Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Di-Perpektong Tao sa Biblia Halimbawa

Imperfect People in the Bible

ARAW 5 NG 7

Jonas

Kadalasan, natatagpuan natin ang sarili nating nasa mga makasalanang lugar dahil hindi natin ito binigyang-pansin. Naging tamad tayo at nauwi sa hindi magagandang pagpili na may kaakibat na hindi magagandang kinahinatnan. Sa ibang panahon naman ay alam natin kung anong ginagawa natin kapag pinili nating hindi sundin ang Diyos.

Si Jonas, ang propeta, ay sinabihan ng Diyos na magtungo sa bayan ng Nineve upang mangaral para sila ay magsisi at magbalik-loob sa Diyos. Malinaw dito, si Jonas ay hindi natutuwang sundin ang utos na ito dahil siya ay tumakbong palayo sa Diyos at pumunta sa Tarsis, isang bayan na nasa kabilang direksyon ng Nineve. Sumakay siya sa isang barko upang magpakalayo-layo sa Nineve. 

Sa kasamaang-palad, ang kanyang maling pagpili sa pagtakas sa utos ng Diyos ay hindi naging maganda para sa kanya. Sa sandaling panahon, ang barko ay inabutan ng bagyo na nagbantang pumatay sa lahat ng tripulante nito. Kapagdaka, nabatid ni Jonas na ang kanyang hindi pagsunod sa Diyos ang sanhi ng sitwasyong ito. Kaya, sinabi niya sa mga tripulante na kasalanan niya ang nangyari. Sa Jonas 1:15 RTPV05 ay sinasabi, "binuhat nila si Jonas at inihagis sa dagat. Agad namang pumayapa ang dagat." 

At tila hindi pa ito sapat, nilamon siya ng isang dambuhalang isda nang siya ay nasa dagat. At siya ay nanatili sa tiyan nito ng tatlong araw at tatlong gabi bago siya inluwa nito sa dalampasigan. Noong wala na siya sa tiyan ng isda, pinili niyang sundin ang Diyos at nangaral ng pagsisisi sa bayan ng Nineve.

Narito ang dalawang bagay na makukuha natin mula sa buhay ni Jonas:

Harapin Mo Ito, Huwag Mong Takbuhan
Noong inutusan ng Diyos si Jonas na mangaral ng pagsisisi sa malaking bayan ng mga makasalanan, ayaw niyang magkaroon ng kinalaman dito. Kaya tumakbo siya. Kung sinunod lamang ni Jonas ang Diyos at ginawa ang dapat niyang gawin sa simula pa lamang, hindi sana niya mararanasan ang mga kinahinatnan ng kanyang mga ginawa, kasama na ang mapasa-tiyan ng isda sa loob ng ilang araw. Madalas, nakakaranas tayo ng mga paghihirap sa buhay, at pinipili pa nating hindi pansinin ito o kaya naman ay ikaila ito, sa halip na harapin. Kaya, harapin natin ang mga paghihirap at pakikibaka at hayaan natin katagpuin tayo ng Diyos sa gitna nito. 

Ang Plano ng Diyos ang Mananaig
Bagama't ang mga tao sa Nineve ay masasama at namumuhay na puno ng kasalanan, nais ng Diyos na magbalik-loob sila sa Kanya. Ito ang plano Niya sa simula pa lamang at ito ang nangyari. Anuman ang ating mga sariling plano at pangarap, kailangan nating maunawaan na ang Diyos ay makapangyarihan. Ito ang nilikha Niyang mundo kung saan tayo ay nabubuhay. Narito tayo para sa Kanyang mga layunin, at hindi kabaligtaran nito. 

Lahat tayo ay kailangang gumawa ng mga bagay na ayaw nating gawin. Sa halip na lumayo sa ating mga responsibilidad at pagkatawag, sundin natin ang Diyos sa simula pa lamang at tingnan natin kung paano Siyang gagawa upang mabago ang mga buhay. Makapangyarihan Siya at dapat nating ituring na isang karangalang makasali sa Kanyang gawain dito sa mundo.

Banal na Kasulatan

Araw 4Araw 6

Tungkol sa Gabay na ito

Imperfect People in the Bible

Naging magulo man ang buhay mo nang kaunti o malaki ayon sa pamantayan ng tao, ikaw ay pangunahing kandidato upang magamit ng Diyos. Sa 7-araw na Gabay na ito, matututunan natin ang tungkol sa anim na tao mula sa Biblia na ginamit ng Diyos sa kabila ng kanilang pinanggalingan, kung anong mga kakayahan nila, o kung gaano kalaki ang naging pagkakamali nila.

More

Nais naming magpasalamat sa YouVersion Originals sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang: https://youversion.com