Set Apart | Isang Biblikal na Pananaw sa KabanalanHalimbawa
Ibinukod ng Diyos
BASAHIN
“Kayo’y magpakabanal dahil ako, ang PANGINOON ay banal. At kayo’y hinirang ko mula sa ibang mga bansa para maging akin.”
LEVITICUS 20:26
Basahin din ang Deuteronomio 4:5–8; Salmo 24:1; Zacarias 8:23.
PAG-ISIPAN
Ang tema ng 2024 para sa Every Nation ay kabanalan. Noong Enero ay pinag-isipan natin ang panawagan tungo sa kabanalan. Sa debosyonal na ito, patuloy tayong mag-iisip kung ano ang ibig sabihin nito para sa atin sa mga kanya-kanya nating buhay, pamilya, pati na rin sa ating simbahan, sa ating mga paaralan at sa ating mga komunidad. Habang ipinagdiriwang natin ang katapatan ng Diyos sa atin at sa ating simbahan ngayong taon, alalahanin natin na ang katapatang ito ay tumagal sa lahat ng mga henerasyon. Bilang tugon, ang tangi nating nais ay mabigyan Siya ng karangalan sa bawat bansa.
Ngayon ay magsisimula tayo sa pag-unawa na tinawag tayo ng Diyos upang maging banal o nakabukod. Ito ay interesante dahil maraming katangian ang Diyos na Siya lang ang mayroon at hindi maaaring ibahagi sa ibang tao. Ang Diyos ay bukod na makapangyarihan, nakakaalam ng lahat, at hindi nagbabago. Ngunit hindi Niya kailanman sinabi sa atin na, “Maging makapangyarihan kayo dahil Ako ay bukod na makapangyarihan” o “Huwag kayong magbabago dahil Ako ay hindi kailanman nagbabago.” Ngunit sinasabi Niya na “Maging banal kayo dahil Ako ay banal.” Ibig sabihin nito ay ang kabanalan ay isang katangian ng Diyos na maaaring ibahagi sa ibang tao. Ito ay isang katotohanan na pinagtibay sa parehong Luma at Bagong Tipan.
Karamihan sa atin ay iniuugnay ang kabanalan sa katinuan at maging sa kakatwaan. Maaaring iniisip natin na ang mga banal na tao ay kakaiba at kakatwang mga indibidwal na maaaring naninirahan sa isang lugar sa disyerto, sa isang lilib na lugar na malayo sa mundo bilang mga “banal na tao.” Ngunit ano nga ba ang ibig sabihin ng Diyos nang sinabi Niyang, “Maging banal kayo dahil Ako ay banal?”
Ang panimulang kahulugan ng banal ay ang pagiging nakahiwalay o nakabukod. Ang pagkakabukod na ito ay may dalawang pananaw: ang pagiging nakabukod sa isang bagay at pagkakahiwalay tungo sa ibang direksyon.
Sa unang pananaw, ibig sabihin nito ay pagkakabukod sa mga nakapaligid sa atin. Kung tungkol ito sa Diyos, ibig sabihin ng kabanalan ay nakabukod na Siya sa kalidad ng Kanyang mga nilikha. Hindi Siya kabahagi nito at ang mga katangian Niya ay malayo sa Kanyang mga nilikha. Kapag nanawagan Siya sa Kanyang mga tao na maging banal, ito ay isang panawagan na maging nakabukod tayo sa pagkatao, pag-uugali, at pamumuhay sa mga nakapalibot na bansang sumasamba sa mga huwad na diyos. Ito ay upang maisalamin Siya ng bayan ng Diyos at maging ilaw tayo sa mga nakapaligid sa atin at mapangunahan natin ang iba na sambahin Siya.
Nagiging posible ang pagkakabukod natin sa mga kaparaanan ng mundo kapag naintindihan natin ang tawag na maging nakahiwalay upang maisakatuparan ang layunin ng Diyos, na siyang pangalawang pananaw ng pagiging banal. Ang pagiging nakabukod para sa Diyos ay nangangahulugan na tayo ay sa Kanya lamang. Tinawag tayo na magkaroon ng tapat na relasyon sa Kanya at mamuhay na para sa Kanya lamang. Kapag nakikita natin ang ating mga sarili na pagmamay-ari lamang ng Diyos (at hindi ng ating sarili), ang ating mga pag-iisip, mga salita, at mga kilos ay nababago upang mas maisalamin pa Siya.
TUMUGON
- Sa anong mga paraan mo naisasalamin ang pagkatao ng Diyos sa mga taong nakapaligid sa ‘yo? Anong mga pag-iisip, ugali, at kilos ang kailangan mong isuko sa Panginoon ngayon?
- Paano nababago ng ideya na ikaw ay espesyal na pagmamay-ari ng Diyos ang paraan ng pagtingin mo sa sarili? Paano ka nito natutulungan na malampasan ang mga kahirapan at pagsubok sa buhay mo?
HAKBANG NG PANANAMPALATAYA
Pag-isipan ang kabutihan at katapatan ng Diyos sa atin bilang iglesya. Tandaan kung ano ang Kanyang mga nagawa at ipakita ang iyong pagpapasalamat para sa Kanyang mga plano at layunin para sa atin habang patuloy tayong nagbibigay karangalan sa Kanya at nagdidisipulo.
MANALANGIN
Ama sa Langit, salamat sa pagpili sa akin na maging Inyong anak, isang sisidlan ng Inyong kabaitan, at bahagi ng Inyong kaharian. Kung malayo ako sa Inyo, hindi ako magiging banal. Hindi ako karapat-dapat ngunit sinagip Ninyo ako at ibinukod para sa Inyong layunin. Nawa’y gabayan ako ng Inyong Espiritu at pangunahan ako tungo sa lahat ng katotohanan habang binibigyan ako ng karunungan, pag-asa, at kapayapaan. Nawa’y lahat ng aking gagawin ngayon at sa araw-araw ay magbigay papuri sa Inyo. Sa Ngalan ni Jesus, amen.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Sa simula at kalagitnaan ng taon, nagsasama-sama tayo sa pananalangin at pag-aayuno upang mas makilala ang Diyos. Tinawag tayo upang maibukod para sa Kanya. Kabilang dito ang lahat ng ginagawa natin, at nakikita ito sa pagbibigay-karangalan sa Kanya at sa pagdidisipulo sa mga campus, komunidad, at lahat ng bayan. Sama-sama nating ipahayag at ipamuhay ang buhay na may kabanalan kung saan nasa sentro si Jesu-Cristo.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://www.everynation.org.ph/