Amazing Grace: Midyear Prayer & Fasting (Filipino)Halimbawa
Biyayang Nagbibigay-Kalakasan
Sa pahayag na ating binasa, dalawampu’t taon na ang nakalipas simula nang iatas kay Zerubabel ang pagsasa-ayos sa templo ng Diyos. Sa panahong ito, may dalawang problema siyang kinakaharap: ang mga kaaway na nagtatangkang ipahinto ang kanilang proyekto at ang panghihina ng loob at pagod na unti-unting pumapasok sa puso ng mga mamamayan ng Diyos. Pinalakas ng Diyos ang loob ni Zerubabel sa pamamagitan ng paghahayag na ibibigay Niya ang biyaya upang matapos nila ang ipinapagawa sa kanila.
Naranasan mo na ba ang tulad sa naramdaman ni Zerubabel, na masyadong mahirap ang ibinigay sa iyong trabaho at napapagod na maging ang kaluluwa mo? Maaaring mapalakas ang ating loob ng pahayag na ibinigay sa kanya. Magagawa natin ang iniatas sa atin ng Diyos—hindi sa pamamagitan ng lakas o kaya ay kakayahan ng tao, kundi sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos. Gaya ng sinabi ni G. Campbell Morgan, “Not by our resourcefulness, nor by our resoluteness, but by His spiritual resources!” (Hindi sa pamamagitan ng sarili nating kapamaraanan o kaya ay determinasyon, kundi sa pamamagitan ng Kanyang espirituwal na yaman!) Sa pamamagitan ng biyaya at kalakasan ng Diyos, magagawa natin anuman ang ipagawa Niya sa atin.
Ang biyaya ng Diyos ay nakita sa paraan kung paano Niya tinulungan at iniligtas ang Kanyang mga tagapaglingkod. Siya ay namagitan sa pamamagitan ng paghipo sa puso ng mga hari na pumayag na maisaayos nila ang templo. Ang templo ay kumakatawan sa kanilang pagkakakilanlan bilang mga mamamayan ng Diyos. Dito nananahan ang Diyos at dito sila sumasamba sa Kanya. Nagawa nilang maisaayos ang templo sa kabila ng oposisyon mula sa kanilang mga kaaway.
Mabibigyan tayo ng kalakasan ng loob ng katotohanan na tutuparin ng Diyos anuman ang Kanyang kalooban. Hindi ito nangangahulugan na hindi na tayo kikilos. Hindi ito nangangahulugan na hindi na tayo makikibahagi sa Kanyang ginagawa. Si Zerubabel ay nagpatuloy sa pagtatrabaho sa loob ng anim pang taon bago natapos ang pagsasaayos ng templo. Subalit nagawa nilang magtrabaho nang maayos sa pamamagitan ng pag-asa sa kalakasan ng Diyos na Kanyang ipinagkakaloob sa pamamagitan ng Kanyang biyaya.
Tulad nito, tayo ay magugulat at masisiyahan sa mga magagawa natin sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos. Ang masasabi na lamang natin ay ang sumang-ayon sa inihayag ni Zerubbabel: Panginoon, pagpalain nʼyo po ito. Ipinapakita nito ang katotohanan na sinisimulan ng Diyos ang Kanyang mabubuting ginagawa sa pamamagitan ng Kanyang biyaya at sa pamamagitan din ng Kanyang biyaya, tatapusin Niya ang mga ito sa pamamagitan natin.
Pagsasapamuhay
- Sa gitna ng isang pagsubok, saan o kanino ka kadalasang umaasa? Ano ang ibig sabihin ng pag-asa sa biyaya ng Diyos?
- Ano sa palagay mo ang sinasabi sa iyo ng Diyos tungkol sa mga pagsubok na kinakaharap mo ngayon? Sa anong bahagi ng buhay mo kailangang ipahayag ang biyaya ng Diyos? Handa ka bang magtiyaga at magpatuloy upang makita ang katuparan nito balang araw?
- Sa pagtatapos ng pananalangin at pag-aayuno, nananatili ang hangarin natin na mas maintindihan pa ang salita ng Diyos at ang Kanyang biyaya. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng paghahayag at pagdarasal ng Kanyang salita araw-araw. Ngayon, isulat ang iyong sariling panalangin ayon sa Zacarias 4:6,7.
Panalangin
Ama sa langit, maraming salamat sa biyaya na ibinibigay Mo upang masimulan at matapos ang mabuti Mong ginagawa sa buhay namin. Inaamin ko na hindi ko kakayanin ang anumang bagay na ipinapagawa Mo sa akin nang wala ang Iyong biyaya. Nawa ay patuloy kong maalala na ang pagtupad sa Iyong layunin ay hindi ayon sa sarili kong lakas o kapangyarihan, kundi sa pamamagitan lamang ng Iyong Espiritu. Kailangan ko ang Iyong biyaya upang magawa ko ang lahat ng ipagagawa Mo sa akin. Sa makapangyarihang pangalan ni Jesus, amen.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Noong nakaraang Enero, naglaan tayo ng isang linggo ng panalangin, pag-aayuno, at pagtatalaga upang marinig ang Diyos at malaman ang Kanyang direksyon para sa atin sa taong ito. Pinanghawakan natin ang kamangha-manghang biyaya ng Diyos upang ito ay maghari sa ating buhay. Hanggang sa ngayon, hindi nagbabago ang ating pananampalataya at paninindigan—buong pagpapakumbaba nating hinihiling na paghariin ng Diyos at gawing kapansin-pansin sa ating buhay ang Kanyang kamangha-manghang biyaya.
More
Nais naming pasalamatan ang Bansa ng Pilipinas sa pagbibigay ng planong ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang: http://victory.org.ph