Pakikipaglaban para sa Pagkakaisa sa isang Watak-watak na MundoHalimbawa
Mga Kinakailangang Pagkakaiba
Alam mo ba na bawat bansa/negosyo/grupo/organisasyon ay nangangailangan ng mga taong magkakaiba ang iniisip upang maging pinakamagaling? Ito ang kapangyarihan ng pagkakaiba-iba—mga taong may iba't-ibang kaisipan, opinyon, at pananaw na magsasama-sama upang bumuo ng isang bagay na mas mainam.
Si Jim Collins, sa kanyang aklat, Built to Last, ay may sinasabi tungkol sa kinakailangang pagkakaiba:
Ang mga nagtatagal na malalaking organisasyon ay nagpapakita ng masiglang duwalidad. Sa isang banda, may nakatakda silang mga di-nagbabagong pamantayan at layunin na nananatiling matatag sa pagdaan ng panahon. Sa kabilang banda, may walang-tigil na pagnanais sila para sa pag-unlad—pagbabago, pagpapabuti, bagong pamamaraan, at panibagong sigla. Ang mga malalaking organisasyon ay may malinaw na pagkakaiba sa kanilang mga pamantayan (na hindi nagbabago), at sa kanilang mga pamamaraan sa pagpapatakbo at mga kaugaliang pangkultura ( na laging nakikibagay sa nagbabagong mundo).
Tinatawag niya ang masiglang duwalidad na ito na paraan upang "mapanatili ang pamantayan," at "paghihikayat ng pag-unlad." Ang paggamit ng terminolohiyang ito ay makakatulong sa ating mas maunawaan at pahalagahan ang iba't ibang pagkilos na nangyayari sa pulitika.
Depende sa konteksto, ang isang panig ay maaaring maglagay ng mas mataas na halaga sa "pagpapanatili ng pamantayan," habang ang kabilang panig ay maaaring maglagay ng mas mataas na halaga sa "paghihikayat ng pag-unlad." Ang mga pagkakaibang ito ay maaaring maging mahirap dahil sila ay lilikha ng hindi pagkakasundo, ngunit ang mga pagkakaibang ito ay maaari ring magpahusay sa atin.
Kung walang mga taong nakikipaglaban para mahikayat ang pag-unlad, walang grupo ang makagagawa ng mga pagbabagong kailangan upang tumugon sa isang nagbabagong mundo. Kung walang mga taong nakikipaglaban upang mapanatili ang mga pamantayan, mawawala ang mga pamantayan at layunin ng mga grupo na siyang nagbibigkis sa kanila.
Ang mga di-pagkakasundong ito ang dahilan kung bakit nagiging madali ang pagkakawatak-watak at nagiging mahirap na pahalagahan ang mga kinakailangang pagkakaiba na dinadala ng kabilang grupo. Naging napakalayo na natin sa isa't-isa kaya't huminto na tayong mag-usap at madalas aynagsisigawan na lang sa isa't-isa.
Alam ba ninyo? Ang mga taong hindi natin nakakasundo ay mga taong nagsisikap na gawin ang lahat ng makakaya nila sa kung anong alam nila. Tama ba sila sa lahat ng bagay? Hindi. At tayo ay hindi rin. At okay lang naman yun. Sa totoo lang, kailangan ito.
Ang pagkakaiba-iba ay lilikha ng di-pagkakasundo, ngunit hindi nito kailangang lumikha ng pagkakawatak-watak. Ang pagkakaisa ay nangangailangan ng pagkakaiba-iba. Kung walang pagkakaiba-iba, mananatili tayong pare-pareho.
Si Apostol Pablo, sa kanyang liham sa Iglesya sa Corinto ay maganda ang pagkakalarawan sa kapangyarihan ng kinakailangang pagkakaiba. Ginamit niya ang imahe ng katawan ng tao upang ipaliwanag ang paraan kung paanong ang Iglesya ay nararapat patakbuhin. Ang paa ay iba sa balikat, at ang tainga ay iba sa tuhod. Ang iba't-ibang bahagi ng katawan ang siyang nagpapakilos sa katawan. Kung ang bawat bahagi ay tainga, hindi ka makakalakad, makakapagsalita, makakaamoy, o makakakita. Ang iba't-ibang bahagi ng katawan ay kailangan upang pakilusin nang maayos ang katawan.
Ang pagkakaiba ay kinakailangan. Ang pagkakaiba ay mas nakakabuti sa atin. Ang pagkakaiba ay mas nakakapagpalakas sa atin.
Ang pagkaunawa sa mga kinakailangang pagkakaiba na dinadala natin sa pag-uusap ay mahalagang hakbang tungo sa pagkakaisa at palayo sa pagkakawatak-watak.
Manalangin: O Diyos ko, tulungan Mo akong makita ang mga kinakailangang pagkakaiba na dinadala natin sa pag-uusap. Tulungan Mo akong maging bukas sa mga pananaw at kaisipan ng iba. Tulungan Mo akong kumilos tungo sa pagkakaisa at palayo sa pagkakawatak-watak.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Paano kang tapat na nakakasunod kay Jesus sa isang watak-watak na mundo? Sa mundo kung saan ang bawat isyu ay naging labanan sa pagitan ng "tayo" at "sila," mas mahalagang tandaan na anuman ang mangyari, si Jesus pa rin ang nasa trono. Matutong tumugon bilang alagad ni Jesus sa isang watak-watak na mundo.
More