Tinubos na mga PangarapHalimbawa
“Anong gusto mo?” Tanong ng dating asawa ko habang nagkakawatak-watak na ang relasyon namin. “Gusto kong gawin mo ang hindi nagagawa ng ibang lalaki… Gusto kong ipaglaban mo ako.” nanginginig ang aking tinig sa gitna ng paghikbi.
Kalaunan, habang hinaharap ko ang mapaghamon at nakakalungkot na buhay ng pagiging nagsosolong ina, nadama ko na paulit-ulit akong tinatanong ng Diyos ng iisang tanong. “Ano ang gusto mo?” Sa loob ng ilang taon, hindi ko masagot ang tanong na ito. Mahalaga ba talaga kung ano ang gusto ko? Iniisip ko ito.
Itinago kong lahat ng aking mga pananabik at mga hangarin sa likod ng isang kasabihan na laging inuusal, “Ang Iyong hangarin, hindi ang akin”.
Bagama't ang pagsusuko ng aking sarili sa kagustuhan ng Diyosay mabuting bagay, natagalan akong maintindihan na hindi habol ng Diyos ang aking pagsunod- habol Niya ang aking puso. Hindi Siya naghahanap ng mga alipin na tumutugon sa Kanyang mga utos dahil sa obligasyon at sa sapilitang pamamaraan kundi mga anak na tumutugon sa Kanya dahil sa intimasiya at matalik na relasyon.
Narinig ko ang kasabihan, “Nakakabuti sa iyo ang pananabik. Ito ay isang alingawngaw ng mga himalang paparating.”
May pakialam ang Diyos sa ating mga pangarap. May pakialam Siya kung ano ang nasa puso natin. kung hahayaan natin Siya, gagamitin Niya ang panahon ng ating paghihintay upang palakasin ang ating pananampalataya at dalhin tayo palapit sa Kanya habang ibinabahagi natin sa Kanya ang ating mga inaasam. Hindi nangangahulugan na ang pagbabahagi sa Diyos ng ating mga pangarap na makukuha natin ang lahat ng ating gusto. Hindi Siya isang personal na genie. Pero ang pamamaraan ng pagbabahagi ng ating mga pangarap sa Diyos ay magpapalapit sa atin Sa Kanya.
Kaya mo bang isipin ang pagkakaroon ng isang matalik na kaibigan o asawa na hindi nagsasabi sa iyo tungkol sa kanilang mga pangarap at mga hangarin? Sa tingin ko ay mawawala ang ugnayan ninyo dahil magiging mababaw ang relasyon. Ang maramdaming pagbabahagi ng ating mga kagustuhan at mga hangarin ang nagpapalalim ng ating intimasiya sa Diyos at sa ibang mga tao.
Sa ganang akin, makalipas ang ilang taon kung saan sinubukan kong tanggihan ang aking pangarap na maupo sa hapag-kainan kasama ang sarili kong pamilya, sa wakas ay sinabi ko sa Diyos kung anong gusto ko. Gusto kong makasal ulit. Gusto ko ng isang taong mapagsasabihan ko tungkol sa aking mga pangarap at pananaw, makakasama sa mga responsibilidad at mga hamon, mga halakhak at luha.
Nagpatuloy ang aking pahihintay. Sa aking paghihintay, nagpatuloy ang pagpapagaling sa akin ng Diyos. Ginamit NIya ang panahon ng aking paghihintay upang turuan ako tungkol sa pagkakaibigang tunay at kung ano ang totoong intimasiya kasama ang mabubuting mga tao. Ako ay lumago sa aking pananalig na tunay ngang mabuti ang Diyos. Na ang Kanyang kalikasan ay maaasahan. Mabuti ang Kanyang mga plano. Tinuruan Niya ako na ang mga pangyayari sa aking buhay ay hindi kayang baguhin ang katotohanang ito. Tinuruan Niya ako na manalig sa katotohanang ito, kahit sa tingin ko ay wala akong nakikitang ebidensya ng katotohanang ito.
Anong gusto mo?
Kung babasahin sa Biblia, si Jesus ay nagtatanong ng tanong ito sa mga taong nakakatagpo Niya. At naniniwala ako na tinatanong ka rin Niya. Hinihimok kita na tuklasin ang sagot mo sa tanong ito at ibahagi sa Diyos. Maaasahan Siya sa mga pananabik ng iyong puso.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Anong gagawin natin kapag ang ating mga pangarap ay tila hindi maabot o nawasak na? Bilang isang taong nalampasan ang pang-aabuso at masasaklap na karanasan, pati na rin ang dalamhati ng pakikipaghiwalay sa asawa, ako ay naharap paulit-ulit sa tanong na ito. Nakakaranas ka man ngayon ng sakit ng trahedya o ng kawalan, o ng pagkabigo sa isang mahabang panahong paghihintay, ang pangarap ng Diyos para sa iyo ay buhay pa rin! Kaibigan, oras na para mangarap muli.
More