Bibliya Para Sa Mga BataSample
Inihahandog ng Bibliya Para sa mga Bata Ang Kapanganakan ni Hesus
Isinulat ni Edward Duncan Hughes
Pinapunta ng Diyos ang anghel na si Gabriel kay Maria, isang dalagang Judio.
“Ikaw ay magsisilang ng isang lalaki, at Hesus ang ipapangalan mo sa Kanya. Siya ay tatawaging Anak ng Kataas-taasang Diyos, at maghahari magpakailanman.”
Nagtaka si Maria. Tinanong niya, “Paano ito mangyayari, ako ay walang asawa? Sinabi ng anghel na ang sanggol ay manggagaling sa Diyos.”
At sinabi din ng anghel kay Maria na ang pinsan niyang si Elizabeth ay magkakaanak din kahit siya ay matanda na. Ito rin ay isang mirakulo. Pagkaraan ng pangyayaring ito ay binisita ni Maria si Elizabeth. At pinuri nilang dalawa and Diyos.
Nang malaman ni Jose na buntis si Maria, nabahala at nalungkot siya. Nagisip at nagisip siya dahil alam niyang hindi siya ang ama.
Sa kanyang panaginip sinabi ng anghel ng Diyos, na ang sanggol ay mirakulo ng Espiritu Santo, nanggaling sa Diyos at huwag siyang mabahala.
Naniwala si Jose at sumunod sa kagustuhan ng Diyos. Sumusunod din siya sa batas ng bayan. Kasama si Maria, kailangan nilang pumunta sa Bethlehem para magpatala at magbayad ng buwis.
Inabot ng panganganak sa Bethlehem si Maria. Ngunit walang mahanap na bahay-upahan! Kumatok sila ngunit walang lugar para sa kanila!
Niyaya ni Jose na pumunta na lang sila sa sabsaban ng mga tupa.
May mga pastol na malapit sa sabsaban. Sinabi ng anghel, “May magandang balita. Ipinanganak sa inyo ang isang Tagapagligtas. Siya ang Hesu Kristong Panginoon.”
At dumating pa ang maraming anghel, masaya sila na nagpuri sa Diyos at nagsabi,“Luwalhati sa Diyos na kataastaasan, sa lupa ay kapayapaan, sa mga tao ay kaluguran.”
Nagmadaling pumunta ang mga pastol sa sabsaban at pagkatapos nilang makita ang sanggol ay ipinamalita nila sa lahat ang kanilang nasaksihan.
Pagkalipas ng apatnapung araw, dinala ni Jose at Maria si Hesus sa templo. Nakita ni Simeon ang sanggol at pinuri niya ang Panginoon.
Si Anna, isang matandang lingkod, ay nagpasalamat sa Diyos nang makita ang sanggol na si Hesus.
Narito na ang pangako ng Diyos–si Hesus, ang Anak ng Diyos, na Tagapagligtas.
Makaraan ang ilang araw, may mga “wise men” o pantas na dumating sa Jerusalem mula sa Silangan. Nais nila malaman kung saan makikita ang batang ipinanganak na hari ng mga Judio.
Narinig ito ni Herodes. Naligalig siya at sinabi niya sa mga wise men na kapag natagpuan nila ang sanggol na si Hesus ay sabihin sa kanya at sasamba rin siya. Pero ang totoo ay gusto niyang ipapatay ito.
Huminto ang nangunang bituin na nag-gabay sa mga wise men sa tapat ng bahay na kinaroroonan ni Hesus. Sila ay lumuhod at nagpuri sa Panginoon. Sila ay naghandog ng ginto at mamahaling pabango.
Nang pauwi na sila, binalaanan ng Diyos na mag-iba sila ng daan at huwag bumalik kay Herodes.
Nang malaman ni Herodes na siya ay nalinlang, labis siyang nagalit at pinapatay niya ang lahat ng lalaking sanggol sa Bethlehem at kapaligiran.
Pero hindi masaktan ni Herodes ang Anak ng Diyos. Binalaanan sa panaginip si Jose, na sila ay pumunta, at magtago sa Ehipto.
Nang namatay na si Herodes ay nagbalik sila Jose, Maria at Hesus, at sila ay tumira sa Nazareth, malapit sa dagat ng Galileo.
Ang Wakas
Scripture
About this Plan
Paano nagsimula ang lahat ng ito? Saan tayo nanggaling? Bakit may napakaraming paghihirap sa mundo? Mayroon bang pag-asa? Mayroon bang buhay pagkatapos ng kamatayan? Hanapin ang mga sagot habang binabasa mo ang tunay na kasaysayan ng mundo.
More