Hindi Ka Pa TaposHalimbawa

Tumuon sa Iyong Bakit
Si Kylie ang aking pinakamatagal at pinakamamahal na kaibigan, at tulad ng napakarami sa aking mga kaibigan, madalas siyang tumatakbo sa mga marathon. Para nga akong nakikilahok sa pamamagitan nila, ngunit tila napakarami ko nang mga kaibigang nakakagiliwan ang pagtakbo ng mahahabang distansiya. Isang bagay na gustong-gusto ko kay Kylie ay na sinusunod niya ang kaparehong ritwal sa bawat marathon na salihan niya. Sandaling iputok ang baril na hudyat ng pagsisimula ng karera, sinasabi niya nang malakas ang, “Kylie, ang kailangan mo lang gawin ay matapos.”
Sa kabuuan ng karera, sinasabi niya ito sa kanyang sarili nang hindi kukulang sa sandaang beses. Hindi niya sinusubukang talunin ang lahat, hindi niya ikinukumpara ang kanyang tulin sa bilis ng lahat ng iba sa karera, basta lang itinatakda niya ang kanyang tiyempo at itinatakbo ang kanyang karera. At pinakamahalaga, nais niyang makarating sa dulo ng takbuhan.
Napakagandang aral nito para sa ating lahat. Kung ang ating inaasinta ay ang maiayon at mabago upang maging tulad ni Jesus, nangangahulugan itong ang pagiging mas tulad ni Jesus ang ating layunin. Ang pagtakbo sa ating karera, sa paraang nais ni Jesus na itakbo natin ito, ang ating layunin. Samakatuwid, hindi tayo naririto upang talunin ang sinuman; hindi tayo naririto upang maging mas magaling kaninuman; talagang pinagbubuti natin upang maging mas tulad ni Jesus.
Kung sakaling di-sinasadyang malihis ang ating mga mata mula sa pinakadakilang gantimpala—si Jesus—mapupunta ang ating mga mata sa mga ibang bagay tulad ng mga tao, katayuan sa buhay, at pagpapaligaya sa sarili, at mawawala tayo sa balanse at sa karerahan. Kung ililihis natin ang ating mga mata mula sa layunin, posible tayong magkaroon ng mentalidad na mabagal ang usad ng mga bagay. Na hindi tayo ginagantimpalaan o ang tagal bago tayo kinikilala. At baka di-sadyang maalis natin ang ating sarili sa at iwan ang ating layunin.
Sa totoo lang, sa ilang pinakamatitinding pagsubok sa aking buhay at pinakamahihirap na panahon sa ministeryo—sa mga panahong nasumpungan ko ang sariling nag-iisip ng, Bakit ko ginagawa ito? at may dalawampung lehitimong dahilang sumuko—kinailangang kong ibalik ang aking pagkakatuon sa pinakadakilang layunin ng kung kailan at bakit ako tinawag ng Diyos. Iyan ang nagbigay sa akin ng lakas ng loob sa aking pinakamadidilim na oras. Ang bakit ang nagpapanatili sa akin sa takbuhan kapag ang paano ay parang walang katuturan.
Maaaring ganito ang iyong binubuno ngayon. Maaaring bahagi ng kasagutan ay ang tumuon muli sa iyong bakit. Higit pang bahagi ng kasagutan ay maaaring ang huwag malihis tungo sa mga pansamantalang bagay na tutugon sa ating mga kasalukuyang kagustuhan, nang matapos natin ang tungkulin at gawaing ibinigay sa atin at makamtan ang ating gantimpala. Ituon nating muli ang ating mga mata at puso at kaisipan kay Jesus. Gawin nating layunin ang matapos ang ating tungkulin at gawaing ibinigay sa atin at ministeryong tinanggap mula kay Jesus, tulad ng isinulat ni Lucas, nang maipahayag natin ang Magandang Balita tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos para sa tao.
Panalangin
Jesus, ang aking layunin ay ang matapos ang tungkulin at gawain at ministeryong tinanggap ko mula sa Iyo. Mangyaring tulungan akong maabot ang layuning ito. Tulungan akong ituon ang aking mga mata sa Iyo, ang pinakadakilang gantimpala. Sa Iyong pangalan, amen.
Ituloy ang Lakbayin
Ang babasahing gabay na ito ay hango saYou're Not Finished Yet ni Christine Caine. Basahin ang higit pa sa ChristineCaine.com/Devo
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito

Mayroon ka ba ng kinakailangan para sa pangmatagalan? Na lumakad sa iyong layunin nang malayuan? Ang kalagitnaan ng anumang gawain—sa karera, mga relasyon, ministeryo, kalusugan—ang kadalasang panahong pinanghihinaan tayo ng katatagan at katiyagaan dahil ang mga kalagitnaang panahong iyon ay kadalasang magulo at mahirap. Sa 5 araw na gabay na ito, pinaaalalahanan tayo ni Christine Caine na kaya nating sumulong nang pangmatagalan - hindi dahil taglay natin ang lakas kundi dahil taglay ito ng Diyos.
More