Paglalakad sa mga Lambak na Espirituwal Halimbawa
Hindi Kailanman Tayo Mag-iisa
Minsan isang unos sa buhay mo ang magdadala sayo sa lugar na kinapapanabikan mong paroonan. — Beth Moore
Mahirap isipin na si Jesus, ang Anak ng Diyos, ay nagdanas ng mga kahirapang espirituwal. Nagdanas Siya. May dalawang tukoy na panahon kung saan Siya ay nasadlak sa di kayang wariin ng ating pag-iisip.
Ang Pagtukso kay Jesus
Ginugol ni Jesus ang unang 30 taon ng Kanyang buhay bilang isang normal na tao bago Niya inumpisahan ang 3 1/2 na pagmiministeryo. Bago Siya magpagaling o buhayin ang sinuman, Siya ay bininyagan sa Ilog Jordan ni Juan Bautista. Sinabi sa atin sa Lucas 4:1 na si Jesus ay “puspos ng Espiritu Santo” nang lisanin niya ang Ilog Jordan, at ang sumunod na pangungusap ay nagsasabi, “Dinala Siya ng Espiritu sa ilang.” Isang nakakagulat na kaisipan. Alam natin ang tungkol sa pagtukso ni Satanas kay Jesus, mahirap unawain ng ating pag-iisip na ang Banal na Espiritu ng Diyos ang nagdala kay Jesus doon.
Nanatili ng 40 na araw si Jesus sa ilang at hindi Siya kumain o uminom ng panahong iyon. Kasama ni Jesus ang diyablo, binubugbog Siya ng pag-aalinlangan, mga atake, at mga tanong. Inalok niya ang Manunubos ng pagkakataong lampasan ang mga paghihirap sa hinaharap. Pero hindi ito kinagat ni Jesus. Habang ang Kanyang katawang pisikal ay mahina, ang kanyang espiritu ay malakas. Ang katotohanan sa Banal na Kasulatan ang ginamit Niyang kalasag laban sa Kanyang kaaway sa espiritu.
Ang Pagkapako sa Krus ni Jesus
Bago malagutan ng hininga si Jesus, sumigaw Siya, “Diyos ko, Diyos Ko, bakit mo ako pinabayaan?” Ihiniwalay ng Diyos ang Kanyang sarili sa Kanyang perpektong Anak dahil ang kasalanan ng nakaraan, kasalukuyan at hinaharap ay ibinunton kay Jesus sa krus. Dahil hindi maaring tumingin ang Diyos sa kasalanan, kailangang harapin ng Kanyang matinding galit ang napakalaking kasalanan ng mundo, at ginawa Niya ito sa una at huling pagkakataon sa pamamagitan ng pagtalikod sa Kanyang Bugtong na Anak. Ito lamang ang pagkakaton sa walang hanggan na tatalikuran Niya ang sinuman. Dahil sa matinding pagkilos na ito na naghatid sa ating Tagapagligtas sa pagsusumamo sa presensya ng Diyos, hindi kailanman tayo makakaranas ng kalungkutan.
Hindi ba nakakapagpalubag-loob ito sa iyo? Kahit na maaaring pakiramdam mo ay malayo ka sa Diyos at pakiramdam mo ay parang iniwan ka Niyang nag-iisa, hindi ka nag-iisa at kailanman ay hindi mag-iisa. Kapag may mga pagsubok at ang mga panahong mahirap ay sumasalakay, manindigan tayo sa katotohanang ito.
Sa pagsasara mo sa debosyonal na ito ngayong araw, alamin mo ito: Hindi ka kailanman iniwan ng Diyos, hindi ka iiwan, at sa katunayan mas malapit pa Siya sa iyo kaysa sa iyong hininga.
Pagnilayan
- Pagnilayan ang katotohanan na lahat ng kasalanan mo—nakalipas, kasalukuyan, at hinaharap—ay iniatang lahat kay Jesus upang maranasan mo ang kaligtasan at hindi matakot na iiwan ka ng Diyos. Totohanang pag-isipan ito. Ngayon, isulat o sabihin ang iyong pagpapasalamat sa pag-ibig ng Diyos sa iyo. Kahit na sa sakit at pagkatuyot na espirituwal, pasalamatan mo Siya.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Bilang mga tagasunod ni Cristo, gusto nating lahat na nasa tuktok ng bundok ang mga karanasan natin sa ating pananampalataya. Subalit madalas na kapag ang ating espiritu ay nasa lambak ay doon tayo natututo at lumalago, at doon ang pananampalataya natin ay lumalawak. Pagkatapos basahin ang 5-araw na Gabay, magkakaroon ka ng kaalaman para kayanin ang mga kalungkutan ng espiritu nang may pagpapala at pag-asa at patatagin ng kaalamang ang Diyos ay gumagawa kahit na hindi natin ito nararamdaman.
More