Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Panaghoy 3:22-46

Panaghoy 3:22-46 ASND

ang pag-ibig at awa ng PANGINOON ay walang katapusan. Iyan ang dahilan kung bakit hindi tayo lubusang nalipol. Araw-araw ay ipinapakita niya ang kanyang habag. Dakila ang katapatan ng PANGINOON! Kaya sinabi ko sa aking sarili, “Ang PANGINOON ang lahat para sa akin, kaya sa kanya ako nagtitiwala.” Mabuti ang PANGINOON sa mga nagtitiwalaʼt umaasa sa kanya. Mabuting matiyagang maghintay sa pagliligtas ng PANGINOON. Mabuti para sa isang tao na kahit bata pa ay matuto nang sumunod. Kapag tinuturuan tayo ng PANGINOON, tumahimik tayo at pag-isipan itong mabuti. Magpakumbaba tayo sa harap ng PANGINOON at huwag mawalan ng pag-asa. Kapag sinampal ka sa isang pisngi, ibigay mo pa ang kabila. At tanggapin mo rin ang pangungutya ng iyong mga kaaway. Dahil hindi tayo itatakwil ng Panginoon magpakailanman. Pero kahit nagpaparusa siya, ipinapakita pa rin niya ang kanyang habag at ang napakalakiʼt walang hanggan niyang pag-ibig sa atin. Dahil hindi siya natutuwa na tayoʼy saktan o pahirapan. Ayaw ng Panginoon na apihin ang mga bilanggo, o balewalain ang karapatan ng tao. Ayaw din ng Kataas-taasang Dios na ipagkait ang katarungan sa sinumang tao. Nakikita niya ang lahat ng ito. Walang anumang bagay na nangyayari na hindi pinahihintulutan ng Panginoon. Ang Kataas-taasang Dios ang nagpapasya kung ang isang bagay na mabuti o masama ay mangyayari. Kaya bakit tayo magrereklamo kung pinarurusahan tayo dahil sa ating kasalanan? Ang dapat ay siyasatin natin ang ating pamumuhay at magbalik-loob sa PANGINOON. Buksan natin ang ating mga puso at itaas ang ating mga kamay sa Dios na nasa langit at sabihin: “PANGINOON, nagkasala po kami at naghimagsik sa inyo, at hindi nʼyo kami pinatawad. Nagalit kayo sa amin at inusig kami at walang awang pinatay. Tinakpan nʼyo ng mga ulap ang inyong sarili para hindi nʼyo marinig ang aming mga dalangin. Ginawa nʼyo kaming parang basura sa paningin ng ibaʼt ibang bansa. Kinutya kami ng lahat ng aming mga kaaway.