Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Kirot ng Pagdadalamhati: Pag-asa para sa nalalapit na KapaskuhanHalimbawa

Grief Bites: Hope for the Holidays

ARAW 3 NG 5

Kapag pinagdaraanan ng isang tao ang pagkawala ng isang relasyon, dahil sa pagkamatay ng isang mahal sa buhay, isang paghihiwalay, o alitan sa pamilya, ang mga pagdiriwang ay maaaring tuluyang mawawalan ng hatid nilang pag-asa, kagalakan at kislap.

Isa sa pinakamahirap at nakadudurog ng pusong tanong na maaaring tanungin ng isang namimighati sa mapaghamong panahon na ito ay, "Paano ko ipagdiriwang ang mga kapistahan nang naaalala pa rin at pinararangalan ang aking pinahahalagahang mga mahal sa buhay na ngayon ay nagsasaya sa Langit sa mga pagdiriwang kasama ang Diyos?"

Ang isa pang nakakabagbag-pusong katanungan na mayroon ang isang tao (na dumadaan sa pagkamatay ng mahal sa buhay, isang paghihiwalay, o alitan sa pamilya) ay, "Paano ko makakayanan ang mga pagdiriwang kung ako ay nakadarama ng lubhang kalungkutan, at paano ko malalampasan ang mga pagdiriwang kung matindi akong nangungulila sa aking mahal sa buhay?"

Ang mga pagdiriwang ay napakahirap para sa mga taong nasa matinding pagdadalamhati dahil sa pagkawala ng mahal sa buhay, isang paghihiwalay, o alitan sa pamilya o pagkakalayo.

Ang mga nagdadalamhati ay lubhang nangungulila sa kanilang mga mahal sa buhay, at ang mga pagdiriwang ay nagtataglay ng napakaraming mga alaala subalit ngayon ang magagandang mga alaala ng mga nagdaang pagdiriwang ay maaaring magdala ng matinding pighati.
Ang mga tradisyong minsan nating minahal ay ngayon masakit at malungkot dahil ang mahal sa buhay ay wala na rito, o ayaw nang makibahagi sa mga ito.

Napag-alaman kong ang malampasan ang mahihirap na mga araw at pighati ng mga pagdiriwang ay nangyayari lamang sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos...sa Kanyang araw-araw na pagmamahal, tulong, at pagpapalakas ng loob.
Hilingin sa Diyos ngayon mismo na aliwin at pagalingin ang iyong puso, at hilingin sa Kanya na paulanan ka ng pampalakas ng loob habang pinagdadaanan ang panahon ng kapistahan...bawat hakbang...bawat araw...bawat sandali...bawat pangyayari. Siya ay nasa iyong tabi at papasanin ka pa.

Kaya ano ang gagawin ng nagdadalamhati sa mga tradisyon?

Kung nais mong gawin ang nakagawiang mga tradisyon, huwag mag-atubili, gawin ang mga ito...at huwag makonsensiya sa pagpapahintulot ng kagalakan sa iyong sariIi. Ang iyong (mga) mahal sa buhay ay nasiyahan at naibigang makita ka na puno ng kagalakan nang sila ay narito.Gusto pa rin nilang masiyahan na nakikita kang muli na puno ng kagalakan, kahit ikaw ay dumadaan sa pagdadalamhati.

Kung hindi mo nais na gawin ang mga nakagawiang mga tradisyon, igalang ang iyong pagdadalamhati sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa iyong sarili ng kalayaan na maramdaman kung ano ang kailangan mong maramdaman. Huwag makonsensiya sa pangangailangan na magkaroon ng mas relaks at tahimik na panahon ng pagdiriwang.

Pareho silang angkop na tugon sa pagdadalamhati.

Huwag mapuwersa na gumawa o makaramdam ng kahit ano, o payagan ang pamimilit ang magbunsod sa iyo na gumawa ng anumang bagay na hindi gumagalang sa kung nasaan ka sa iyong proseso ng pagdadalamhati.

