Mga Paalala sa BuhayHalimbawa
Ang Kapangyarihan ng Pamamagitan
Minsan ay hindi natin alam kung paano tayo makatutulong sa ating pamilya o mga kaibigan. Hindi natin alam kung anong maaari nating gawin para sa kanila. Marahil sila'y may pinagdadaanang pagsubok o hamon sa buhay. Baka sila'y may nagawang kasalanan o namumuhay nang malayo kay Jesus. At hindi mo alam kung anong pwedeng gawin.
Ano kayang maipapayo sa iyo ni Abigail? Maging isang tagapagtanggol—isang tagapamagitan.
Ano nga ba ginagawa ng tagapamagitan? Siya lang naman ang tumatayong tagataguyod para sa iba.
Siguro ay may mga kaibigan o kapatid ka na namagitan para sa iyo noon. Alalahanin mo ang panahong napahamak ka noong ika'y bata pa lamang. Isang kapatid mo ang may lakas ng loob na ipinagtanggol ka at nakiusap, “Hindi naman po niya sinasadya … Hindi naman po niya kasalanan … Patawarin mo na po siya … Baka po pwedeng isang linggo na lamang imbes na dalawa …” Sila'y namamagitan para sa iyo.
Sa 1 Samual 25, inilahad kung paano namagitan si Abigail para sa kanyang asawang si Nabal. Si Abigail ay inilarawang isang makatwiran at matalinong babae, pero ang kanyang asawa--hindi masyado.
Sa madaling salita, nagawang madismaya at inisin ni Nabal si David. Sa sobrang inis ni David, naghanda siyang makipagdigmaan kay Nabal at sa kanyang buong pamamahay. Pinangunahan niya ang kanyang mga kawal patungo sa bahay ni Nabal, pero alam mo ba anong pumigil sa kanya?
Lumuhod si Abigail sa harap ni David at siya'y namagitan para kay Nabal. Siya'y nakiusap at humingi ng tawad alang-alang sa kanyang asawa.
Maaari ka ring lumuhod at manalangin sa Diyos alang-alang sa ibang tao. Sa katunayan, ang pinakamabuting paraan para tayo'y makatulong sa ating mga mahal sa buhay ay ang paglapit sa pinakamahusay nating Katulong, si Jesus.
Pero ito ang kondisyon. Hindi lamang tayo mamamagitan para sa ating pamilya at mga kaibigan. Ang pamamagitan ay naaangkop din sa taong sumingit sa iyo sa kalsada, para sa taong nagtsismis tungkol sa iyo, o sa katrabaho mong nakakainis. Maaaring iniisip mong hindi ito "nararapat" para sa kanila. Ang katotohanan: Hindi rin naman nararapat sa atin iyon.
Bakit nga ba mahalagang mamagitan para sa iba kahit na labag ito sa ating kalooban? Una, sinabi ni Jesus na ipagdasal ang ating mga kaaway. At pangalawa, si Jesus at ang Banal na Espiritu ay namamagitan para sa atin araw-araw. At iyon ay pagpapalang hindi nararapat ngunit ipinagkaloob sa atin.
Maaari kang maging higit pa sa mandirigma para sa katarungang panlipunan. Maaari ka ring maging mandirigma sa panalangin. Sa pagbibigay mo ng parehong biyaya niyo ng Diyos, maaari kang mamagitan para sa iba.
Sino ang kailangan mong ipanalangin?
Manalangin: Panginoon, gusto ko pong mamagitan para kay ____ ngayon. Alam kong kaya Mo silang tulungan at matugunan ang kanilang pangangailangan sa panahon ng ___. Salamat sa pagmamahal sa amin. Salamat sa pakikinig sa aming pagdarasal. Sa ngalan ni Jesus, amen.
Tungkol sa Gabay na ito
Anong pangaral ang maaaring maibigay ng mga di-gaanong kilalang mga tauhan sa Biblia para sa mga Milenyal at/o mga Henerasyon Z? Tuklasin sa 6-araw na Gabay sa Bibliang ito.
More