Hindi Ka Pa TaposHalimbawa

Kasintiyak ng Tagtanim at Tag-ani
Mayroon ka bang isang pangarap? Isang ideya? Isang pananabik na gawin ang isang bagay na hindi mawala-wala na alam mong inilagay ng Diyos sa puso mo? Kapag binigyan tayo ng Diyos ng isang pangarap, pinapatawag Niya ang inilagay Niya sa loob natin bago pa man tayo ipinanganak. Puno tayo ng potensyal para sa Kanyang mga plano at layunin sa ating buhay. Gayunpaman, nasa sa atin ang pagdidilig ng binhi ng potensyal na iyan, na ingatan ang lupa ng ating mga puso, na pagyamanin ang lahat ng inilagay ng Diyos sa atin.
Ganito mo isipin: Binigyan ng Diyos ang mga puno ng abilidad na magparami sa pamamagitan ng kanilang binhi. Kung nagawa mo nang himayin ang isang kono ng pino, makikita mo ang maliliit na binhi, na ang bawat isa ay may isang “pakpak” na nakadugtong dito. Iyan ay upang mahagip ng hangin ang binhi at dalhin kung saan ito maaaring mahulog sa lupa at mag-ugat. Sa tamang lupa, sa tamang kapaligiran, ang binhing iyan ay sisibol at lalaking isang bago at ganap na puno. Ang ganap na puno ay dati pang naroon sa binhi, ngunit walang nakakakita nito hanggang sa inilagay ito sa tamang lupa at pinangalagaan ng ulan at araw.
Sa parehong paraan, ang mga binhi sa ating mga puso—mga pangarap at ideya at mga plano at layunin ng Diyos—ay lumalago habang dinidiligan natin ng pananampalataya. Ang mga binhi ay lumalago habang pinangangalagaan natin ang lupa ng ating mga puso, pinapakain ng Salita ng Diyos at inilalapat ito sa ating mga buhay, at sa gayo'y ginagawang matabang lupa ang ating mga puso.
Ang mga plano at layunin ng Diyos para sa ating mga buhay ay lumalago habang patuloy tayong lumalakad kasama Niya, lumalakas sa pagtitiyaga, at nagpupursigi sa mga planong iyon hanggang makumpleto. Ganito natin isinisilang ang ating mga pangarap, sa mga ideyang ibinibigay sa atin ng Diyos. Ang potensyal ay palaging nariyan, ngunit ito'y nasa anyong binhi hanggang sa gawin natin ang kinakailangan upang ito ay lumaki.
Nais ng Diyos na lumago tayo kung saan tayo pupunta. Ang hamon ay na taliwas ito sa laganap na kultura. Labis na mas madali na abutin ang instant, ang maaaring i-order at ipadeliver nang araw mismong iyon, ngunit hindi ganyan ang pamamaraan ng Diyos. Hindi sila instant. Ang Diyos ay gumagawa sa paglipas ng panahon. Gamit ang isang binhi na kailangang pangalagaan.
Alam mo ba ang mga plano ng Diyos sa buhay mo? Nararamdaman mo ba ang hindi-pa-nagagamit na potensyal na natutulog sa loob mo? Potensyal ang nasa pagitan ng kung ano ang aktuwal at kung ano ang posible. Ito ang hindi-nakikitang abilidad, ang reserbang lakas, ang hindi-pa-natatamong tagumpay, ang mga natutulog na kaloob, at mga nakatagong talentong naghihintay na mapalago. Ito ang ikaw ng hinaharap. Ito ang kung saan ka maaaring pumaroon ngunit hindi pa napupuntahan. Ito ang lahat ng kaya mong gawin ngunit hindi pa nagagawa. Ito ang kaya mong abutin ngunit hindi pa inaasinta.
Hindi mo kailangang malaman ang lahat ng plano at layunin para sa iyo ng Diyos, dahil karamihan sa mga ito ay nahahayag sa paglipas ng panahon, ngunit alam mo ba ang isa sa mga ito? Simulan nang pangalagaan ang binhi na iyan ngayon at masdan itong mag-umpisang lumago. Ito'y kasintiyak ng tagtanim at tag-ani.
Panalangin
Ama sa Langit, mangyaring tulungan akong pangalagaan ang mga binhi ng potensyal na inilagay Mo sa akin. Nais kong lumago sa kung saan Mo ako nais papuntahin. Sa pangalan ni Jesus, amen.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito

Mayroon ka ba ng kinakailangan para sa pangmatagalan? Na lumakad sa iyong layunin nang malayuan? Ang kalagitnaan ng anumang gawain—sa karera, mga relasyon, ministeryo, kalusugan—ang kadalasang panahong pinanghihinaan tayo ng katatagan at katiyagaan dahil ang mga kalagitnaang panahong iyon ay kadalasang magulo at mahirap. Sa 5 araw na gabay na ito, pinaaalalahanan tayo ni Christine Caine na kaya nating sumulong nang pangmatagalan - hindi dahil taglay natin ang lakas kundi dahil taglay ito ng Diyos.
More