Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA PANAGHOY 3:22-46

MGA PANAGHOY 3:22-46 ABTAG

Sa mga kaawaan nga ng Panginoon ay hindi tayo nalipol, sapagka't ang kaniyang mga habag ay hindi nauubos. Ang mga yao'y bago tuwing umaga, dakila ang inyong pagtatapat. Ang Panginoon ay aking bahagi, sabi ng aking kaluluwa; kaya't ako'y aasa sa kaniya. Ang Panginoon ay mabuti sa kanila na nangaghihintay sa kaniya, sa kaluluwa na humahanap sa kaniya. Mabuti nga na ang tao ay umasa at maghintay na tahimik sa pagliligtas ng Panginoon. Mabuti nga sa tao na magpasan ng pamatok sa kaniyang kabataan. Maupo siyang magisa at tumahimik, sapagka't kaniyang iniatang sa kaniya. Sumubsob siya sa alabok, kung gayo'y magkakaroon siya ng pagasa. Ibigay niya ang kaniyang pisngi sa sumasakit sa kaniya; mapuspos siya ng kadustaan. Sapagka't ang Panginoon ay hindi magtatakuwil magpakailan man. Sapagka't bagaman siya'y nagpapapanglaw, gayon ma'y magpapakita siya ng habag ayon sa kasaganaan ng kaniyang mga kaawaan. Sapagka't siya'y hindi kusang dumadalamhati, o nagpapapanglaw man sa mga anak ng mga tao. Na yapakan sa ilalim ng paa ang lahat ng bihag sa lupa. Na iliko ang matuwid ng tao sa harap ng mukha ng Kataastaasan, Na iligaw ang tao sa kaniyang usap, hindi kinalulugdan ng Panginoon. Sino siya na nagsasabi, at nangyayari, kung hindi iniuutos ng Panginoon? Hindi baga sa bibig ng Kataastaasan nanggagaling ang masama't mabuti? Bakit dumadaing ang taong may buhay, ang tao dahil sa parusa sa kaniyang mga kasalanan? Ating usisain at suriin ang ating mga lakad, at manumbalik sa Panginoon. Igawad natin ang ating puso sangpu ng ating mga kamay sa Dios sa langit. Kami ay sumalangsang at nanghimagsik; ikaw ay hindi nagpatawad. Tinakpan mo ang iyong sarili ng galit at hinabol mo kami; ikaw ay pumatay, ikaw ay hindi naawa. Tinakpan mo ang iyong sarili ng alapaap, na anopa't hindi makadaan ang anomang panalangin. Iyong ginawa kaming parang tapon at dumi sa gitna ng mga bayan. Ibinukang maluwang ng lahat naming kaaway ang kanilang bibig laban sa amin.