Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Namumuhay na Binago: Pagyakap sa PagkakakilanlanHalimbawa

Living Changed: Embracing Identity

ARAW 1 NG 6

Pagbabago ng Sinasabi sa Ating Sarili

Kapag nahilingan kang ipakilala ang iyong sarili, ano ang naiisip mo? 

Ang dati-rating sinasabi ng aking sarili ay hindi totoong larawan ng babaeng nilayong gawin ng Diyos. Kung wala ang Kanyang tulong na baguhin ang sinasabi ng aking sarili, ang aking sagot ay malamang na katulad nito: "Ako ay isang inang 45-taong gulang na may dalawang anak na hindi na singbata ng dati at may mga puting buhok at kulubot na patunay nito. Ako ay halos 25 taon nang may asawa, kahit sobra kung makasigaw. Ayon sa aking doktor, ako ay labis sa tamang timbang. Ako ay hinahapo kapag tumatakbo, at mas gusto ko ng kendi at potato chips kaysa sa spinach. Ako ay pastor sa aming simbahan ngunit hindi talaga kwalipikado at napakaraming bagay sa aking nakaraan para maging epektibo sa ministeryo.” 

Kahit na ang sagot na iyon ay sumasaklaw sa aking katayuang may asawa, timbang, kasarian, edad, trabaho, at ilang mga kasinungalingang sinasabi sa akin ng mundo, hindi talaga ito naglalarawan ng kung sino talaga ako. Bagamat ilan sa mga bagay na iyon tungkol sa akin ay totoo, hindi ang mga iyon ang tunay na mahalaga. Iyon ay mga pangyayari at kalagayan lang, at hindi ang aking pagkakilanlan. 

Ang totoo ay na una at pinakamahalaga, ako ay anak ng Diyos. Ako ay sadyang nilikha para sa isang layunin. Ako ay isang magandang obra maestra, may-sining na ginawa ng Manlilikha ng sangkalawakan. Alam ko iyan ngayon, subalit ang transisyon mula sa unang sagot tungo sa pangalawa ay hindi nangyari sa magdamagan lang. 

Nang una akong tawagin sa ministeryo ng mga kababaihan, sa lahat ng naramdaman ko, hindi ito ang na maganda ako. Ang tumayo sa entablado at magsabi sa mga kababaihan na sila ay ginawa nang napakaganda sa larawan ng Diyos ay naging napakahirap dahil pakiramdam ko hindi naman ito totoo tungkol sa akin. Hiniling ko sa Diyos na tulungan akong makita ang nakikita Niya kapag tinitingnan Niya ako, at inilagay ko ang tiwala sa Kanyang kakayahan na baguhin ang aking pananaw. 

Pagkatapos ng maraming taon ng pagsasanay ng pagsuko at tiwala, nakikita ko na ngayon na maganda ako. Hindi ito nakadepende sa kung ano ang nakikita ko sa salamin. Ito ay nanggagaling sa panloob na kapayapaan at pagkilalang hindi Siya nagkakamali. Sapat nang nilikha Niya ako at tinuturing akong maganda.

Ang pagyakap sa sinasabi ng Diyos kung sino tayo ay nagpababago ng ating kumpiyansa. Ang pagkabatid na Siya ay mabuti at ang paniniwalang tayo ay nilikha nang tumpak sa nilayon Niya, ay nagbibigay buhay. Kung mauunawaan natin kung gaano Niya tayo kamahal, bilang tayo, nagiging posible sa ating mas mahalin ang ating sarili. Ang pagbabago ng ating sinasabi sa ating sarili ay hindi agaran, at hindi natin magagawa nang mag-isa. Kinakailangan nating humingi ng tulong sa Kanya. 

Hakbang sa Pagkilos:

Kung ikaw ay nahihirapan sa iyong pagkakakilanlan, hilingin sa Diyos na ipakita sa iyo kung paano ka Niya nakikita. Hilingin sa Kanya na tulungan kang matunton ang mga kasinungalingang pinaniniwalaan mo tungkol sa iyong sarili at simulang palitan ang mga kasinungalingang iyon ng katotohanan Niya. Sasamahan ka Niya gaano man katagal abutin, paulit-ulit, hanggang sa maniwala ka na ikaw ay mahalaga, maganda, may kakayahan, at kaibig-ibig. Kahit gaano katagal ka nang sumusunod kay Jesus, kung ang sinasabi mo sa iyong sarili ay mas mababa sa sinasabi Niya tungkol sa iyo, may dapat pang gawin. Tuloy lang at hilingin sa Diyos na tulungan kang tunay na yakapin ang iyong pagkakakilanlan kay Cristo. 

Araw 2

Tungkol sa Gabay na ito

Living Changed: Embracing Identity

Sa dami ng mga tinig na nagsasabi sa atin kung sino tayo dapat maging, hindi kataka-takang nahihirapan tayong pagpasyahan ang ating pagkakakilanlan. Hindi nais ng Diyos na ituring tayo base sa ating trabaho, sa kung may asawa tayo o wala, o ating mga kamalian. Nais Niya na ang Kanyang opinyon ang maging pinakamataas na awtoridad sa ating buhay. Ang anim na araw na gabay na ito ay makatutulong sa iyong maunawaan ang sinasabi ng Biblia patungkol sa kung sino ka at tunay na mayakap ang iyong pagkakakilanlan kay Cristo.

More

Nais naming pasalamatan ang Changed Women's Ministries sa pagbabahagi ng gabay na ito. Para sa karagdagang kaalaman, maaaring bisitahin ang: https://www.changedokc.com