Ang ilang mga nagdadalamhati ay maaaring naising gumawa ng isang tradisyong nakagiliwan nilang gawin kasama ng kanilang mahal sa buhay bilang isang paraan ng pag-alaala sa kanila at pagpaparangal sa kanila, habang iyan ay maaaring labis na napakasakit naman para sa iba sa kasalukuyan.

Kausapin ang iyong mga natitirang mahal sa buhay at ibahagi ang iyong puso sa pamamagitan ng pagpapaliwanag kung ano ang iyong nararamdaman. Hilingin ang kanilang pagmamahal at suporta sa panahon ng pagdiriwang.
Palibutan ang iyong sarili ng maraming suporta!
Kung mayroong isang simbahan na malapit sa iyo na nag-aalok ng isang support group para sa pagdadalamhati, katulad ng GriefShare o Grief Bites, buong puso kitang hinihikayat na dumalo sa mga ito.

May panahon sa lahat ng bagay, kasama na ang paghahanap ng pampalakas ng loob at suporta, at ang Diyos ay tapat na magpapatatag sa iyo sa bawat yugto ng iyong buhay. Parangalan ang Diyos at ang iyong pagdadalamhati.
Pahintulutan ang Diyos na gumabay at pumatnubay sa iyong kalungkutan at pighati, at hilingin sa Kanya kung paanong mas mainam na harapin ang mga tradisyon at ang panahong ito sa iyong buhay.

Sa susunod na dalawang araw, magbibigay ako ng mga ideya kung paano huwag lamang malampasan ang mga pagdiriwang, kundi paano magkaroon ng kapayapaan at lumikha ng makabuluhang mga sandali sa mga pagdiriwang.

Anyayahan ang Diyos, ngayon mismo, na maging isang tinatanggap at pinapahalagahang Kaibigan sa mga pagdiriwang at sa mga araw na darating.

Panalangin:
"Mahal na Pinakamahabaging Ama sa Langit, nagpapasalamat ako sa Iyo dahil hindi ko na kailangang pagdaanan ang mga pagdiriwang nang nag-iisa. Pinasasalamatan Kita mula sa puso na lubos na nagpapasalamat sa palaging pagsama at pagmamahal Mo sa akin, at ang hindi, pag-iwan o pagpapabaya sa akin. Aking Ama, tulungan Mo ako sa bawat araw habang ako ay naglalayag sa aking mga kalungkutan at pighati. Tulungan Mo ako na may pagmamahal na alalahanin at parangalan ang aking mga mahal sa buhay, na pakawalan ang anumang humahawak sa aking puso, at makita nang malinaw ang Iyong kabutihan at pagpapala sa unos na aking nararanasan sa buhay.
Mahal kita, Panginoon, at pinupuri ko ang Iyong banal na Pangalan, Sa Pangalan ni Jesus, dalangin ko, Amen."

Ang debosyonal na ito © 2015 mula kay Kim Niles/Grief Bites. All rights reserved. Ginamit nang may pahintulot.
Araw 2Araw 4

Tungkol sa Gabay na ito

Grief Bites: Hope for the Holidays

Para sa marami, ang kapaskuhan ay panahon na puno ng kasiyahan, ngunit anong mangyayari kung ang kapaskuhan ay mawawalan ng ningning at maging mapanghamon dulot ng labis na kalungkutan o pagkawala ng isang mahal sa buhay? Ang espesyal na babasahing gabay na ito ay makakatulong sa mga nagdadalamhati upang makahanap ng ginhawa at pag-asa ngayong kapaskuhan, at ibabahagi nito kung paano magkaroon ng makabuluhang panahon ng kapaskuhan sa kabila ng pagdadalamhati.

More

Gusto naming pasalamatan si Kim Niles, may-akda ng "Getting Your Breath Back After Life Knocks It Out of You", sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang: www.griefbites.com