Amazing Grace: Midyear Prayer & Fasting (Filipino)Halimbawa
Biyayang Nagpapatatag
Si apostol Pablo ay nagpapaalam sa mga namamahala at namumuno ng iglesya sa Efeso. Nakatutuwa na ipinagkakatiwala sila ni Pablo hindi sa isang obispo, komite, o pamahalaan, kundi sa salita na tungkol sa biyaya ng Diyos.
Ang mga mananampalataya sa Efesus ay ipinagkatiwala ni Pablo sa Diyos at sa mensahe ng Kanyang biyaya. Ginawa niya ito dahil alam niya na ang epekto ng salita tungkol sa biyaya ng Diyos sa lahat ng mga nakakarinig nito ay may dalawang bahagi.
- Ang salitang patungkol sa biyaya ng Diyos ay nagpapatatag sa mga tagapakinig nito. Ang “nagpapatatag” ay isang salitang ginagamit sa larangan ng arkitektura na nangangahulugan ng pagpapatibay sa isang bahay. Ang biyaya ng Diyos, gaya ng sinasabi sa Kanyang salita, ay nagpapatibay sa atin upang maipagpatuloy natin ang Kanyang ginagawa. Anuman ang mga pagsubok na maranasan natin, ang salitang patungkol sa biyaya ng Diyos ay tiyak na magpapatatag sa atin.
- Pinahihintulutan tayo nito na matanggap ang ating espirituwal na mana kay Cristo. Dahil sa biyaya ng Diyos, tayo ay naging tagapagmana rin gaya ni Cristo. Ang lahat ng mamanahin ni Cristo ay mamanahin din natin dahil sa ating pananampalataya sa Kanya. Ang balitang ito ay tunay na kamangha-mangha!
Ngayon, kung ikaw ay nanghihina at pakiramdam mo ay wala kang magawa, sinasabi ng Kanyang salita na “pinalalakas Niya ang mga nanghihina at ang mga napapagod” (Isaias 40:29). Kahit kaunti lamang ang mayroon ka dito sa mundo, sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, mapapasaiyo ang buhay na walang hanggan at ang Kanyang kaharian.
Ang nagpapatatag na biyaya ng Diyos ang nagbibigay sa atin ng kalakasan at ng daan upang matanggap natin ang ating pamana kay Cristo.
Pagsasapamuhay
- Pag-isipan ang mga nangyari nitong nakaraang anim na buwan. Paano ka pinalakas ng salitang patungkol sa biyaya ng Diyos noong mga panahong napapagod at nanghihina ka na?
- Anong mga talata mula sa Bibliya ang madalas mong binabasa upang makatanggap ka ng kalakasan mula sa Diyos? Isulat sila sa iyong journal. Paano ka patuloy na magiging matatag sa pamamagitan ng salitang patungkol sa biyaya ng Diyos upang magawa mong manindigan nang may kalakasan anuman ang mangyari sa hinaharap?
- Ang biyaya ng Diyos ay nagpapalakas sa atin. Mayroon bang tao sa paligid mo na kailangang mapalakas ng biyaya ng Diyos? Paano mo mahihikayat ang taong ito na hangarin ang Diyos at tanggapin ang Kanyang biyaya?
Panalangin
Ama, alam ko na kung wala ang biyayang ipinagkakaloob Mo sa akin, hindi ko magagawang maging malakas at tumayo nang may pananampalataya. Maraming salamat sa kaloob Mong biyayang nagpapatatag at nagpapalakas ng aking pananampalataya. Malakas ang aking loob dahil sa kaalaman na anuman ang kaharapin ko, ang biyaya Mo ang nangangalaga at nagpapalakas sa akin. Hindi ako uurong sa anumang pagsubok na kakaharapin ko dahil alam ko na parati Kitang kasama. Maraming salamat dahil sa pamamagitan ng Iyong biyaya, ako ay tagapagmana rin kasama ni Cristo. Sa pangalan ni Jesus, amen.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Noong nakaraang Enero, naglaan tayo ng isang linggo ng panalangin, pag-aayuno, at pagtatalaga upang marinig ang Diyos at malaman ang Kanyang direksyon para sa atin sa taong ito. Pinanghawakan natin ang kamangha-manghang biyaya ng Diyos upang ito ay maghari sa ating buhay. Hanggang sa ngayon, hindi nagbabago ang ating pananampalataya at paninindigan—buong pagpapakumbaba nating hinihiling na paghariin ng Diyos at gawing kapansin-pansin sa ating buhay ang Kanyang kamangha-manghang biyaya.
More
Nais naming pasalamatan ang Bansa ng Pilipinas sa pagbibigay ng planong ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang: http://victory.org.ph