Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Nawawalang KapayapaanHalimbawa

Missing Peace

ARAW 2 NG 7

Kapayapaang Pangkaugnayan 

Ang kawalang katiyakan ay tila nagpapalaki ng di-pagkakaunawaan at matitinding opinyon. At sa panahon kung saan ang "walang katulad" ay maaaring salita ng taon, tayong lahat ay humarap na sa ilang di-pagkakaunawaan. 

Maging ito ay mga pakikipagtalong politikal na nagsimula sa kainan sa tuwing pista opisyal, mga komento sa social media na bahagyang umiinit, o ang pagkakaroon ng mga mahihirap na usapan tungkol sa mga hangganan, minsan ang mga taong pinakamamahal natin ang nagbibigay sa atin ng matinding stress. 

Subalit ang kapayapaan ay posible sa ating mga relasyon. Sa katunayan, ang pagdadala ng kapayapaan sa mundo ay isang bagay na tayo ay tinawag na gawin bilang tagasunod ni Jesus. Sa Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus: 

Mapapalad ang mga mapagpayapa: sapagka't sila'y tatawaging mga anak ng Dios. Mateo 5:9 ABTAG

Pansinin na sinabi ditong “mapagpayapa”—hindi “tagapag-ingat ng kapayapaan.” Ang pakikipagpayapaan ay isang aktibong proseso. Hindi ito nangangahulugan na tayo ay sumasama sa bawat opinyon na umiikot sa hapag kainan. Hindi rin ito nangangahulugan na kailangan tayong sumang-ayon sa lahat o huwag maging dahilan ng di-pagkakaunawaan. Ang mga ganitong pagkilos ay maaaring lumikha ng kunwaring kapayapaan—ngunit hindi ang tunay na kapayapaan. 

Bagamat nakakatukso na balewalain ang di-pagkakaunawaan o magkunwari na ito ay wala, hindi iyon isang mapagmahal na tugon. Ang Mga Taga-Roma 12:9 ay nagpapaalala sa atin na ang pag-ibig ay kinakailangang tapat. Kung itatago natin ang ating nasaktang damdamin, hindi tayo nagdadala ng kapayapaan—tayo ay umiiwas sa proseso ng paggawa ng kapayapaan. 

Subalit, si Pablo ay patuloy na humahamon sa atin sa Mga Taga-Roma 12 na isaalang-alang kung ano talaga ang kapayapaan, at hindi ito madali. Pagkatapos na tayo ay himukin na pagpalain ang mga nakasakit sa akin, na iwasan ang paghihiganti, at mamuhay nang naaayon sa iba, inilabas niya ang hamong ito: 

Kung maaari, ayon sa inyong makakaya, ay magkaroon kayo ng kapayapaan sa lahat ng mga tao. Mga Taga-Roma 12:18 ABTAG

Pansinin na sinabi nito, “ayon sa makakaya ninyo.” Nangangahulugan ito na hindi tayo makakalibre dahil sa hibang na pag-uugali ng ating tiyuhin. Kahit gaano kagulo ang lahat ng nakapaligid sa atin, nais ng Diyos na itaguyod natin ang kapayapaan, kahit na ito ay nangangahulugan ng tuwirang pakikipag-ugnayan sa isang tao o pag-aalis natin ng ating sarili sa isang sitwasyon kung alam natin na ito ang pinakamainam na paraan upang dalhin ang kapayapaan sa sandaling iyon.

Kaya, paano ka magiging mapagpayapa sa lahat ng sitwasyon? Makakakuha tayo ng kaunti pang karunungan mula kay Santiago: 

Ngunit ang karunungang buhat sa itaas, ay una-una'y malinis; saka mapayapa, banayad, madaling panaingan, puspos ng kaawaan at ng mabubuting bunga, walang inaayunan at walang pagpapaimbabaw. At ang bunga ng katuwiran ay natatanim sa kapayapaan sa mga nagsisigawa ng kapayapaan. Santiago 3:17-18 ABTAG

Ang pagiging mapagpayapa ay ang paghiling sa Diyos ng karunungan, pagkatapos ay sinusubukan ang karunungang iyon sa pamamagitan ng pagsusuri kung ito ay puno ng kapayapaan o puno ng ating sariling pagmamataas. Ito ay nangangahulugan na bagamat okey lang sa atin na ibahagi ang ating opinyon at isatinig ang ating mga pagkabahala, inuuna natin ang ibang tao nang higit sa ating sarili. 

Ito ay tulad ng pagiging mapagpakumbaba at mahabagin kung ibinabahagi natin ang ating pananaw. Ito ay nangangahulugan na sinusuri natin ang ating mga motibo sa pagbabahagi at sinisiguro na ginagawa natin ito na may isinasaisip na panunumbalik. At ito ay ang pagtatanong kung ang ating mga layunin ay naghahanap ng katuwiran o pagiging tama. 

Kaya, kung natatagpuan mo ang iyong sarili sa sitwasyon na kailangan ng kapayapaang pangkaugnayan, sandaling huminto. Ipalagay ang pinakamainam sa ibang tao. Sabihin kung ano ang iyong nararamdaman o ano ang iyong iniisip. Maging mapagpakumbaba. Magpakita ng pang-unawa. Ipanalangin ito. At tanungin ang iyong sarili kung ano ang susunod na hakbang na maaaring gawin upang magdala ng kapayapaan sa sitwasyon. 

Kapag ginawa mo ito, ikaw ay nagiging mapagpayapa—at ikaw ay nagiging anak ng Diyos. 

Araw 1Araw 3

Tungkol sa Gabay na ito

Missing Peace

Posible bang maranasan ang kapayapaan kung ang buhay ay puno ng pasakit? Ang maikiling sagot: oo, subalit hindi sa ating sariling kakayahan. Sa isang taon na nag-iwan sa atin ng labis na kaguluhan, marami sa atin ang naiwan na may mga katanungan. Sa 7-araw na Gabay sa Bibliang ito, kasama ng serye ng mensahe ni Pastor Craig Groeschel, matutuklasan natin kung paano matatagpuan ang Nawawalang Kapayaan na ating hinahangad.

More

Nais naming pasalamatan ang Life.Church sa pagbabahagi ng gabay na ito. Para sa karagdagang kaalaman, bisitahin ang: https://www.life.church/