Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Namumuhay na Binago: Pagyakap sa PagkakakilanlanHalimbawa

Living Changed: Embracing Identity

ARAW 5 NG 6

Ang Awtoridad sa Ating mga Buhay

Kapag bata pa tayo, ang ating mga magulang ay mayroong awtoridad o kapangyarihan na magdesisyon para sa atin. Kahit na tayo ay lumaki at nagsasarili na, kailangan pa rin nating sumunod sa mga batas at alituntunin. Mayroong mga inaasahan sa atin sa trabaho, sa mga relasyon, at sa ating kultura. Maraming mga dapat ibalanse, subalit sa huli, nasa atin ang desisyon ng kung kaninong opinyon ang may kapangyarihan sa ating buhay.

Noong maliit pa ako, naalala kong sinabi ng ama kong ako ay "malaki ang bulas." Hindi niya layong saktan ako, at alam kong mahal na mahal niya ako. Subalit, ang simpleng puna niyang iyon ay nakasakit sa akin. Sineryoso ko ito at hinayaang ang komentong ito ay umalingawngaw sa aking isip nang ilang taon. Ito ay nagsilbing paalala na hindi ako kailanman magiging mas maliit at hindi ako magiging sapat.

Maaari na, katulad ko, ikaw ay nasaktan sa isang bagay na walang-ingat na sinabi ng isang malapit na miyembro ng pamilya. Maaaring sinabi ng iyong ina na mahirap kang pakibagayan, o hindi ka kailanmang gustong makasama ng iyong kapatid. Maaaring ikaw ay nakaasa sa mga papuri ng iyong amo upang maramdamang maayos ang iyong ginagawa. Maaaring hinahayaan mo ang social media ay magsabi na ikaw ay labis o hindi sapat. Sino ang pinapayagan mong maging awtoridad sa kung sino ka at sa kung sino ka dapat maging? Ang Diyos at ang Kanyang Salita ang dapat na pinakamataas na awtoridad sa iyong buhay.

Sa aklat ng Mateo, mababasa natin ang tungkol sa pagtatagpo ni Jesus at Satanas. Sinubukang tuksuhin ng diyablo si Jesus sa pamamagitan ng pag-atake sa Kanyang pagkakakilanlan. "Kung ikaw ay Anak ng Diyos," ang sabi niya. Gustong-gusto ko ang tugon ni Jesus! Hindi Siya naging depensibo o nagtangkang makipagdebate. AlamNiya kung sino Siya: ang Anak ng Diyos, tagapagmana ng trono ng langit, Hari ng mga Hari at Panginoon ng mga Panginoon! Pansinin kung paano inasunto ng diyablo ang pagkakakilanlan ni Jesus nang dalawang beses bago isuko ang taktikang ito. Ito ay dahil si Satanas ay hindi malikhain. Siya ay paulit-ulit sa parehong mga pag-atake at gumagamit ng parehong mga kasinungalingan habang naghahanap ng mahihinang bahagi ng ating kalasag. Kaya kailangan nating manatiling nakabantay, at tulad ni Jesus, makipaglaban gamit ang ating pinakadakilang sandata.

Ang Banal na Kasulatan ay inilalarawan na Tabak ng Espiritu. Kapag ginagamit natin itong pamutol ng mga kasinungalingang lumilipad patungo sa atin, binibigyan natin ang Diyos ng awtoridad sa ating pagkakakilanlan at inaalisan ng kapangyarihan ang mga pakana ng kaaway. Hindi tayo dapat magtakda ng ating pagkakakilanlan base sa ating trabaho, ating nakaraan, ating kalagayan sa pag-aasawa, ating mga anak, sa sinasabi ng iba tungkol sa atin, o kahit pa sa nagawa natin para sa simbahan. Ang kasagutan ay hindi manggagaling sa ating komunidad, ating mga kritiko, o ating kultura. Tanging Diyos lamang ang dapat may awtoridad sa ating pinaniniwalaan tungkol sa ating sarili. Ang ating tunay na pagkakakilanlan ay nakalagak sa Kanya lamang.

Hakbang sa Pagkilos:

Gawin ang ginawa ni Jesus. Hayaang ang Kanyang tugon sa atake ni Satanas ang iyong maging plano sa pakikibaka. Huwag bigyan ang kaaway ng matitindigan sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa kanyang bigyan ka ng duda sa kung sino kang nilikha na maging. Matutong humawak sa Tabak ng Espiritu laban sa mga kasinungalingan ng kaaway, sa mga hindi patas na mga inaasahan ng mundo, at sa mga negatibong pakikipag-usap mo sa iyong sarili. Ikaw ay minamahal, karapat-dapat, gusto at kinagigiliwan ng iyong Ama sa Langit. Ipahayag ang katotohanang ito nang paulit-ulit hanggang mapalitan ang kahit anumang panlilinlang na pinayagan mong manirahan sa iyong puso. Kung sino ka ay Kanyang mahal na anak.

Araw 4Araw 6

Tungkol sa Gabay na ito

Living Changed: Embracing Identity

Sa dami ng mga tinig na nagsasabi sa atin kung sino tayo dapat maging, hindi kataka-takang nahihirapan tayong pagpasyahan ang ating pagkakakilanlan. Hindi nais ng Diyos na ituring tayo base sa ating trabaho, sa kung may asawa tayo o wala, o ating mga kamalian. Nais Niya na ang Kanyang opinyon ang maging pinakamataas na awtoridad sa ating buhay. Ang anim na araw na gabay na ito ay makatutulong sa iyong maunawaan ang sinasabi ng Biblia patungkol sa kung sino ka at tunay na mayakap ang iyong pagkakakilanlan kay Cristo.

More

Nais naming pasalamatan ang Changed Women's Ministries sa pagbabahagi ng gabay na ito. Para sa karagdagang kaalaman, maaaring bisitahin ang: https://www.changedokc.com