Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Hindi Ka Pa TaposHalimbawa

You're Not Finished Yet

ARAW 1 NG 5

Pananampalataya para sa Kalagitnaan

Alam ba ninyo na kapag nag-eensayo ang mga seryosong mananakbo para sa karera, nag-eensayo sila para sa kalagitnaan? Madali namang makita, ang kalagitnaan ng anumang karera ang pinakamahirap na bahagi. Ito ang panahong nagsisimula nang maubusan ang mananakbo ng enerhiya, lakas, at kaliwanagan ng isip na magpatuloy. Siya man ay lalaki o babaeng mananakbong pabilisan o mananakbong pangmahabaan, kung hindi sila makakatawid sa kalagitnaan, hindi sila makakalampas sa dulo ng takbuhan. Napakasimpleng pakinggan, ngunit kinakailangan ng estratehikong pagsasanay upang makapagtagumpay.

Mula sa espirituwal na perspektibo, hindi ba't ang kalagitnaan ang ating pinagsasanayan nang malaking bahagi ng ating buhay? Ganito mo isipin: ipinapanganak tayo isang araw, sa espirituwal na pananalita, at matapos ay magpapasimula na tayo sa paligsahang ito, na ating paglalakbay kay Cristo sa mundong ito, at ang lahat ng ito ay sa pag-asam na makatawid tayo sa dulo ng takbuhan balang araw at marinig na magaling nating naitakbo ang ating paligsahan.1 Maaaring tila napakasimpleng pakinggan, ngunit iyan ay makatotohanang buod ng ating buhay, hindi ba?

Balang araw, kapag natapos ko na ang paligsahan, nais kong masabi tulad ni Pablo ang, “Pinagbuti ko ang aking pakikipaglaban, natapos ko na ang dapat kong takbuhin, at nanatili akong tapat sa pananampalataya.” (2 Timoteo 4:7), ngunit para magawa ko iyan, kailangan ko munang makatawid sa kalagitnaan.

Upang makatawid sa kalagitnaan—ng lahat ng bagay—kailangan mo ng pagtitiis. Sinulat ng may-akda ng Mga Hebreo, “Kinakailangang kayo'y magtiis upang masunod ninyo ang kalooban ng Diyos at matanggap ninyo ang kanyang ipinangako” (Mga Hebreo 10:36, RTPV05).

Ang pormal na kahulugan ng pagtitiis ay “ang abilidad o lakas na magpatuloy sa kabila ng kapaguran, istress o mahihirap na kalagayan.”2 Ito ang kapasidad na makayanan ang malulubhang sitwasyon. Ang lakas na matagalan ang sakit o mga paghihirap. Ito ay determinasyon na may pag-asam na nagtitiyaga hanggang sa dulo. Sa orihinal na wikang Griego ng Bagong Tipan, ito ay hupomone, isang tambalang salita na ang ibig sabihin ay “manatili sa ilalim.”3 Ito ay isang katangiang nabubuo sa pamamagitan ng pananatili sa ilalim ng panggigipit—isang bagay na likas nating nais takbuhan—at tila tinatamaan tayo nito nang pinakamatindi sa kalagitnaan.

Sa kalagitnaan ng ating mga pagkakaibigan.

Sa kalagitnaan ng ating mga relasyon sa pagliligawan.

Sa kalagitnaan ng ating mga buhay mag-asawa.

Sa kalagitnaan ng ating pagmamagulang.

Sa kalagitnaan ng ating edukasyon.

Sa kalagitnaan ng pagtatatag ng ating mga karera.

Sa kalagitnaan ng isang sakit.

Sa kalagitnaan ng isang kaso sa korte.

Sa kalagitnaan ng isang pandemiko.

Sa kalagitnaan ng isang transisyon.

Sa kalagitnaan ng isang bagay na minimithi at ipinapanalangin nating mangyari.

Sa kalagitnaan ng paghihintay ng mga kasagutan.

Sa kalagitnaan ng anumang bagay ay kung saan pinakanakakapagod, pinakamahirap, at lubos na nakapanlulupaypay. Dito tayo pinakanasusubok, hindi ba? Dito natin pinakaninanais na sumuko na lang.

Ngunit kung magpapalakas tayo sa pagtitiis, iyang lakas na sinasabi ng may-akda ng Mga Hebreo na kakailanganin natin, kung sasanayin natin ang ating mga sarili gamit ang Salita ng Diyos, at sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu, tataglayin natin ang anumang kakailanganin natin upang malampasan ang kalagitnaan. At hindi lang isang kalagitnaan, kundi bawat kalagitnaang mapagdaraanan natin sa buhay.

Panalangin

Ama sa Langit, mangyaring tulungan kaming magtiis habang kaming lahat ay dumaraan sa kalagitnaan ng anumang mapagdaraanan namin. Tulungan kaming maitakbo nang mabuti ang aming paligsahan, nang sa gayon kapag nasunod namin ang kalooban ng Diyos, matanggap namin ang ipinangako. Sa pangalan ni Jesus, amen.

Mga Sanggunian:
1. Mga Hebreo 10:36, ESV
2. Merriam-Webster, s.v. “endurance,” https://www.merriam-webster.com/dictionary/endurance.
3. J. Strong, A Concise Dictionary of the Words in the Greek Testament and the Hebrew Bible (Bellingham, WA: Logos Bible Software, 2009), 1:74.

Araw 2

Tungkol sa Gabay na ito

You're Not Finished Yet

Mayroon ka ba ng kinakailangan para sa pangmatagalan? Na lumakad sa iyong layunin nang malayuan? Ang kalagitnaan ng anumang gawain—sa karera, mga relasyon, ministeryo, kalusugan—ang kadalasang panahong pinanghihinaan tayo ng katatagan at katiyagaan dahil ang mga kalagitnaang panahong iyon ay kadalasang magulo at mahirap. Sa 5 araw na gabay na ito, pinaaalalahanan tayo ni Christine Caine na kaya nating sumulong nang pangmatagalan - hindi dahil taglay natin ang lakas kundi dahil taglay ito ng Diyos.

More

Nais naming pasalamatan si Christine Caine - A21, Propel, CCM sa pagbahagi ng gabay na ito. Para sa karagdagang kaalaman, bisitahin ang: https://www.christinecaine.com