Set Apart | Isang Biblikal na Pananaw sa KabanalanHalimbawa
Ibinukod para sa Karangalan ng Diyos
BASAHIN
May mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na dumating galing sa Jerusalem at nagtipon sa paligid ni Jesus. Napansin nila na ang ilan sa mga tagasunod ni Jesus ay hindi naghugas ng kamay bago kumain. Ang mga Judio, lalo na ang mga Pariseo ay hindi kumakain nang hindi muna naghuhugas ng kamay bilang pagsunod sa tradisyon ng kanilang mga ninuno. Hindi rin sila kumakain ng anumang nabili sa palengke nang hindi muna nila ginagawa ang ritwal ng paglilinis. Marami pa silang mga tradisyong tulad nito, gaya ng paghuhugas ng mga kopa, pitsel at lutuang tanso. Kaya tinanong siya ng mga Pariseo at ng mga tagapagturo ng Kautusan, “Bakit hindi sinusunod ng mga tagasunod mo ang mga tradisyon ng ating mga ninuno? Hindi sila naghuhugas ng kamay bago kumain!” Sinagot sila ni Jesus, “Tamang- tama ang sinabi ni Isaias tungkol sa inyo na mga pakitang-tao. Ayon sa isinulat niya, sinabi ng Diyos na, ‘Iginagalang ako ng mga taong ito sa mga labi lang nila, ngunit malayo sa akin ang kanilang mga puso Walang kabuluhan ang kanilang pagsamba sa akin dahil ang mga itinuturo nila ay mga utos lang ng tao.’ Sinusuway ninyo ang utos ng Diyos, at ang sinusunod ay mga tradisyon ng tao.”
MARCOS 7:1–8
Basahin din ang Leviticus 11:44–45; Isaias 29:13; Juan 4:23; Colosas 3:17.
PAG-ISIPAN
Ibig sabihin ng pagkakabukod ay ang pagiging iba o hindi karaniwan. Kadalasan ay may iba’t ibang dahilan, pagganyak o motibasyon, at pananaw ang mga tao sa pagiging nakabukod. Maaaring ang iba ay gustong mangibabaw sa ibang tao at makilala na pinakamagaling sa isang larangan o karera habang ang iba naman ay gustong makilala bilang kakaiba.
Bilang mga nananampalataya, ang ating pangunahing layunin at pagganyak upang maging nakabukod ay ang bigyang-karangalan ang Diyos sa ating mga buhay. Ang ibig sabihin ng pagbibigay karangalan o kaluwalhatian ay ang pagbibigay ng kahalagahan at kabigatan sa isang bagay o tao. Ang ibig sabihin ng pagbibigay karangalan sa Diyos ay ang pagbibigay halaga at paggalang sa Diyos sa bawat aspeto at bahagi ng ating mga buhay. Dahil banal ang Diyos, gusto Niya tayong maging banal at itinalaga para sa Kanya (Leviticus 11:44).
Paano tayo naibubukod para sa karangalan ng Diyos? Sa Marcos 7, tinanong ng mga Pariseo si Jesus upang bitagin Siya. Galing sa sagot ni Jesus ay nabibigyan tayo ng ideya kung ano ang tunay na kahulugan ng pagbibigay-karangalan sa Diyos. Sinabihan sila ni Jesus na sinusubukan ng mga tao na bigyang-karangalan ang Diyos sa kanilang mga salita ngunit hindi gamit ang kanilang mga puso. Sumusubok silang magbigay ng karangalan sa Diyos gamit ang mga salita lamang ngunit malayo naman ang kanilang mga puso sa Kanya. Upang tunay na mabigyang-karangalan ang Diyos, dapat ay buong-puso natin Siyang hangarin at ang kalooban Niya para sa atin. Dapat ay hangarin natin na magkaroon tayo ng tunay, malapit, at intensyunal na ugnayan sa Kanya.
Dagdag pa rito, sinabihan sila ni Jesus na walang kabuluhan ang pagsamba ng mga tao sa Diyos at gumagawa lamang sila ng mga ritwal na walang laman at walang katapatan na pagtangka na sundin ang batas. Habang may halaga naman ang mga ritwal na ito at mga nakagawian, pinalampas ng mga Pariseo ang importansya at puso na nasa likod ng lahat: ang bigyan ng karangalan at luwalhati ang Diyos. Nabibigyan natin ng karangalan ang Diyos sa ating mga salita at kilos kapag sumamba tayo sa Kanya sa espiritu at katotohanan habang kinikilala natin kung sino talaga Siya (Juan 4:23). Sinasamba rin natin ang Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga utos. Hindi tayo namumuhay para sa tao kundi para sa Diyos. Ang lahat ng ating gawain ay ginagawa natin upang bigyan ng karangalan ang Diyos at sundin Siya sa paggawa natin ng mga disipulo sa ating mga paaralan, sa ating komunidad, at sa bawat bansa.
TUMUGON
- Ikaw ba ay nasa tamang ugnayan sa Diyos? Anong mga bahagi ng iyong buhay ang kailangang maihanay sa Kanyang salita at maisabuhay para sa Kanyang karangalan?
- Maglaan ng panahon upang suriin ang mga motibasyon ng iyong puso. Bakit mo nga ba ginagawa ang mga gawain mo? Masasabi mo bang para lang ito sa pagtupad ng mga pansariling kagustuhan o upang mabigyan ng karangalan ang Diyos?
HAKBANG NG PANANAMPALATAYA
Isuko mo ang mga bahagi ng iyong buhay na sa ngayon ay hindi nagbibigay ng karangalan sa Kanya. Hilingin na gumalaw Siya sa buhay mo at manalig ka na gagalaw ang Diyos sa pamamagitan mo.
MANALANGIN
Hinihiling namin sa Inyo, Banal na Espiritu, na ituro Ninyo sa amin ang mga bahagi ng aming mga puso na kailangang isuko sa Inyo. Nawa’y magkaroon kami ng mas malalim na pag-unawa sa Inyong salita upang masunod at mabigyan Kayo ng karangalan sa lahat. Nananalangin kami na ang aming mga puso ay magkaroon ng malalim na ugnayan sa Inyo habang lumalago kami sa aming relasyon sa Inyo. Nawa’y mahanap namin Kayo sa bawat araw at maisalamin namin ang Inyong buhay at grasya sa lahat ng aming makakatagpo. Sa Ngalan ni Jesus, amen.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Sa simula at kalagitnaan ng taon, nagsasama-sama tayo sa pananalangin at pag-aayuno upang mas makilala ang Diyos. Tinawag tayo upang maibukod para sa Kanya. Kabilang dito ang lahat ng ginagawa natin, at nakikita ito sa pagbibigay-karangalan sa Kanya at sa pagdidisipulo sa mga campus, komunidad, at lahat ng bayan. Sama-sama nating ipahayag at ipamuhay ang buhay na may kabanalan kung saan nasa sentro si Jesu-Cristo.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://www.everynation.org.ph/