Pakikipaglaban para sa Pagkakaisa sa isang Watak-watak na MundoHalimbawa
Pagkakapareho
Kahapon, tiningnan natin ang ating mga pagkakaiba. Ngayon, titingnan natin kung anong pagkakapareho natin.
- Lahat tayo'y mga imahe.
- Lahat tayo'y nahawahan.
- Lahat tayo'y inanyayahan.
Lahat tayo'y mga imahe. Ang bawat isa sa atin ay tao. Ang ibig sabihin ng maging tao ay ang malikha sa imahe at wangis ng Diyos. Ito ang kagandahan ng kasaysayan ng isang Cristiano. Ang unang pahina ng Biblia ay sumasagot sa mga tanong na, "May halaga ba ako? Ang buhay ko ba'y importante? May layunin ba ang buhay ko?" ng isang malakas na, "Oo!" Sa pinakasimula, sinasabi sa ating nilikha ng Diyos ang mga tao sa Kanyang imahe nang may dignidad, may halaga, at may layunin. Nangangahulugan itong anuman ang hitsura mo, anuman ang nagawa mo, ang pinaniniwalaan mo, o kung sino ang ibinoto mo, mahalaga ang buhay mo dahil nilikha ka sa imahe ng Diyos.
Ito ay totoo para sa ating lahat. Kahit na hindi ito ang ikinikilos natin. Lahat tayo ay nilikha ayon sa imahe ng Diyos.
Lahat tayo'y nahawahan. Narito ang hindi-nakakatuwang parte. Lahat tayo'y nahawahan ng kasalanan. Ang kasalanan ay isang karamdaman ng pagkamakasarili na nagiging dahilan kung bakit nakikita natin ang sarili nating mas malaki at ang ibang tao ay mas maliit. Nais ng kasalanang bulagin tayo sa imahe ng Diyos sa ibang tao, at sa imahe ng Diyos sa sarili natin. Ang pagtingin sa ibang tao na "mas-maliit" dahil may ibang mga opinyon sila sa mga bagay na kinakalinga natin o kaya naman ay hindi umaayon sa atin pagdating sa mga politikal na isyu ay isa lamang sa maraming mga paraan kung paanong ang kasalanan ay bumubulag sa atin sa imahe ng Diyos sa ibang tao.
Ang sakit ng kasalanan ay gumagawa upang makalimutan natin kung sino tayo, at ginagawa nitong makalimutan natin kung sinong nagmamay-ari sa atin. Kung hindi natin alam ang panganib ng kasalanan, napakadali ngang makita na sila ang problema. Ngunit sila ay hindi kailanman ang problemang kailangang lutasin. Sila sa tuwina ay mga taong dapat mahalin.
Ngunit, huwag kang mag-alala. May mabuting balita.
Lahat tayo'y inanyayahan. "Nais mo bang gumaling?" Ito ang tanong ni Jesus sa isang lalaking ilang taon nang may sakit. Sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay, gumawa ng paraan si Jesus para tayo ay gumaling mula sa sakit ng kasalanan at inanyayahan tayong maging bahagi ng plano ng Diyos na gawing bago ang lahat ng bagay. Ganito ipinakita ng Diyos ang Kanyang pag-ibig. Hindi Niya ito isinigaw mula sa Langit. Ipinakita Niya ito sa pamamagitan ng tao. Ang taong iyon ay si Jesus. At ngayon, lahat tayo ay inaanyayahan upang maging bahagi ng Kanyang pamilya.
Ang mga taong kinaiinisan mo sa Facebook? Namatay si Jesus para rin sa kanila.
Paano tayong susulong patungo sa pagkakaisa at palayo sa pagkakawatak-watak? Pinahahalagahan natin ang ating mga pagkakaiba at humahanap tayo ng pagkakapareho.
Manalangin: O Diyos ko, tulungan Mo akong makita ang pagkakapareho namin ng mga taong hindi ko nakakasundo. Paalalahanan Mo akong lahat kami ay mula sa imahe Mo, na lahat kami ay nahawahan ng kasalanan, at lahat kami ay inaanyayahan sumunod kay Jesus.
Tungkol sa Gabay na ito
Paano kang tapat na nakakasunod kay Jesus sa isang watak-watak na mundo? Sa mundo kung saan ang bawat isyu ay naging labanan sa pagitan ng "tayo" at "sila," mas mahalagang tandaan na anuman ang mangyari, si Jesus pa rin ang nasa trono. Matutong tumugon bilang alagad ni Jesus sa isang watak-watak na mundo.
More