Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Walang Hanggang Pagkamangha | Isang Gabay sa Pagbabasa para sa Pasko Mula sa New Life Church Halimbawa

Timeless Wonder | a Christmas Reading Plan From New Life Church

ARAW 18 NG 19

Araw 18

Sa lahat ng mga propeta, si Isaias ang may pinakamaraming talata na sinipi sa Bagong Tipan. Binanggit ni apostol Juan na si Isaias ang “nakakita ng kaluwalhatian ni Jesus at nagsalita tungkol sa Kanya.”

Isipin mo iyon! Nakita ni Isaias si Jesus na nakaupo sa Kanyang makalangit na trono mahigit 700 taon bago Siya isinilang! Sa kamangha-manghang sandaling ito, lubos niyang nalaman na siya, isa sa mga pinakadakilang propeta na nabuhay kailanman, ay hindi kayang abutin ito.

Nang makita niya si Jesus, nanangis si Isaias, “Kahabag-habag ako! Ako'y napahamak sapagkat ako'y lalaking may maruruming labi." Naaalala at pinagsisisihan ni Isaias ang mga sinabi at ginawa niya na hindi makakaabot sa kabanalan ng Diyos.

Gayunpaman, hindi pinabayaan ng ating mapagbiyayang Diyos si Isaias na walang pag-asa! Kaagad na nagpadala ang Diyos ng isang mensahero kay Isaias, na nagpapaalala sa kanya na ang kanyang pagkakasala ay inalis na at ang kanyang kasalanan ay natubos na.

Tulad ni Isaias, ganoon din ang nararamdaman natin kung minsan—wasak, may maruruming labi—dahil totoo ito. Naaalala natin ang panlulumo kapag may nasabi tayong mga salita na gusto nating bawiin, nabibigla tayo na may masasakit na salitang maaaring lumabas sa ating mga bibig. Naaalala natin na may isang tao sanang nakapanumbalik kung naglakas-loob lang tayong magsalita, ngunit sa halip ay nag-atubili tayo.

Sinasabi ng Biblia na walang sinuman sa atin ang mabuti; kung walang Tagapagligtas, hindi tayo makakatayo sa harap ng Diyos. Gaya ni Isaias, naaalala at pinagsisisihan natin ang mga maling bagay na nagawa natin. Nais nating ibalik ang panahon at pumili ng ibang landas, ngunit hindi natin magawa. At ang ilang alaala na nagdudulot ng panghihinayang ay maaaring hindi natin kasalanan, ngunit dinadala natin ang sakit ng mga alaalang iyon, na nagpapadama sa atin na hindi tayo karapat-dapat o hindi malinis.

Isang makapangyarihang pangako ng pag-asa ang mayroon tayo, kung gayon, kapag kinikilala natin na tayo ay ginawang matuwid sa pamamagitan ng dugo na ibinuhos ni Jesus para sa atin. Tulad ni Isaias, ang ating pagkakasala ay naalis, at ang ating kasalanan ay natubos.

Ang totoo ay mahal ka ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit naparito si Jesus, at ito ang dahilan kung bakit ipinagdiriwang natin ang Kanyang kapanganakan. Emmanuel. Ang Diyos ay kasama natin.

Hakbang ng Pagkilos: Maglaan ng ilang sandali upang pasalamatan ang Diyos na ang iyong nakaraan ay hindi mas makapangyarihan kaysa sa pag-ibig at biyaya ng Diyos. Piliing patawarin ang sinumang nakasakit sa iyo, at anyayahan ang Diyos na palitan ang anumang mga kasinungalingan na pinaniwalaan mo tungkol sa iyong sarili ng katotohanan na lagi ka Niyang minamahal at lagi mo Siyang kasama. Pasalamatan Siya dahil ginawa kang karapat-dapat at matuwid ni Jesus sa harap ng ating mabuting Ama.

Araw 17Araw 19

Tungkol sa Gabay na ito

Timeless Wonder | a Christmas Reading Plan From New Life Church

Ang tatlong-linggong gabay na ito ay nag-aakay sa atin tungo sa walang hanggang pagkamangha sa kung paano naparito ang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang anak na si Jesus. Ang gabay ay idinisenyo upang magsimula sa isang Lunes upang ang bawat katapusan ng linggo ay magsama ng mas maikling nilalaman na nilalayon para sa pahinga at pagmuni-muni sa panahon ng kapaskuhan. Samahan mo kaming pag-aralan kung ano ang kahulugan ng kapanganakan ni Cristo para sa ating kinabukasan, kasalukuyan, at nakaraan.

More

Nais naming pasalamatan ang New Life Church sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang: https://newlifechurch.tv