Talaga bang Mapagtatagumpayan Ko ang Kasalanan at Tukso?Halimbawa
Mayroon ba Talagang Nilalang na Nagngangalang Satanas?
Upang talakayin ang kasalanan, kailangang talakayin si Satanas. Imposible na hindi pansinin ang kanyang gawa: mga wasak na puso at pamilya, pang-aabuso, sakit, at imoralidad. Ang listahan ay mahaba at kalunos-lunos.
Si Satanas ay kapwa tunay at talunan. Nais niya na huwag mong paniwalaan ang alinman sa dalawa, subalit ang pagpili ay nasa iyo. Dalangin ko na ang debosyonal na ito ay maghayag sa iyo ng katotohanan ng Diyos.
Si Satanas ay Tunay
Si Satanas ay may maraming mga pangalan sa Biblia. Ang dalawa na alam na alam natin ay "Satanas" at "diyablo.” Ang nauna ay nangangahulugan ng “taga-usig” at matatagpuan ng 34 na beses sa banal na Kasulatan—ang nagpaparatang at nang-aabuso sa atin. Ang diyablo ay matatagpuan ng 36 beses sa Bagong Tipan at may literal na kahulugan na “mapanirang-puri.”
Si Satanas ay kilala rin bilang “sinaunang ahas,” ang “dragon,” at ang “masamang.” Ang paglalarawan ni Jesus sa gawa ni Satanas sa Juan 8:42–47 ay tunay na nakakatakot na buod.
Una, si Satanas ay umaangkin ng pagmamay-ari sa bawat kaluluwa na hindi pa ligtas.
Sa Juan 8, tinukoy ng ating Panginoon ang Kanyang mga kaaway bilang anak ng kanilang "amang" si Satanas (v. 44). Siya ang “diyos ng kasamaan sa daigdig na ito” (2 Mga Taga-Corinto 4:4), ang “pinuno ng mundong ito” (Juan 12:31) na siyang may kapangyarihan sa buong sanlibutan (1 Juan 5:19). Ang mga Cristiano ay namumuhay sa daigdig na pinamumunuan ni Satanas. Tayo ay mga sundalo na nakadestino sa lupain ng kaaway, naninirahan sa okupadong bansa.
Pangalawa, ang diyablo ay bumubulag sa ating mga pag-iisip sa katotohanan.
Siya ay “sinungaling at ama ng kasinungalingan” (Juan 8:44). Kaya ang tao na hindi tumanggap sa Banal na Espiritu ay hindi mauunawaan ang mga bagay na patungkol sa Diyos (1 Mga Taga-Corinto 2:14). Nais ni Satanas na agawin ang binhi ng salita mula sa mga puso na lubhang nangangailangan nito (cf. Mateo 13:1–9).
Pangatlo, nagsisinungaling si Satanas tungkol sa salita ng Diyos.
Mula sa Genesis 3 hanggang sa kasalukuyan, minamaneobra niya ang katotohanan ng banal na Kasulatan upang tayo ay iligaw. Siya na sumipi sa Biblia sa pagtukso kay Jesus (Mateo 4:1–11) ay ginamit nang mali ang salita ng Diyos upang tayo rin ay dayain. Hindi lahat ng ating naririnig na nagtuturo ng katotohanan sa Diyos ay katotohanan. Ang ating kaaway ay maaring sumipi mula sa Biblia nang mas mainam kaysa sa atin, ngunit laging para sa makadiyablong layunin.
Pang-apat, ang diyablo ay isang “mamamatay-tao buhat pa sa simula” (Juan 8:44).
Si Satanas ay leong umaatungal, humahanap ng kanyang masisila (1 Pedro 5:8). Yaong mga nagsisilbi sa kanyang layunin ay nakikibahagi sa pisikal, emosyonal, at sekswal na atake laban sa isa't isa at sa iba pa sa atin. Ang kanilang panginoon ay nagnanais ng wala nang iba pang bagay kundi ang kabuuang pagwasak ng sangkatauhan lalo't higit ang mga lingkod ng Diyos.
Panglima, si Satanas ay namamahala sa mga demonyo.
Sila ay naglilingkod bilang mga kampon at sundalo sa nagaganap na pakikidigma laban sa mga anak ng Diyos.
Sa kabuuan, si Satanas ay sumasalangsang sa Diyos.
Sa Juan 8, nagbigay siya ng inspirasyon sa mga pinuno ng mga relihiyon na ipapatay si Jesus. Nang lumaon humantong ito sa papapako sa ating Panginoon.
Si Satanas ay kabalintunaan ng Diyos sa lahat ng kaparaanan:
- Ang ating Panginoon ay ilaw; Si Satanas ay kadiliman.
- Ang Diyos ay banal, apoy na tumutupok; ang diyablo ay makasalanan, nakakasuklam, may sakit.
- Ang Diyos ay Espiritu; Si Satanas ay di-banal na makalaman.
- Mahal ka ng Diyos; kinamumuhian ka ni Satanas.
- Ibinigay ng Diyos ang Kanyang Anak para sa iyo; si Satanas ay kukuha ng iyong kaluluwa.
- Ang Diyos ay iyong Ama; ang diyablo ay iyong kaaway.
Si Satanas ay tunay, subalit huwag kalimutan: siya rin ay talunan.
Tungkol sa Gabay na ito
Naitanong mo ba sa iyong sarili, “Bakit nakikipaglaban pa rin ako sa kasalanang ito?” Maging si apostol Pablo ay nagsabi sa Mga Taga-Roma 7:15: “Hindi ko maunawaan ang aking sarili. Sapagkat hindi ko ginagawa ang gusto ko, sa halip ang kinasusuklaman ko ang siya kong ginagawa.” Paano natin patitigilin ang kasalanan mula sa pagpigil sa ating espirituwal na pamumuhay? Posible ba ito? Talakayin natin ang kasalanan, tukso, si Satanas, at, salamat, ang pag-ibig ng Diyos.
More