Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Tama Na: Patahimikin ang Mga Kasinungalingang Nagnanakaw ng Iyong KumpiyansaHalimbawa

Enough: Silencing Lies That Steal Your Confidence

ARAW 6 NG 7

AKO'Y SI AKO NGA ang Nagpupuno sa Iyong Mga Blangko

“Hindi ako sapat na ___________.” 

Maaari mong ilagay sa blangko ang matalino, talentado, likas na matalino, espirituwal, palakaibigan, kaakit-akit, o anupamang positibong katangian. Ngunit ang kinauugatan ng bawat isang blankong iyon ay ang “Hindi ako sapat.” Tapos. Isa iyan sa pinakapaboritong panlilinlang ng Kaaway upang bihagin ang mga anak ng Diyos sa buhay na “kapos.” Ang hindi ako sapat ay isang madayang kasinungalingang humahadlang sa pinakamainam na itinalaga ng Diyos para sa maraming anak Niya. 

Gumagawa ang Kaaway upang tumuon tayo sa sa ating mga kahinaan imbes na sa ating pananampalataya. Kapag tumutuon tayo sa ating mga pagkukulang, inaalis natin ang ating pagtuon sa Diyos, na tumutulong sa atin; sa Espiritu Santo, na nagbibigay sa atin ng kapangyarihan; at kay Jesus, na pumapalibot sa atin.

Sinasabi nga ng Biblia na walang sinumang nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos upang makapanhik sa langit (Mga Taga-Roma 3:23). Ang kaligtasan ay kaloob (Mga Taga-Efeso 2:8). Kaya lang, marami ang nagpapakahulugan sa katotohanang hindi nila kayang pagtrabahuan ang makapanhik sa langit at inililipat sa “Hindi ako sapat—tapos.” Ngunit sa pamamagitan ng natapos nang ginawa ni Jesu-Cristo sa krus, at sa kapangyarihan Niyang kumikilos sa iyo at sa pamamagitan mo, ikaw ay sapat sa lahat na itinakda ng Diyos na iyong gawin at maging.

Ang maniwala sa kasinungalingang “Hindi ako sapat” ay paparalisa sa'yo. Ito ang takasan ng mga duwag. Maaaring nasaktan ko ang iyong damdamin, pero makinig ka, kinakausap ko rin ang sarili ko. 

Ang lakas ng loob at kumpiyansa ay kasunod ng pagsunod. Hindi ko na mabilang ang dami ng ulit kong narinig ang mga salitang “Hindi ako sapat,” na isinisigaw sa aking isipan. Ngunit kapag humahakbang ako sa pagsunod, at ginagawa pa rin ang sinasabi ng Diyos, ang kapangyarihan ng Diyos ay dumadaig sa mga kasinungalingan ng Kaaway.

Isa sa pinakamahalagang pangalan ng Diyos ay YHWH o AKO'Y SI AKO NGA. Kapag sinasabi natin ang, “Hindi ako sapat," sinasabi ng Diyos ang “AKO'Y SI AKO NGA.” Kapag sinasabi natin ang “Hindi ako sapat sa lakas,” sinasabi ng Diyos ang “AKO'Y SI AKO NGA.” Siya ang Diyos na pumupuno sa ating mga blangko.

Sa sandaling bitawan natin ang mga kasinungalingang hindi tayo sapat at panghawakan ang katotohanang tayo ay higit pa sa sapat dahil sa presensya at kapangyarihan ni Jesus sa atin, mapapalaya tayo mula sa palaging may alinlangang pag-iisip tungo sa maranasan ang may-lakas-ng-loob na kumpiyansa ng isang nagtagumpay. 

Anong mga blangko ang kailangan mong hayaang punuan ng dakilang AKO'Y SI AKO NGA sa iyong buhay?

Banal na Kasulatan

Araw 5Araw 7

Tungkol sa Gabay na ito

Enough: Silencing Lies That Steal Your Confidence

May mga tinig ba sa iyong isip na nagsasabing hindi ka sapat, sapat na matalino, sapat na maganda...basta lang hindi sapat. Isinisiwalat ng popular na manunulat at tagapagsalitang si Sharon Jaynes ang mga kasinungalingang naglulugmok sa'yo sa kahihiyan, kawalang-kapanatagan, at damdaming may kulang sa'yo. Patahimikin ang mga kasinungalingang nagsasabing hindi ka sapat, at yapusin ang iyong hindi kapani-paniwalang halaga bilang isang babaeng natatangi ang pagkakalikha at minamahal ng Makapangyarihang Diyos.

More

Nais naming pasalamatan si Sharon Jaynes at ang Harvest House Publishers para sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa higit pang impormasyon, mangyaring bisitahin ang: https://www.harvesthousepublishers.com/books/enough-9780736973540