Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Billboard BeautyHalimbawa

Billboard Beauty

ARAW 2 NG 5


TV Show

Alam kong hindi na bago ang ganitong kaisipan. Marami ang may ganitong pag-iisip tungkol sa kanilang sarili. Ito ang nanghikayat sa aking magtanong, mag-interview at magsiyasat. Pakiramdam ko ako ay si Boy Abunda (girl version, Girl Abunda?).

Bubukas ang ilaw. Ihahanda ang camera. Sisigaw ang direktor ng “Action!” Magsisimula ang palabas at papasok ako sa studio at sasabihin ang kaniyang tanyag na linyang,“Kaibigan,usap tayo.” Makikita ko ang aking sarili, nakaupo sa magarang sofa, kaharap ang isang kaibigan: Si Alliana.

“Lights. Camera. Action!”

Nasa entablado ako kasama ang kaibigang si Alliana*: “Sa tingin mo ba maganda ka?” Iiling lang siya—iling na tila ikinakahiya ang sariling itsura. At kung tatanungin kung bakit, parang pareho kami ng sagot: “Kulot kasi ang buhok ko, mataba at maitim dahil laging nasa labas. Hindi ko kapareho ang mga nasa ads sa TV at sa billboards.”

Tatango ang studio audience. Maging sila ay ganoon din ang nasa isip.

Isa-isa silang magsasalita: “Pakiramdam ko ay hindi ako maganda,” sasabihin ng isang nanay, “dahil hindi na ako mukhang bata. Maghahanap na ng iba ang mister ko.” Muling tatango ang audience. Isang batang babae ang magtataas ng kamay: “Hindi ako maganda...” tatahimik ang audience, “...dahil hindi ko kamukha si Barbie. Walang ‘Ken’ ang lalapit sa akin paglaki ko.”

Bilang host ng programa, mapapangiti ako sa sinabi ng isang bata ngunit malulungkot ako dahil nakikita ko ang sarili ko sa kaniya. Kaya bago pa bumugso ang mga damdamin, magtatawag ako ng commercial break. “Cut!” sasabihin ng direktor.

Manatili ka sa telebisyon at makikita mo ang mga patalastas ng iyong paboritong telenovela. Ang mga bidang hinahangaan mo, halos iisa ang itsura: makinis ang mala-porselanang kutis, matangkad at maganda ang hubog ng katawan. Magtataka ka kung bakit karamihan sa mga modelo at artista ay may lahi o ‘half-half’ kung tawagin. Ilan na lang ba sa nakikita mo ang mukhang Pilipino talaga? Kakaunti na lang ang may morena o kayumanggi ang kutis. Bihirang-bihira ang mga maliliit o pango ang ilong. Kung may ganito man ay hinihikayat magpa-bleach, magsuot ng sapatos na mataas ang takong at magparetoke. Kung hindi naman, sa mga katulad nila napupunta ang mga karakter ng kontrabida, mga komedyante, o mga extra. Pansin mo rin ba?

Kasunod nito, isusubo naman sa iyo ang iba't ibang produkto. Maputi at kumikinang na ngipin ang alok ng isang toothpaste. Mapapansin ka na sa wakas ng crush mo mo kapag ginamit mo ang "whitening, age-defying, skin smoothening" lotion na ito. Dagdag ganda-points daw kapag sinubukan mo ang pampapayat na ginagamit din ng paborito mong leading lady. Iisa ang nakukuha mong mensahe: Gusto mo maging katulad nila? Ayusin mo ang sarili mo. Gamitin mo ang produktong ito!

Maitim. Pandak. Pango. Atbp. Kailan ba naging kasingkahulugan iyan ng salitang ‘pangit’? Sa Diyos na lumikha sa lahat, lahat ng lahi o hitsura, ay maganda.

“Lights. Camera. Action!”

Balik na tayo sa palabas. Nakaupo naman ako ngayon sa parehong magarang sofa, kaharap ang isang kaibigan sa midya, si Kira*.

Magsisimula ako ng linya. “Narinig natin kanina ang audience. Pakiramdam nila ay hindi raw sila maganda. Bakit? Hindi unat ang kanilang buhok. Hindi na sila mukhang bata. Hindi maputi ang kanilang kutis. Hindi nila kamukha ang mga idolong artista. Alam mo bang malaki ang epekto dito ng industriyang kinabibilangan mo?” Tatango si Kira. Alam niyang malaki ang papel ng midya sa paniniwala ng mga tao ukol sa kanilang kagandahan.

Magsisimula siyang sumagot, “Kasi unang-una, iniimpose sa kanila kung ano ang maganda. Kapag hindi ka maputi, pangit ka. May mali sa iyo. Dapat magpaputi ka. O kapag mataba ka, pangit ka, magpapayat ka dapat. Ayos lang sana kung health ang concern, pero hindi eh. Ang nangyayari, iyong consumer, bibili ng product na iyon hindi para sa health niya kundi para magkaroon ng confidence or ma-attain iyong standard na imposed sa kanila ng media.”
Araw 1Araw 3

Tungkol sa Gabay na ito

Billboard Beauty

Marami sa mga kababaihan ang naniniwalang hindi sila maganda dahil sa pamantayan na ipinapakita ng media. Alamin ang kuwento ng isang dalagang iyon din ang naging paniniwala at kung ano ang nagawa ng Bibilya para sa kaniya. Ang ‘Billboard Beauty’ ay isinulat ni Melinda Ramo, isang news reader sa Far East Broadcasting Company at manunulat sa www.rightnow.ph.

More

Mababasa ang kuwentong ito at iba pang kuwento at tips para sa mga kabataan sa Right Now Philippines, an affiliate of Far East Broadcasting Company for the Youth