Bibliya Para Sa Mga BataSample
Inihahandog ng Bibliya Para sa mga Bata Ang Langit, ang magandang tahanan ng Diyos
Isinulat ni Edward Duncan Hughes
Habang si Hesus ay nasa lupa, ibinabahagi Niya sa Kanyang mga disipulo ang tungkol sa langit. Tinatawag Niya itong “Tahanan ng Aking Ama”, at sinabi na doon ay may maraming mansion. Ang langit ay malawak at mas maganda kaysa sa ano mang mansion dito sa lupa.
Sinabi ni Hesus, “Ako ay hahayo at maghahanda ng lugar para sa iyo. At kung Ako ay hahayo at maghahanda ng lugar para sa iyo, Ako ay babalik at ikaw ay tatanggapin ko sa Aking sarili.”
Si Hesus ay pumunta nga sa langit, matapos na Siya ay mamatay at mabuhay muli. Habang pinagmamasdan ng kanyang mga alagad, si Hesus ay unti-unting umakyat sa langit hanggang sa Siya ay matakpan ng mga ulap at mawalay sa kanilang paningin.
At simula noon, patuloy na inaalala ng mga Kristyano ang pangako ni Hesus na sila ay kukunin sa Kanyang muling pagbabalik. Sinabi ni Hesus na Siya ay babalik sa panahong hindi inaasahan. Pero paano na yung mga taong namatay bago pa Siya dumating? Sabi ni Hesus sila ay hahayong kasama ni Hesus at makakapiling ang Diyos.
Ang Pahayag, ang huling aklat sa Bibliya, ay nagsasabi kung gaano kaganda ang langit. At ang pinakahanga-hanga ay ito ang tahanan ng Diyos. Ang presensya ng Diyos ay nasa lahat ng dako, subalit ang kanyang trono ay nasa langit.
Ang mga anghel at ibang mga nilalang sa langit ay nagpupuri sa Diyos. Ganoon din ang mga anak ng Diyos na pumanaw at pumaroon sa langit. Sila ay umaawit ng natatanging papuri at pagsamba sa Diyos.
Kabilang sa mga awiting kanilang inaawit ay: IKAW AY NARARAPAT NA PURIHIN SAPAGKAT KAMI AY IYONG TINUBOS NG IYONG DUGO, ANG BAWAT ANGKAN AT BAYAN, AT GINAWA MO KAMING MGA HARI AT MGA SASERDOTE NG DIYOS. (Rev. 5:9-10)
Ang pinakahuling pahina ng Bibliya ay naglalarawan ng langit bilang isang “Bagong Herusalem”. Ito ay malawak at may matataas na mga pader. Ang mga pader ay gawa sa batong jaspe na kasing linaw ng kristal.
At binabalot ng mahahalagang bato ang pinakahaligi na kumikinang sa ganda ng mga kulay. At ang bawat pintuan nito ay gawa sa isang magandang perlas.
Ang mga magagandang pintuang iyon ay hindi kailanman magsasara. Halika tignan natin kung ano ang nasa loob…WOW! Ang langit pala ay lalong mas maganda sa loob. Ang lugar ay gawa sa purong ginto, na kasing linaw ng kristal. Maging ang daan ay gawa sa ginto.
Ang malinaw na tubig ng batis ng buhay ay umaagos galing sa trono ng Diyos. Sa kabilang banda ng batis ay mga Puno ng Buhay, na siyang unang natagpuan sa hardin ng Eden. Ito ay isang katangi-tanging puno na namumunga ng labing dalawang uri ng bunga, isa sa bawat buwan. At ang kanyang mga dahon ay nagpapagaling sa bayan.
Hindi na kailangan ng araw at buwan sa langit para magkaroon ng liwananag. Sapagkat ang kaluwalhatian ng Diyos ang nagbibigay ng kahanga-hangang liwanag. Wala ng gabi at dilim sa Langit.
Maging ang mga hayop sa langit ay hindi karaniwan. Lahat sila ay maaamo at mabait. Mga lobo, mga tupa, sila ay sama-samang kumakain sa damuhan. Maging ang mga mababangis na lion ay kumakain na rin ng dayami katulad ng mga baka. Sabi ng Paginoon, “Sila ay hindi mananakit o maninira sa lahat, at sila ay mananahan dito sa Aking banal na bundok.”
Habang tayo ay namamasyal sa langit, ating mapapansin na may mga bagay na wala roon. Walang kahit anong pangit na salita tayong maririnig. Walang nag-aaway at nagdadamot.
Wala ng susi ang mga pinto, dahil wala ng magnanakaw sa langit, wala nang sinungaling, mamamatay tao, mga mangkukulam, at lahat ng mga taong masasama.
Sa langit, sa piling ng Diyos wala ng luha. Minsan, umiiyak ang mga anak ng Diyos sa matinding kalungkutan sa buhay. Sa langit, papahirin ng Diyos ang lahat ng mga luha.
Maging ang kamatayan ay wala na sa langit. Ang mga anak ng Diyos ay makakasama na Niya magpakailanman. Wala ng kalungkutan, wala ng pag-iyak, wala ng paghihirap.
Wala ng sakit, hindi na magkakahiwalay, wala ng ililibing. Ang lahat ay punong-puno ng kagalakan sa puso sa piling ng Diyos magpakailanman.
At higit sa lahat, ang langit ay para sa mga batang lalaki at babae (maging ang kanilang mga magulang!) na nanampalataya kay Hesus bilang Panginoon at tagapagligtas.
Sa langit, mayroong aklat na tinatawag na “Aklat ng Buhay”. Puno ito ng mga pangalan ng mga tao. Alam mo ba kung kaninong mga pangalan ang nakasulat doon? Lahat ng tao na ibinigay ang kanilang buong pagtitiwala kay Hesus. Naroon kaya ang iyong pangalan?
Ang pinakahuling salaysay sa bibliya patungkol sa langit ay nagsasaad ng napakagandang imbitasyon.
“At ang Espiritu at ang babaeng ikakasal ay nagsasabi, ‘Halika!’ At siya na nakarinig ay magsabing ‘Halika!’ At siya na nauuhaw ay lumapit. Ang sino man ang may nais na kumuha ng tubig ng buhay ay kumuha ng walang bayad.”
Ang Wakas
About this Plan
Paano nagsimula ang lahat ng ito? Saan tayo nanggaling? Bakit may napakaraming paghihirap sa mundo? Mayroon bang pag-asa? Mayroon bang buhay pagkatapos ng kamatayan? Hanapin ang mga sagot habang binabasa mo ang tunay na kasaysayan ng mundo.
More