Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Billboard BeautyHalimbawa

Billboard Beauty

ARAW 1 NG 5

My Story

Lumaki ako sa paniniwalang hindi ako maganda. At alam kong hindi ako nag-iisa. Sa tuwing titingin ako sa salamin, nakikita ko ang isang dalagang pinaunat ang buhok, pinudpod ng pampaputi ang balat, kinalyo ng high heels ang talampakan, pinapayat ng diyetang nagpapaliit ng tiyan. Kabilang ako sa nakararami. At habang hindi ko pa nagiging kamukha ang hinahangaang artista, hindi ako makukuntento. Malungkot kong aalisin ang tingin ko sa salamin, lalabas ako ng bahay at titingalain na lang ang mga naggagandahang babae sa mga billboard. Tititigan nila ako pabalik na tila sinasabing, “Pwede mo rin kaming maging kamukha.” Mapapangiti ako sa ideyang maaaring tama nga iyon.

Nagsimula ang lahat noong ako ay bata pa. Bilang madalas na pinakamaliit sa klase,tampulan ako ng tukso noong elementarya. Bukod kasi sa aking taas (o ang kawalan nito), madalas ko maramdaman na ako ay “pangit”. Titingin ako sa salamin at makikita ko ang rason: magulo at sabog ang buhok, maitim ang balat at pango ang ilong.

Noong high school ako, mas lalo pang tumindi ang hikayat ng pagpapaganda.Sa isang kapaligiran kung saan ang kagandahan ay nasusukat sa dami ng iyong manliligaw o sa kung ano ang sasabihin tungkol sa iyo ng ibang tao, mahirap magpahuli. Naniwala akong mataba ako kahit noong mga panahong iyon ay wala pa akong 50 kilos. Sinubukan ko magpapayat.

College, naging mas determinado ako. Sinasadya kong hindi mag-lunch. Hanggang sa mabilis na bumaba ang timbang ko. Napansin ko na lang na parang may mali nang magsimula nang magtaka ang mga tao sa paligid ko. "Ano nangyari sa iyo?" "May sakit ka ba?" "Umamin ka, may cancer ka ano?" Nagtataka pa ako kung bakit. Titingin na lang ako sa salamin at tatayo sa timbangan, malalaman ko na ang rason. Mula sa halos 50 kilos noong high school, bumaba ang timbang ko sa kulang kulang na 40 kilos na lamang.

“Your beauty should not come from outward adornment,” sabi daw sa Bibliya. “Inner beauty is more important than outer beauty,” madalas ko marinig. Mga magagandang kasabihan. Naniniwala naman ako. Pero hindi ako nagtiwala.

Hindi lang ang timbang ko ang pilit kong binago noon, pati ang kulay ng aking kutis, ang kulot kong buhok at ang aking kaliitan. Bilang solusyon, nagpaunat ako ng buhok, nagpaputi ng kutis, at uminom ng pampatangkad (na hindi epektibo sa akin). Lahat ng ito sa ngalan ng “kagandahan.”
Araw 2

Tungkol sa Gabay na ito

Billboard Beauty

Marami sa mga kababaihan ang naniniwalang hindi sila maganda dahil sa pamantayan na ipinapakita ng media. Alamin ang kuwento ng isang dalagang iyon din ang naging paniniwala at kung ano ang nagawa ng Bibilya para sa kaniya. Ang ‘Billboard Beauty’ ay isinulat ni Melinda Ramo, isang news reader sa Far East Broadcasting Company at manunulat sa www.rightnow.ph.

More

Mababasa ang kuwentong ito at iba pang kuwento at tips para sa mga kabataan sa Right Now Philippines, an affiliate of Far East Broadcasting Company for the Youth