Tinubos na mga PangarapHalimbawa
HIndi ko inakalang aabot ako ng dalawampu't isang taong gulang. Pagkatapos ng mahabang kasaysayan ng sekswal na pang-aabuso, panggagahasa at pamumuhay sa isang magulong kapaligiran, iniwan ako ng aking ina sa isang lugar na puno ng mga gang, sa edad na labintatlo, kasama ang aking walong taong gulang na lalaking kapatid, upang mamuhay nang kami lang sa loob ng tatlong buwan. Nang panahong iyon, ako ay nagkarelasyon sa isang mas nakatatandang lalaki na nag-alay sa amin ng pagkain at proteksyon. Ang relasyong ito ay naging mapang-abuso at mapagsamantala, at kalaunan ay nagdala sa akin patungo sa industriya ng paghuhubad kung saan ako nagtrabaho. Kumbaga, ang nobyo ko ay naging bugaw ko at ang buhay ko ay nawawalan na ng kontrol.
Pumasok si Jesus.
Sa Kanya, natagpuan ko ang grasya, paggaling, at ang daan patungong kalayaan. Nagsimula akong mangarap ulit. Nangarap ako ng araw na magkakaroon ako ng tahanan na may puting kahoy na bakod, at berdeng damuhan kung saan ang mga laruan ng aking mga anak ay nakakalat. Nangarap ako ng isang pamilyang buo kung saan kami lahat ay magkakapareho ng apelyido. Ang pangarap ko kumakatawan sa kaligtasan at katatagan— isang bagay na hindi ko masyadong naranasan sa aking pagkabata.
Nagkaroon ako ng maling paniniwala na kapag pumunta ako sa simbahan tuwing Linggo, binasa ang tamang mga libro, at gawin ang tamang mga bagay, ang aking mga pangarap ay maaabot ko at hindi na magkakaroon ng mga gulo at problema sa buhay dahil kay Jesus.
Sa loob ng ilang taon, lahat ay ayon sa plano. Ikinasal ako at nagkaroon ng magandang sanggol, at may tahanan na may bakuran. Sa sobrang ganda ng buhay ko noon, pati ako ay nainggit sa sarili ko!
Noong nalaman ko na ang asawa ko ay may karelasyong iba at isinuko na ang aming relasyon, naramdaman ko na lahat ng pag-asang natitira para sa aking buhay ay naglaho. Ang buhay na pinangarap ko ay tuluyang nagkawatak-watak.
Sa kanyang tulang, “Harlem”, si Langston Hughes ay may tanong, “Anong mangyayari sa isang pangarap na ipinagpaliban?”
“Natutuyo ba ito
tulad ng pasas sa ilalim ng araw?
O magnanana tulad ng isang sugat—
at puputok?”
Naniniwala ako na ang anumang nangyayari sa ating mga pangarap kapag ipinagpaliban, hindi naabot, o nawasak ay depende sa taong nangangarap. Ang ating pagtugon ang magpapasiya kung tayo ay mapapalapit patungo sa pangarap ng Diyos para sa atin o lalong mapapalayo.
Pagkatapos ng pagtatapat ng aking asawa, naharap ako sa isang pagdedesisyon.…
Saan ko ilalagay ang aking pag-asa? Ilalagay ko ba ito sa pangarap ko para sa buhay? O ilalagay ko ba ito sa Diyos?
Ayon sa Biblia, ang pag-asa na naipagpaliban ay nagbibigay sakit sa puso, pero ang pag-asa kay Jesus ay isang angkla ng ating kaluluwa. Hindi ko mababago ang nangyari, gustuhin ko man ito, pero kaya kong magpasya kung paano ako tutugon.
Inaanyayahan ko kayo na magnilay sa mga sumusunod na mga tanong: Saan ba nakalagay ang pag-asa mo ngayon? Ang pag-asa mo ba ay sa iyong pangarap na buhay? O ang iyong pag-asa ba ay nasa Tagapamigay ng mga Pangarap?
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Anong gagawin natin kapag ang ating mga pangarap ay tila hindi maabot o nawasak na? Bilang isang taong nalampasan ang pang-aabuso at masasaklap na karanasan, pati na rin ang dalamhati ng pakikipaghiwalay sa asawa, ako ay naharap paulit-ulit sa tanong na ito. Nakakaranas ka man ngayon ng sakit ng trahedya o ng kawalan, o ng pagkabigo sa isang mahabang panahong paghihintay, ang pangarap ng Diyos para sa iyo ay buhay pa rin! Kaibigan, oras na para mangarap muli.
More