Magmahal Na Parang Hindi Ka Pa Nasaktan Kailanman ni Jentezen FranklinHalimbawa
Ika-Apat na Araw
Pag-aralang Mahalin Muna ang Sarili
Banal na Kasulatan: Jeremias 31:3-4
Nais ng Diyos na panumbalikin ka. Nais Niyang ialok sa iyo ang singsing ng pagtanggap. Nais Niyang ipagkasundo ka sa Kaharian. Nais Niyang anyayahan kang umupo sa Kanyang mesa. Tulad ng nakasulat sa Isaias 61:7, "Sa halip na kahihiyan . . . magiging doble ang inyong kayamanan."
Kapag nahawakan na natin ang katotohanan ng biyaya, hindi lamang tayo binibigyang-kapangyarihan nito upang magpatawad at mahalin ang ating mga sarili, dapat ay mag-udyok din ito sa atin upang magpatawad at mahalin ang ibang tao. Dahil, magpakatotoo tayo, may Alibugha sa ating lahat. At kung minsan, kailangan nating matutong magmahal habang nasa isang magulong sitwasyon upang magkaroon ng himala.
Maaari mong basahin ang kuwento ng Alibughang Anak sa Lucas 15, at ilagay natin ito sa panahon ngayon. Maaari kang makaugnay sa susunod na eksena.
Si Lisa ay pinalaki sa simbahan. Ang kanyang mga magulang ay mga kahanga-hangang tao na nagmamahal kay Lisa at ninanais lang ang pinakamabuti para sa kanilang anak. Nagkamali siya sa buhay niya nang magsimula siyang lumabas kasama si Bill. Pagkatapos ng ilang buwan, si Lisa ay lubusang umibig at gustong pakasalan si Bill.
Batid ni Lisa na may problema ito sa pag-inom. Napakarami rin niyang mga dahilan. Alam niyang hindi nito masyadong gusto na sumasama sa kanya sa simbahan, ngunit pinapaniwala niya ang kanyang sarili na mababago niya ito. Sa kabila ng mga babala sa kanya ng kanyang pastor at ng pagsusumamo ng kanyang mga magulang, pinakasalan pa rin niya ito. Pagkatapos ng mga isa't kalahating taon, naranasan niya ang impiyernong pamumuhay.
Ang pag-inom ni Bill ay nauwi sa pisikal na pang-aabuso, at naghain ng diborsyo si Lisa. Nawasak ang puso niya. Hindi niya pinansin lahat ng mga babala. Sa tuwing ang mga anak ng Diyos ay nagpapakasal sa anak ng diyablo, magkakaproblema sila sa kanilang biyenan.
Ang mabuting balita ay, hindi kailanman sumusuko ang Diyos. Ang makabawi mula sa mga maling pagpiling ginawa mo ay maaaring maging isang makabagbag-damdaming karanasan, ngunit handa ang Diyos na muli kang ibalik sa tuwina, upang bigyan ka ng bagong simula.
Ang Malaking Kaisipan: Ang pagmamahal sa ibang tao ay nagsisimula sa pagmamahal sa iyong sarili.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Hindi isang lihim na ang mga taong pinakamalalapit sa atin ang siyang nakasasakit sa atin nang lubos. Lubhang naapektuhan ng pagtataksil, nagtatayo tayo ng mga pader sa paligid ng ating mga puso upang ingatan tayo mula sa dalamhati, ngunit ito rin ang mga pader na humaharang sa atin upang makita natin ang pag-asa, tumanggap ng kagalingan at makaramdam ng pagmamahal. Panahon na upang wasakin ang mga pader mo, paghilumin ang mga sugat, ayusin ang mga nasirang relasyon at tuklasin ang kapangyarihan ng isang bukas na puso.
More