Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Amazing Grace: Midyear Prayer & Fasting (Filipino)Halimbawa

Amazing Grace: Midyear Prayer & Fasting (Filipino)

ARAW 4 NG 5


Biyayang Nagbibigay-Kakayahan

Ang mga tao ay kadalasang nakikilala sa dalawang bagay—sino sila at ano ang kanilang trabaho. Karamihan sa atin ay kinikilala ang ating sarili ayon sa mga nangyari sa nakaraan dahil malaki ang epekto nito sa paghubog sa pagkakakilala natin sa ating mga sarili. Subalit ang isang bagay na bumabago o nag-iiba ng direksyon kung paano natin nakikita ang ating sarili ay ang biyaya ng Diyos. Ang biyaya ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng kakayahan upang maisakatuparan kung sino tayo ayon sa itinakda Niya at upang magawa natin kung ano ang nais Niyang ipagawa sa atin.

Kahit pa mayroon tayong madilim na nakaraan o nakaraan na nagbibigay sa atin ng kaisipan na hindi tayo karapat-dapat na tumanggap ng biyaya ng Diyos, ibinibigay pa rin Niya ang biyayang ito sa atin. Ang pagbabagong naranasan ni apostol Pablo sa pamamagitan ng Biyaya ng Diyos ay maaaring isa sa mga radikal na pagbabago. Malamang ay isa siya sa mga pinakakinatatakutang taga-usig ng mga mananampalataya ng Diyos noong panahong iyon. Pinupuntahan niya ang bawat bayan upang bihagin ang mga Kristiyano at ipapatay sila sa pamamagitan ng paghagis sa kanila ng bato. Subalit nang makatagpo niya si Jesus habang siya ay papunta sa Damascus, nanampalataya siya sa Kanya.

Naaapektuhan din ng biyaya ng Diyos ang ating mga ginagawa. Ang ginawa ni Pablo matapos niyang makatagpo si Cristo ay umayon sa bago niyang pagkakakilanlan. Naging masigasig siya nang higit pa sa ibang mga apostol upang magawa ang iniatas sa kanya ng Diyos. Nagkaroon ng maraming bunga ang pagtatatag niya ng mga iglesya, isinulat niya ang karamihan ng mga aklat sa Bagong Tipan, at nagsanay siya ng maraming mga tagapamahala ng iglesya. Hindi niya magagawa ang anuman sa mga ito kung wala ang biyaya ng Diyos.

Gaya ni Pablo, ang ating nakaraan ay hindi hadlang sa bagong pagkakakilanlan na mayroon tayo kay Cristo. Bilang mga Kristiyano, kailangan nating maintindihan na bagama’t totoo kung ano man tayo sa ating nakaraan, tayo ay nagbago na. Nangyari ito sa pamamagitan lamang ng biyaya ng Diyos. Ang biyaya ng Diyos ang reset button na maaari nating pindutin dahil ito ang tunay na bumabago ng ating pagkakakilanlan upang tulad ni Pablo, magawa nating ihayag na kung ano man tayo ngayon, ito ay dahil sa awa ng Diyos sa atin.

Pagsasapamuhay

  1. Dahil sa kaalamang binabago ng Diyos ang iyong pagkakakilanlan, maaaring may mga paniniwala o kaisipan kang kailangang buwagin sa iyong buhay. Isulat kung paano mo nakikita ang iyong sarili at kung ito ay hindi naaayon sa sinasabi ng Bibliya, magsulat ng isang pahayag mula sa Bibliya na nagbibigay ng makadiyos na pananaw. Hilingin sa Diyos na i-reset ang pagkakakilala mo sa iyong sarili at ihayag mo na: “Kung sino man ako, ito ay ayon sa biyaya ng Diyos.”
  2. Ano ang pinaniniwalaan mong magagawa mo nang ayon sa biyaya ng Diyos sa darating na mga araw, linggo, o buwan?
  3. Ang tawag at layunin ng Diyos sa ating buhay ay imposibleng matupad kung wala ang Kanyang biyaya. Hingin sa Diyos ang lakas ng loob upang ipangaral ang ebanghelyo o kaya ay ang iyong personal na patotoo sa isang malapit na kaibigan ngayon. Isulat ang pangalan ng taong ito sa nakalaang puwang sa ibaba at ilang pahayag mula sa Bibliya na ibabahagi mo sa kanya.

Panalangin

Maraming salamat, O Diyos, sa biyaya Mo na tumutulong sa amin. Sa kabila ng aking nakaraan at mga kasalanan, ipinakita Mo pa rin ang iyong biyaya sa akin. Idinadalangin ko na habang tinutupad ko ang Iyong layunin sa aking buhay, lagi kong maaalala na ako ay nagbago hindi dahil sa anumang ginagawa ko kundi dahil sa Iyong biyaya. Nawa ay mamuhay ako nang naaayon sa tawag Mo sa buhay ko, upang ang biyaya Mo sa buhay ko ay hindi mawalan ng saysay. Ihahayag ko araw-araw na kung sino man ako ngayon, ito ay dahil sa awa Mo. Sa pangalan ni Jesus, amen.

Banal na Kasulatan

Araw 3Araw 5

Tungkol sa Gabay na ito

Amazing Grace: Midyear Prayer & Fasting (Filipino)

Noong nakaraang Enero, naglaan tayo ng isang linggo ng panalangin, pag-aayuno, at pagtatalaga upang marinig ang Diyos at malaman ang Kanyang direksyon para sa atin sa taong ito. Pinanghawakan natin ang kamangha-manghang biyaya ng Diyos upang ito ay maghari sa ating buhay. Hanggang sa ngayon, hindi nagbabago ang ating pananampalataya at paninindigan—buong pagpapakumbaba nating hinihiling na paghariin ng Diyos at gawing kapansin-pansin sa ating buhay ang Kanyang kamangha-manghang biyaya.

More

Nais naming pasalamatan ang Bansa ng Pilipinas sa pagbibigay ng planong ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang: http://victory.org.ph