Set Apart | Isang Biblikal na Pananaw sa KabanalanHalimbawa
Ibinukod upang Makapagdisipulo sa Ating mga Paaralan
BASAHIN
“Ituro ninyo ito sa inyong mga anak. Pag-usapan ninyo ito kapag kayo’y nasa inyong mga bahay at kapag naglalakad, kapag nakahiga, at kapag babangon kayo. Itali ninyo ito sa inyong mga braso o ilagay sa inyong mga noo bilang paalala sa inyo. Isulat ninyo ito sa mga hamba ng inyong bahay at sa bukana ng pintuan ng inyong mga lungsod.”
DEUTERONOMIO 6:7–9
Nang mamatay ang mga tao sa henerasyong iyon, ang sumunod na salinlahi ay hindi nakikilala ang PANGINOON, maging ang mga ginawa niya para sa Israel.
HUKOM 2:10
PAG-ISIPAN
Bilang bayan na pinili ng Diyos—isang maharlikang pagkapari at isang banal na bansa (1 Pedro 2:9)—tayo ay ibinukod para sa Kanya. Ang pahayag na ito ng pananampalataya ay hindi lang para sa ngayon kundi isang bagay na ating hinahangad na yakapin ng bayan ng Diyos para sa mga parating na henerasyon. Ang pagpasa ng katotohanang ito nang matapat at masigasig sa susunod na henerasyon ay nangangailangan ng makabuluhan at tapat na pagkilos galing sa kasalukuyang henerasyon.
Kahit sa panahon pa ni Moises ay hinihikayat na ang mga magulang na turuan ang kanilang mga anak tungkol sa Diyos tulad ng makikita sa Deuteronomio 6:7–9. Kasama rito ang pangunahing panalangin ng Shema na kinikilala bilang araw-araw na paghayag ng pananampalataya ng mga Hudyo sa parehong ritwal sa umaga at gabi. Ang gawaing ito sa loob ng mga pamilya at komunidad ay may layunin dahil ganito kung paanong ang tuloy-tuloy at sadyang pagdidisipulo ay binibigyang-diin galing sa isang henerasyon tungo sa isa. Ngunit sa pagdaan ng mga taon, maaaring nabigo sila na ipasa ang kaalaman ng pagkatao at mga ginawa ng Diyos.
Ang mga tribo ng Israel ay nakagawa ng malaking pagkakasala nang hindi nila ganap na sinunod ang Diyos. Ang pagkakamaling ito ay nagbunga ng isang bagong henerasyon tulad ng nabanggit sa Hukom 2:10 na nagtakwil sa Panginoon at sumamba sa mga huwad na diyos ng mga taong nakapaligid sa kanila (Hukom 2:12). Sa pagbabagong ito ay nawalan sila ng pananaw sa Diyos at sa kanilang sariling pagkakilanlan na maaaring nagdala sa kanila sa mga kalagayan na may kompromiso.
Habang hindi man tayo ligtas sa mga parehong kabiguan, mayroon tayong kakayahang maiwasan ang mga ito sa ating mga pamilya, mga buhay, at sa loob ng ating simbahan. Pwede nating ipasa ang kaalaman ng kung sino ang Diyos at kung ano ang mga ginawa Niya sa loob, para sa, at sa pamamagitan natin sa susunod na henerasyon. Bilang isang simbahan, daladala natin ang responsibilidad na sakop ang maraming henerasyon na ipasa ang gabilya o baton—ang mensahe ng ebanghelyo. Dapat ay gumawa tayo ng mga disipulo sa ating mga tahanan, mga paaralan, at kung saan man naroon ang mga kabataan. Ang mga magulang ay mayroong susunod na henerasyon sa kanilang mga tahanan, ang mga guro ay mayroon sa kanilang mga silid-aralan, at lahat tayo ay may mga kamag-anak at mga batang kaibigan na pwede nating abutin. Ang pag-abot sa kanila sa murang edad sa pamamagitan ng pagdidisipulo na may kasamang ugnayan at mga ugnayan na sakop ang maraming henerasyon ay ilan sa mga dahilan kung bakit pinipili ng mga kabataan na manatili sa simbahan.
Dinidibdib natin ang panawagan na alagaan ang susunod na henerasyon at turuan sila na harapin ang kanilang mga laban. Ang gawain ng Diyos sa ating simbahan ay hindi lamang para sa kasalukuyang henerasyon. Maging masipag tayo sa pagtuturo ng mga Kasulatan, pagbibigay ng malinaw na tuntunin, pagbabahagi ng kaalaman, at pagsasalamin ng pagmamahal at katotohanan ng Diyos sa susunod na henerasyon. Habang pinapaalala natin sa kanila ang matatag na pag-ibig at hindi nagbabagong katapatan ng Diyos, nawa’y patuloy na sumulong ang Kanyang kaharian sa atin at sa pamamagitan natin sa susunod na apatnapung taon at sa susunod pa, galing sa isang henerasyon hanggang sa susunod na henerasyon.
TUMUGON
- Ngayong taon, paano naging mabuti at tapat ang Diyos sa ’yo? Paano Siya naging tapat sa iyong pamilya? Paano Siya naging tapat sa iyong lokal na iglesya at sa mas dakilang katawan ni Cristo?
- Simula sa iyong pamilya at sa mga nakakahalubilo mo, maaari mo bang maipasa sa susunod na henerasyon ang mensahe ng ebanghelyo?
HAKBANG NG PANANAMPALATAYA
Mag-isip ng isang paaralan na malapit sa iyong puso. Planuhin mo na laging magdasal para sa mga mag-aaral, mga guro, at mga nagtatrabaho sa paaralan na ito.
MANALANGIN
Panginoon, lumalapit kami sa Inyo na may pasasalamat sa puso. Naaalala namin ang Inyong kadakilaan at ang hindi mabilang na paraan kung saan ipinakita Ninyo ang Inyong matatag na pagmamahal. Nawa’y patuloy naming ibahagi ang Inyong pagmamahal at ang Inyong salita sa susunod na henerasyon, upang mas makilala nila Kayo at sumunod sila sa Inyo. Tulungan Ninyo kaming makapagdisipulo ng mga kabataan nang may taus-pusong pagmamahal at grasya. Nawa’y magkaroon sila ng lumalagong ugnayan sa Inyo at sa Inyong mamamayan, at nawa’y maakay nila ang mas marami pang tao palapit sa Inyo... sa Ngalan ni Jesus, amen.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Sa simula at kalagitnaan ng taon, nagsasama-sama tayo sa pananalangin at pag-aayuno upang mas makilala ang Diyos. Tinawag tayo upang maibukod para sa Kanya. Kabilang dito ang lahat ng ginagawa natin, at nakikita ito sa pagbibigay-karangalan sa Kanya at sa pagdidisipulo sa mga campus, komunidad, at lahat ng bayan. Sama-sama nating ipahayag at ipamuhay ang buhay na may kabanalan kung saan nasa sentro si Jesu-Cristo.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://www.everynation.org.ph/