Bawat Hakbang ay PagdatingHalimbawa
Noong Unang Panahon
“Noong unang panahon” ay ang paraan kung paano ang lahat ng magagandang kuwento ay nagsisimula. Ito rin ay paraan kung paanong ang mga Cristiano ay humaharap sa tanong na "Ang buhay ko ba ay mahalaga?" Sa isang kuwento, bawat tauhan ay mahalaga. Bawat tao ay may kabuluhan. Kaya sinasabi natin, "Noong unang panahon" at kasunod ang ating pananampalataya at pagdududa, ang ating pagsunod at pagsuway, ang ating pagsamba at pagwawalang-bahala. Lahat ng iyan at higit pa ay bahagi ng ating kuwento—ang kuwento na may kahulugan.
Hindi lahat ng kuwento ay tungkol sa mga bayani. Hindi lahat ng kuwento ay epiko ng pakikipagsapalaran. Mayroon tayong mga kuwento ng kabayanihan—yaong kina Jose at Moises at David at Pablo. Bagamat mayroon ding mga kuwento katulad ng kina Naomi at Ruth at Boaz. Dito, ang mga aksyon ay talagang pang araw-araw. Ngunit ang lahat ng mga pang araw-araw na aksyon—ang pangingibang bayan, ang katapatan ni Ruth kay Naomi, ang kabutihan ni Boaz kay Ruth, ang pagbibigay-pansin sa Kautusan—ang lahat ng detalyeng ito ay parte ng kuwento na bahagi ng dakilang pagliligtas ng Diyos. Ang kuwento na nangangahulugan ng isang bagay—at nangangahulugan ng lahat ng bagay.
Si Naomi ay napasok sa kuwentong ito dahil sa pagrereklamo. Naranasan niya ang mawalan, nagreklamo nang may kapaitan tungkol dito, ang kanyang kalungkutan ay seryosong isinaalang-alang ng nagkukuwento at ginawang reklamo laban sa Diyos. Ang mga talatang ito ay isinatitik sa paraang si Naomi ay nasasakdal sa harapan ng Diyos. Ang istilo ng pagrereklamong ito na inilagay sa legal na pamamaraan ay binigkas din ni Jeremias, na naging bahagi ng demanda at kontra demanda sa pagitan ng Diyos at ng mga tao. Kinuha niya ang mga reklamo ng mga tao at naghain ng demanda laban sa Diyos; ang paratang na nabigo ang Diyos na maging makatarungan at patas.
Bagamat tila ito ay paglapastangan, pamumusong, na magsalita sa Diyos sa ganitong paraan, ang payak na katotohanan ay ito ay lubusang biblikal. Sa pakikinig ng reklamo ng bawat isa at balangkasin ito na laban sa Diyos, tinutulungan natin ang bawat isa na mapasama sa kuwento. Hindi kinakailangan na tayo ay laging nasa panig ng Diyos, ipinagtatangol Siya. May mga pagkakataon na ang ating biblikal na katayuan ay nasa panig ng nasasakdal. Sineseryoso—hindi itinatanggi, hindi binabawasan, hindi nagiging espirituwal—ang reklamo ni Naomi ay naging bahagi ng kuwento. Ang kahungkagan ng kanyang buhay ay nahabi sa kuwento at, sa proseso, patungo sa sandali ng pagpapakita ng pagkakaloob ng Diyos.
Nag-aatubili ka ba na sabihin ang iyong reklamo laban sa Diyos? Paanong ang kuwento ni Naomi ay gagabay sa iyo sa mas tahasang pakikpag-usap sa Diyos?
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Umaasa kami na ang limang araw na debosyon na ito mula kay Eugene Peterson ay magdala sa iyong isip at puso kahit saan man sila magtungo, sa dahilang hindi mo alam kung ano ang gagamitin ng Banal na Espiritu upang humikayat o humamon o umaliw. Maari kang pumili na gamitin ang mga tanong sa hulihang bahagi ng bawat debosyonal upang makalikha ng sarili mong panalangin kada araw—tunay na hindi para sa huling punto ngunit bilang panimula para sa pagdating na naghihintay sa iyo.
More