Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Amazing Grace: Midyear Prayer & Fasting (Filipino)Halimbawa

Amazing Grace: Midyear Prayer & Fasting (Filipino)

ARAW 1 NG 5


Biyayang Sagana

Noong panahon ni apostol Pablo, ang Efesus ay isa sa mga mayayamang bayan ng Emperyo ng Roma. Pangatlo lamang sila sa pinakamalaking bayan, subalit ang nagpayaman sa bayan nila ay ang pagsamba sa diyosang si Artemis. Ang mga taga-Efeso ay may tapat na debosyon sa kanya. Ang pagbebenta ng mga imahe at handog na hinihingi upang makasamba sa kanya ay kabilang sa mga pinagkakakitaang negosyo noong panahong iyon. Ang templo na inilaan para kay Artemis ang isa sa mga pinakamalaking bangko noong panahon na iyon. 

Ito ang uri ng lipunan na kinabibilangan ng mga Kristiyano na nakatira sa Efeso. Sila ay napapalibutan ng mga sumasamba kay Artemis sa isang bayan na mayaman at sentro ng kalakalan. Madali sana para sa kanila ang maakit ng mga yaman na nasa kanilang paligid. Subalit hinikayat sila ni Pablo na huwag tumingin sa yaman sa mundo, kundi sa tunay na yaman na makikita sa Diyos. 

Ginamit ni Pablo ang salitang “napakalaking biyaya” upang ilarawan kung gaano kasagana at kahalaga ang biyaya ng Diyos. Ang nakalulungkot, minsan ay hindi natin napahahalagahan ang biyayang ito. Ito ang dahilan kung bakit mahalagang maituon natin ang ating pansin at mahigpit na panghawakan ang mga salita, pamamaraan, at ginagawa ng Diyos. Pagkatapos, makikita natin ang ating mga sarili sa isang lugar na puno ng kasaganaan, kabuluhan, at katotohanan. May dalawang mahahalagang katotohanan na makikita sa pahayag na ito.

  1. Ang halaga ng isang bagay ay makikita sa halaga ng handang ibayad ninuman para dito. Mahal ang naging kapalit ng pagtubos sa atin ng Diyos. Ang buhay ni Jesu-Cristo ang naging kabayaran para dito (Mga Taga-Efeso 1:7). Ganito tayo pinahahalagahan ng Diyos.
  2. Ginawa ng Diyos ang napakahalagang sakripisyong ito hindi dahil hiningi natin ito, kundi dahil sa dakila Niyang pagmamahal sa atin. Maaari nating makita ang pagiging mapagbigay ng isang tao sa pamamagitan ng nagiging tugon niya sa mga humihingi sa kanya ng regalo. Subalit iba ang kaligtasan na ibinigay sa atin ng Diyos. Hindi ipinadala ng Diyos ang Kanyang Anak dahil hinihingi natin ang Kanyang kapatawaran. Ginawa Niya ito dahil ito ang Kanyang kagustuhan—kahit pa tayo ay Kanyang mga kaaway (Mga Taga-Roma 5:8–10).

Dahil sa masaganang biyaya ng Diyos, matatanggap natin ang Kanyang pagmamahal at kapatawaran na ibinuhos Niya ng labis-labis para sa atin. 

Pagsasapamuhay

  1. Basahin at pag-isipan ang Mga Taga-Efeso 1:3–7. Anong bahagi ang pinakanangusap sa iyo at bakit? Isulat ito dito at idagdag ang iba pang mga natutunan mo.
  2. Sa anong paraan mo naranasan ang napakalaking biyaya ng Diyos? Paano mo maipakikita ang pasasalamat mo sa Diyos bilang isang taong nakatanggap ng Kanyang biyaya?
  3. Paano ka mamumuhay nang naaayon sa dakilang biyaya ng Diyos? Magsulat ng pangalan ng tatlong tao na nais mong bahaginan ng biyayang ito. Hingin sa Diyos na bigyan ka ng mga pagkakataon upang maipakita sa kanila kung paano binago ng biyaya ng Diyos ang iyong buhay.

Panalangin

Ama sa langit, maraming salamat sa pagpapadala Mo kay Jesu-Cristo upang tubusin kami at patawarin kami sa aming mga kasalanan. Alam ko na pinili Mo kami at pinagpala nang lahat ng uri ng pagpapala kay Cristo. Nawa’y makapamuhay kami nang naaayon sa Iyong layunin nang may karunungan at pang-unawa sa pamamagitan ng biyaya na ibinuhos Mo sa amin. Nawa’y bigyan Mo kami ng tapang at habag upang maibahagi namin sa mga tao sa aming paligid ang biyayang ibinigay Mo sa amin para ito ay kanila ring maranasan. Sa pangalan ni Jesus, amen.

Banal na Kasulatan

Araw 2

Tungkol sa Gabay na ito

Amazing Grace: Midyear Prayer & Fasting (Filipino)

Noong nakaraang Enero, naglaan tayo ng isang linggo ng panalangin, pag-aayuno, at pagtatalaga upang marinig ang Diyos at malaman ang Kanyang direksyon para sa atin sa taong ito. Pinanghawakan natin ang kamangha-manghang biyaya ng Diyos upang ito ay maghari sa ating buhay. Hanggang sa ngayon, hindi nagbabago ang ating pananampalataya at paninindigan—buong pagpapakumbaba nating hinihiling na paghariin ng Diyos at gawing kapansin-pansin sa ating buhay ang Kanyang kamangha-manghang biyaya.

More

Nais naming pasalamatan ang Bansa ng Pilipinas sa pagbibigay ng planong ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang: http://victory.org.ph