Namumuhay na Binago: Pagyakap sa PagkakakilanlanHalimbawa
Pag-iwas sa Bitag ng Pagkukumpara
Naiisip mo ba ang mga bagay tulad ng, "Kung ganyan lang ako kapayat, makakapag-asawa na ako,” o “Kung sintalino ako niya, makakakuha na ako ng promosyon,” o “bakit hindi magawang kumilos ng mga anak ko tulad ng mga anak niya?” Kung naramdaman mo nang manliit dahil hindi ka kapareho ng iba, ikaw ay marahil nasilo na ng bitag ng pagkukumpara.
Habang lumalaki ako, palagi akong kinumkupara sa aking kapatid na babae ng mga lalaki. Sinasabi nila na ayos lang ako, pero ang kapatid ko ang "wow ganda.” Pagka naririnig ko iyon, nasisiraan ako ng loob. Desperado kong hinangad ang matanggap, ngunit sa halip, palagi akong nasasaktan dahil sa pagtanggi ng iba. Alam ko na kahit bawasan ko ang kain ko, kulayan ang aking buhok, at magdamit nang ayon sa moda, hindi ako kailanmang magiging kapareho niya at hindi ako kailanmang magiging sapat.
Ilang taong lumipas, habang ako ay nakatayong nakatingin sa Rocky Mountains, namangha ako sa kahanga-hangang ganda at karilagan ng mga ito. Noong sandaling iyon, ang Diyos ay bumulong sa aking puso na nilikha Niya ang mga bundok na iyon at ako. Banayad na kinausap ako at sinasabi ang, "Ikaw ay mas maganda pa kaysa sa mga bundok." Napakahirap para sa aking yakapin ang kaisipang ang parehong Manlilikha na gumawa ng nagbibigay-inspirasyong tanawin, ang siya ring naghugis sa akin sa tiyan ng aking ina at nagbigay sa akin ng mismong mga katangiang aking pinipintasan. Noon din ay nagpasya ako, na kung sinabi Niya na ako ay maganda, ay kinakailangang simulan kong paniwalaan ito.
Marami sa atin ang nagkumbinsi sa sariling tayo'y hindi sapat. Anuman ang gusto nating maging—payat, malusog, malakas, matalino, nakatatawa—hindi tayo sapat. Ang totoo, kinukumpara lang natin kung ano ang nakikita natin sa panlabas, at kung minsan ang buhay na tila matiwasay, ay sa katunayan masakit pala. Maaaring kinukumpara natin ang ating sarili sa may sukat na 6 samantalang siya pala ay may sakit na nauugnay sa pagkain. Maaari nating isipang nasa kanya na ang lahat ang babaeng katrabaho, ngunit nasisira na pala ang samahan nilang mag-asawa. Maaari nating hilingin na magkaroon ng tila-perpektong pamilya tulad niya at hindi lang pala natin alam na dumaranas sila ng kalungkutan. Ang totoo ay walang perpekto sa atin.
Kailangan nating tigilan ang pagkukumpara sa ating mga sarili. Kung nais ng Diyos na tayo ay magkakatulad, gumawa sana Siya ng isang perpektong hulmahan para sa buong sangkatauhan. Sa halip, ginawa Niya tayong lahat na natatangi. Napakahalagang maunawaan natin ang tunay na kahulugan nito dahil ang pananaw natin sa ating mga sarili ang humuhugis sa kung paano tayo makipag-ugnayan sa ibang tao. Ito ay nakakaapekto sa mga desiyon nating gagawin. Ito ay nagbibigay direksyon sa ating buhay. Kapag kinukumpara natin ang sarili sa iba, pinagkakaitan natin ang ating sarili ng bigay ng Diyos na kapayapaan, kagalakan, at kumpiyansa. Subalit, kung pinasusunod natin ang ating mga isipan kay Cristo at iaayon ang ating mga pag-iisip sa sinasabi ng Diyos tungkol sa atin sa Biblia, matatagpuan natin ang Kanyang daan para sa ating buhay. At ang buhay na nais Niya para sa atin ay masagana at ganap.
Hakbang sa Pagkilos:
Kung hindi mo kailanmang naidedeklarang ikaw ay ginawang kahanga-hangang tunay, simulan ito ngayon. Kung nakalimutan mong mamuhay bawat araw sa katotohanang iyan, simulan muli. Bihagin ang bawat negatibong kaisipan na "Ako ay hindi sapat," "Sana kamukha ko siya," o "Sana ibinigay iyan sa akin ng Diyos," at isara ito. Ikaw ay isang natatanging magandang nilikha, isang obra maestra na dinisenyo ng Diyos, at hindi Siya nagkakamali. Ikaw ay nilikha sa Kanyang larawan. Ikaw ay mahalaga. Piliing paniwalaan ito.
Tungkol sa Gabay na ito
Sa dami ng mga tinig na nagsasabi sa atin kung sino tayo dapat maging, hindi kataka-takang nahihirapan tayong pagpasyahan ang ating pagkakakilanlan. Hindi nais ng Diyos na ituring tayo base sa ating trabaho, sa kung may asawa tayo o wala, o ating mga kamalian. Nais Niya na ang Kanyang opinyon ang maging pinakamataas na awtoridad sa ating buhay. Ang anim na araw na gabay na ito ay makatutulong sa iyong maunawaan ang sinasabi ng Biblia patungkol sa kung sino ka at tunay na mayakap ang iyong pagkakakilanlan kay Cristo.
More