puwing mula sa iba. Ito ay isang nakakatawang paglalarawan, ngunit mabisang inilalarawan nito ang ating pagkahilig na ibalewala ang ating sariling mga isyu at pagkakamali at sadyang hangarin at palakihin ang mga pagkakamali ng iba.
Ito ang dahilan kung bakit inihambing ni Santiago, kapatid ni Jesus, ang katotohanan ng Diyos, ang Kanyang perpektong batas, sa isang salamin. At ito ang importante: Hindi ka gumagamit ng salamin upang tumingin sa iba. Gumagamit ka ng salamin upang tingnan ang iyong sarili.
Hamon: Mabilis mo bang itinutulak ang salamin ng katotohanan sa mukha ng iba ngunit madalas na nakakalimutang tingnan ang estado ng iyong sariling puso? Sagutin ang katanungang ito sa anyo ng isang pagdarasal na humihingi ng kapatawaran kung saan kinakailangan at para sa Diyos na patuloy na hanapin ka at tulungan kang tumugon nang may pagpapakumbaba sa anumang ipinakikita Niya sa iyo.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Ito ba ang aking katotohanan o ang katotohanan? Ano ang mangyayari kapag magkasalungat ang dalawang iyon? Paano natin malalaman kung ang isang bagay ay totoo o hindi? Samahan kami sa susunod na pitong araw habang isinasaalang-alang natin ang ideya na ang katotohanan ay hindi isang abstraktong konsepto—ito ay isang tunay na tao. Isang taong may pangalan at mukha. Isang tao na nakikipag-ugnay, hindi nagbabago, nagbibigay ng buhay, at walang hanggang mapagmahal. Isang taong nagngangalang Jesus.
More