Amazing Grace: Midyear Prayer & Fasting (Filipino)Halimbawa
Biyayang Nag-uumapaw
Isang nakamamanghang pahayag ang ibinigay ni apostol Juan tungkol sa pagkakatawang-tao ni Jesus. Sa pamamagitan ng paghahayag ng Banal na Espiritu, pinahintulutan tayo ni Juan na masilip ang iba’t ibang larawan ng katangian at gawain ni Cristo. Ipinakita niya na si Jesu-Cristo ang kumakatawan sa biyaya at katotohanan, at ginamit niya ang salitang “kasaganaan” upang ilarawan kung gaano kadakila ang biyayang ito. Ang salitang “biyaya,” sa kontekstong ito, ay tumutukoy sa kagustuhan ng Diyos na pagpalain tayo. Si Jesus ang ganap na larawan ng biyaya ng Diyos, na ibinibigay Niya sa atin.
Para sa atin, nangangahulugan ito na kay Cristo, ang biyaya ng Diyos ay laging nag-uumapaw at naghihintay na ito’y panghawakan natin. Sa katunayan, ang kasaganaan ni Cristo ay nangangahulugan na hindi kailanman mauubos ang biyaya ng Diyos. Mula sa masaganang biyaya ng Diyos, maya’t maya tayong nakakatanggap ng biyaya araw-araw—at patuloy itong nagaganap. Araw-araw ay matatanggap natin ang pagmamahal, awa, at biyaya ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo.
Ipinaliwanag din ni Pablo ang kaibahan ng kautusan na ibinigay kay Moises sa biyaya at katotohanan na mayroon tayo kay Cristo. Bagama’t hindi natin nagugustuhan ang kautusan dahil alam natin na hindi natin ito ganap na masusunod at kakailanganin pa nating mabayaran ang hinihingi nitong kabayaran, ang kautusan at biyaya ng Diyos ay hindi naman magkasalungat. Hindi sila nagsasalungat na mga prinsipyo; nagbibigay sila ng karagdagan sa isa’t isa. Ang hinihingi ng kautusan ay ibinibigay naman ng biyaya at katotohanan kay Cristo. Nang dumating si Cristo, inihayag Niya na hindi Siya naparito upang wakasan ang kautusan kundi upang bigyan ito ng katuparan. Kung ano ang hindi natin magagawa sa pamamagitan ng pagsunod sa kautusan, ginawa ni Jesus para sa atin sa pamamagitan ng biyaya at katotohanan.
Ngayon, maaaring kinakailangan mo ng tulong dahil sa mga pagsubok na kinakaharap mo. Maaari kang lumapit kay Jesus, ang pinagmumulan ng ating walang hanggang biyaya. Kung tila hindi mo na kinakaya ang mga pinagdaraanan mo sa buhay, bibigyan ka Niya ng biyaya upang mapagtagumpayan ang mga kinakaharap mong sitwasyon. Kay Jesus, matatanggap mo ang biyaya at habag sa oras ng iyong pangangailangan.
Pagsasapamuhay
- Namumuhay ka ba ayon sa kautusan o ayon sa biyaya ng Diyos? Sa halip na piliting paghirapan na matanggap ang Kanyang biyaya sa pamamagitan ng paggawa ng mabubuting bagay, paano mo magagawang ganap na umasa sa Kanyang biyaya? Sa pamamagitan ng pananampalataya, nakatitiyak ka ba na ang kasaganaan ng biyaya ng Diyos sa buhay mo ay hindi mauubos?
- Kung nararamdaman natin na tila hindi na natin kaya, ang biyaya ng Diyos ang pupuno sa lahat ng ating pangangailangan at magbibigay sa atin ng kasiyahan. Paano mo maibabahagi ang Kanyang biyaya sa mga tao sa iyong paligid?
- Ano ang ilan sa mga kinakaharap mo sa buhay na nagiging sanhi kung bakit ka nanghihina, napapagod, o nawawalan ng pag-asa? Paano ka patuloy na makatatanggap ng biyaya ng Diyos upang harapin ang mga pagsubok na ito? Basahin ang Juan 1:14–18 at isulat ang iyong personal na deklarasyon ng pananampalataya ayon sa pahayag na ito.
Panalangin
Ama, nagpapasalamat po ako sa sakripisyo na ginawa ni Jesus—na Siya ay nagkatawang-tao at namuhay kasama namin. Sa pamamagitan ng Kanyang buhay, nakita namin ang Iyong kaluwalhatian na puno ng biyaya at katotohanan. Sa kabila ng nag-uumapaw na mga pagsubok at pangangailangan sa buhay, nakatitiyak ako na ibibigay Mo ang pagmamahal, habag, at kakayahan na kinakailangan ko araw-araw. At dahil dito, ang aking kaluluwa ay nasisiyahan. Sa pagbabasa ko ng Iyong salita, nawa’y patuloy Kitang makilala. Sa pangalan ni Jesus, amen.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Noong nakaraang Enero, naglaan tayo ng isang linggo ng panalangin, pag-aayuno, at pagtatalaga upang marinig ang Diyos at malaman ang Kanyang direksyon para sa atin sa taong ito. Pinanghawakan natin ang kamangha-manghang biyaya ng Diyos upang ito ay maghari sa ating buhay. Hanggang sa ngayon, hindi nagbabago ang ating pananampalataya at paninindigan—buong pagpapakumbaba nating hinihiling na paghariin ng Diyos at gawing kapansin-pansin sa ating buhay ang Kanyang kamangha-manghang biyaya.
More
Nais naming pasalamatan ang Bansa ng Pilipinas sa pagbibigay ng planong ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang: http://victory.org.ph