Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Set Apart | Isang Biblikal na Pananaw sa KabanalanHalimbawa

Set Apart | Isang Biblikal na Pananaw sa Kabanalan

ARAW 4 NG 5

Ibinukod upang Makapagdisipulo sa Ating mga Komunidad

BASAHIN

Ngayon, narito ang ilan ko pang bilin sa inyong lahat: Dapat magkaisa kayo sa isip at damdamin, at magdamayan. Magmahalan kayo bilang magkakapatid. Maging maunawain at mapagpakumbaba kayo sa isa’t isa. Huwag ninyong gantihan ng masama ang gumagawa sa inyo ng masama, at huwag din ninyong gantihan ng pang-iinsulto ang mga nang-iinsulto sa inyo. Ang dapat ninyong gawin ay manalangin na kaawaan sila ng Diyos, dahil pinili kayo ng Diyos na gawin ito, at para kaawaan din niya kayo. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Ang sinumang nagnanais ng maligaya at masaganang pamumuhay ay hindi dapat magsalita ng masama at kasinungalingan. Dapat lumayo siya sa masama at gawin ang mabuti. Pagsikapan niyang kamtin ang kapayapaan. Sapagkat iniingatan ng Panginoon ang matuwid, at sinasagot niya ang mga panalangin nila, ngunit galit siya sa mga gumagawa ng masama.” . . . Alalahanin n’yo na si Cristo ang dapat ninyong parangalan at sundin. Dapat lagi kayong handang magpaliwanag sa sinumang magtatanong sa inyo tungkol sa pag-asa ninyo.
1 PEDRO 3:8–12, 15

Basahin din ang Marcos 12:30–31; Lucas 6:27–28; Juan 13:34–35; 1 Pedro 3:13–22; 1 Pedro 4:4–11.

PAG-ISIPAN

Sa kanyang sulat, si apostol Pedro ay nagsalita tungkol sa isyu kung paano dapat ang mga simbahan sa Asya Minor ay tumugon sa tumataas na pagpapahirap sa mga Kristiyanong mananampalataya. Ang unang simbahan ay maaaring nag-atubili na abutin ang mga nagpapahirap sa kanila at sabihan ang mga hindi pa nananampalataya tungkol sa kabutihan at kabanalan ng Diyos. Ngunit sila—at tayo—ay hindi dapat umurong sa pagmahal sa mga tao at pagsabi sa kanila tungkol sa magandang balita ng ebanghelyo.

Tulad ng kasabihan na “ang maaasim na salita ay hindi nakakagawa ng kaibigan; ang isang kutsarang pulot ay makakahuli ng mas maraming langaw kaysa sa isang galong suka,” ang mga Kristiyano ay makakaugnay sa iba gamit ang pag-ibig higit pa sa alitan, o kagalakan higit pa sa pakikipagdebate, at grasya higit pa sa relihiyon. Sa kabaitan, kabutihan, pasensiya, at respeto, may mas malaking posibilidad na mas gustuhing makinig ng mga tao sa ebanghelyo ni Cristo. Ang pag-ibig ng Diyos ay dapat makita sa kung paano natin pakitunguhan at tratuhin ang iba. Higit pa riyan, ang paraan ng ating pamumuhay ay nagsasalamin sa ating ugnayan kay Jesus.

Sa ikalawang siglo AD, si Tertullian na isang sinaunang ama ng simbahan ay nagsabi na ang pamahalaang Romano ay nagdududa sa mga simbahang Kristiyano at kung paano sila lumalago. Nagpadala pa sila ng mga espiya sa simbahan upang makita kung ano ang nangyayari. May isang espiya na nag-ulat: “Ang mga Kristiyanong ito ay kataka-taka. Nagtitipon-tipon sila sa isang kuwarto na walang laman upang sumamba. Wala silang imahe. May sinasabi silang isa na ang pangalan ay Jesus, na wala naman doon, pero mukang inaasahan nilang dumating anumang oras. At sa totoo lang, mahal na mahal nila Siya at mahal din nila ang isa’t isa.”

Sa ating mga komunidad, ang mga tagasunod ni Jesus ay nakabukod upang isalamin ang Diyos, ipahayag ang ebanghelyo, at ipakita ang Kanyang pagmamahal. Inuutusan tayo ni Jesus na mahalin ang ating mga kapitbahay at kaaway. Sinabi Niya na malalaman ng mga tao na tayo ay Kanyang mga disipulo kung mahal natin ang isa’t isa. Ang pagmamahal ng Diyos ay para sa atin at ating mga kamaganak, kapitbahay, kaklase, katrabaho, kaibigan, at kahit sa ating mga kaaway at mga taong malayo sa Diyos. Ang gagawin lamang natin ay ang sundin Siya, matapat na lumakbay kasama Siya, at ihayag Siya.

TUMUGON

  • Pag-isipan ang iyong buhay. Sa tingin mo ba, ang iyong mga salita at kilos ay parang isang galon ng suka o isang kutsarang pulot? Ano sa tingin mo ang ginagawa ng Diyos sa iyong buhay upang bumalik ang mga tao papunta sa Kanya?
  • Pangalanan ang mga grupo na naiimpluwensyahan mo. Paano mo kaya maisusulong ang kaharian ng Diyos sa iyong komunidad?

HAKBANG NG PANANAMPALATAYA

Itanong sa Diyos at sa ilang mga kaibigan mo sa iglesya kung paano mo maisasalamin ang pag-ibig ng Diyos at kung paano ka magiging isang biyaya sa iyong komunidad.

MANALANGIN

Jesus, walang anumang salita ang makapagpapahayag ng aking pasasalamat sa Inyo dahil tinanggap at minahal Ninyo ang isang makasalanang tulad ko. Tulungan Ninyo akong maisalamin ang Inyong kabutihan at katapatan sa mga taong nakapaligid sa akin. Ipakita Ninyo sa akin kung ano ang dapat magbago sa akin, at kung ano ang dapat manatili sa aking mga pamamaraan, upang ang iba ay makarinig at tumugon sa magandang balita ng ebanghelyo. Panatilihin Ninyo ako sa hakbang na kasabay ang Inyong Espiritu at bigyan Ninyo ako ng tapang na tumugon nang tuwid habang binubuksan Ninyo ang mga pintuan sa aking komunidad upang makapagpahayag ako ng ebanghelyo at makapagdisipulo. Nawa’y umapaw ang Inyong pagmamahal sa akin upang ito’y umapaw rin sa iba. Amen.

Araw 3Araw 5

Tungkol sa Gabay na ito

Set Apart | Isang Biblikal na Pananaw sa Kabanalan

Sa simula at kalagitnaan ng taon, nagsasama-sama tayo sa pananalangin at pag-aayuno upang mas makilala ang Diyos. Tinawag tayo upang maibukod para sa Kanya. Kabilang dito ang lahat ng ginagawa natin, at nakikita ito sa pagbibigay-karangalan sa Kanya at sa pagdidisipulo sa mga campus, komunidad, at lahat ng bayan. Sama-sama nating ipahayag at ipamuhay ang buhay na may kabanalan kung saan nasa sentro si Jesu-Cristo.

More

Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://www.everynation.org.ph/