Tama Na: Patahimikin ang Mga Kasinungalingang Nagnanakaw ng Iyong KumpiyansaHalimbawa
Kilalanin ang Mga Kasinungalingan
Sinasabi ng Biblia na, “hindi naman lingid sa atin ang gusto niyang [Satanas] mangyari” (2 Mga Taga-Corinto 2:11 rtpv05). Ang mga pakana niya'y may lakip na detalyadong plano ng isang kasinungalingang tungo sa isa pang kasinungalingang tungo sa isa pang kasinungalingan. Ang mga kasinungalingan ay nagsisimula sa maliliit na tila wala namang kahihinatnang pinsala at dahan-dahang lumalaki na may mga mas mapanirang kasasapitan. Mga kasinungalingang tulad ng:
Ang tanga ko.
Wala na akong ginawang tama.
Hindi na ako magbabago.
Ang tanging paraang matutunton natin ang kasinungalingan ay ang malaman ang katotohanan. Kailangan nating malaman ang katotohanan para kapag dumating ang huwad, makikilala natin ang kawalan ng pagkalehitimo nito.
Kapag may taong nagsasanay na maging teller sa bangko, siya ay tinuturuang kilalanin ang pekeng salapi. Ngunit, hindi itinuturo ng mga tagasanay ang hitsura ng pekeng salapi; itinuturo nila ang hitsura ng tunay na salapi. Pinag-aaralan nila ang mga marka nito, ang mga kulay, at ang pakiramdam ng tunay na salapi, nang sa ganoon kapag may dumating na pekeng salapi, makikilala ito ng teller.
Minsang nasabi ni D. L. Moody ang, “Ang pinakamagaling na paraang maipapakita na ang isang patpat ay baluktot ay hindi pagtalunan ito o gumugol ng panahong batikusin ito, kundi itabi ito sa tuwid na patpat.” Ang Salita ng Diyos ang tanging tuwid na patpat—ang kaisa-isang panukat na may kabuluhan.
Kung si Satanas ay magpakita sa'yong nakabihis ng pula na may hawak na tinidor ng dayami at nagpakilalang siya ang diyablo, hindi ka maniniwala sa anumang sasabihin niya. Ngunit siya ay tuso at maaaring magkunwaring anghel siya ng kaliwanagan (2 Mga Taga-Corinto 11:14). Nang nilinlang niya si Eva, bumanggit pa siya mula sa Banal na Kasulatan—bagaman binaluktot at sadyang iminali ang diwa.
Mayroon siyang koleksiyon ng mga lumang tape mula sa'yong nakaraan, at panay ang pindot niya ng rewind at play, rewind at play. Ay oo, alam niya ang mga pindutang pipindutin. Ginagamit rin niya ang mga personal na katagang tulad ng “ako” imbes na “ikaw.” Ang mga kaisipan ay parang ganito: Biguan ako. Talunan ako. Wala na akong ginawang tama. Pangit ako. Parang ikaw sa pandinig ang mga kaisipan, parang ikaw sa pakiramdam, at bago mo pa mamalayan, iisipin mo nang ang mga ito ayikaw. Iyan ang dahilan kung bakit napakahirap mahalata ang mga kasinungalingan. Parang tayo talaga sila sa pandinig.
Pagdating sa kaaway, hindi natin kailangang daigin siya sa bakbakan, kailangan lang natin siyang daigin ng katotohanan. Ngunit bago iyan, kailangan nating kilalanin ang mga kasinungalingang pinagsasabi natin sa ating mga sarili.
Sabi ni Jesus, “makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” Ang makilala ang katotohanan ang tutulong sa ating matunton ang mga kasinungalingan at itakwil ang mga ito.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
May mga tinig ba sa iyong isip na nagsasabing hindi ka sapat, sapat na matalino, sapat na maganda...basta lang hindi sapat. Isinisiwalat ng popular na manunulat at tagapagsalitang si Sharon Jaynes ang mga kasinungalingang naglulugmok sa'yo sa kahihiyan, kawalang-kapanatagan, at damdaming may kulang sa'yo. Patahimikin ang mga kasinungalingang nagsasabing hindi ka sapat, at yapusin ang iyong hindi kapani-paniwalang halaga bilang isang babaeng natatangi ang pagkakalikha at minamahal ng Makapangyarihang Diyos.
More