Mga Kaaway ng PusoHalimbawa
![Enemies Of The Heart](/_next/image?url=https%3A%2F%2Fimageproxy.youversionapi.com%2Fhttps%3A%2F%2Fs3.amazonaws.com%2Fyvplans%2F3391%2F1280x720.jpg&w=3840&q=75)
Andy Stanley: Mga Kaaway ng Puso
Debosyonal Araw 5
“Dalhin ang Iyong mga Mithiin sa Diyos”
Scripture: Santiago 4:1-3
Ang bawat kaaway ng puso ay nagmumula sa ideyang mayroong may utang sa akin. Ang damdaming pagtuligsa sa sarili ay nagsasabing, “May utang ako sa iyo.” Ang galit ay nagmumula sa kaisipang may utang ka sa akin. Ang kasakiman ay lumalawig dahil sa pagpapalagay na may utang ako sa sarili ko. Walang pinagkaiba ang pang-apat na isyu ng puso. Inggit. Sabi ng Inggit, “May utang sa akin ang Diyos.”
Kapag naiisip natin ang pagseselos o inggit, agad nating naiisip ang mga bagay na mayroon ang iba na wala sa atin—magandang hitsura, kahusayan, mga oportunidad, kalusugan, tangkad, mamanahin, atbp. Ipinapalagay natin na ang probema ay nasa taong nagmamay-ari ng mga bagay na kulang sa atin. Ngunit harapin natin; maaari naman sanang aregluhin ng Diyos ang lahat ng iyan para sa atin. Kung ano man ang ibinigay Niya sa kapwa natin, maaari din naman Niyang ibigay sa iyo. Kaya sa loob mo, pakiramdam mo may utang Siya sa iyo.
May kapangyarihan ang inggit na aburiduhin ang buhay mo at wasakin ang iyong mga relasyon. Ang magandang balita ay, ang malaking halimaw na ito, tulad ng tatlong iba, ay may kahinaan. At maaaring hindi ito ang iyong inaasahan: tigilan ang pagnanasang maangkin kung ano ang mayroon ang iba at simulang hingin sa Diyos ang alam Niyang pinakamabuti para sa iyo.
Tulad ng sinabi ni Santiago, ang ating mga panlabas na alitan at pag-aaway ay direktang resulta ng mga damdaming naglalaban-laban sa ating kalooban na lumutang na sa ating panlabas na pagkatao. May gusto tayo ngunit wala tayo ng bagay na iyon, kaya't nakikipag-away tayo sa ibang tao. Ang mga pagnanasang tinutukoy ni Santiago sa siping ito ay ang mga hindi-mapawing pagkauhaw—pagkauhaw sa mga bagay, salapi, pagkilala ng iba, tagumpay, pagsulong, pagkamatalik, pakikipagtalik, kasiyahan, relasyon sa iba, pakikipagtuwang.
Kaya ano na lang ang gagawin natin sa mga pagnanasa at kagustuhang hindi kailanman lubos na mapapawi? Sinasabi ni Santiago na marapat nating dalhin ang mga ito sa Diyos na may likha sa mga ito. Sa madaling sabi, pinapahintulutan tayo ni Santiago na ibuhos ang nilalaman ng ating mga puso sa walang-itinatagong pakikipag-usap sa ating Manlilikha
Ang bawat alalahanin na mayroon ka, malaki at maliit, ay mahalaga sa Ama dahil mahalaga ka sa Ama. May kinalaman man ito sa iyong buhay pag-ibig, iyong karera, iyong buhay may-asawa, iyong mga magulang, iyong mga anak, iyong pananalapi, iyong edukasyon, o iyong hitsura, dalhin ito sa Kanya. At patuloy na dalhin sa Kanya hanggang makamtan mo ang kapayapaang kinakailangan mo upang tumayo mula sa iyong pagkakaluhod at harapin ang araw mo, nagtitiwala sa kaalamang nagmamalasakit Siya sa iyo.
Nais kong tiyakin sa iyo, na ang puso mo ay palaging magiging mahalaga sa Kanya.
Ano ang magiliw na minimithi ng puso mo? Gumugol ng panahon sa malaya, walang-itinatagong pakikipag-usap sa Diyos patungkol sa mga bagay na inaakala mong kulang sa iyo. Hingin sa Kanyang pagpalain ka sa paraang alam Niyang pinakamabuti—at ipahayag sa iyo ang Kanyang pagmamahal sa prosesong ito.
Sana'y nagustuhan ninyo ang 5-araw na YouVersion debosyonal ni Andy na "Mga Kaaway ng Puso." Palalimin pa nang masumpungan ang mas mahabaang paghihilom at pagpapanumbalik ng katiwasayan sa pamamagitan ng pagbili ng kopya ng aklat ni Andy, Enemies of the Heart, mula sa isang bookstore na malapit sa inyo.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
![Enemies Of The Heart](/_next/image?url=https%3A%2F%2Fimageproxy.youversionapi.com%2Fhttps%3A%2F%2Fs3.amazonaws.com%2Fyvplans%2F3391%2F1280x720.jpg&w=3840&q=75)
Tulad ng pusong hindi malusog na nakakasira sa iyong katawan, ang isang pusong hindi malusog sa emosyonal at espirituwal na aspeto ay makakasira sa iyong mga relasyon. Sa sunod na limang araw, hayaan si Andy Stanley na tulungan kang tumingin paloob sa iyong sarili sa apat na karaniwang mga kaaway ng puso — damdaming pagtuligsa sa sarili, galit, kasakiman, at inggit—at turuan ka kung paano alisin ang mga ito.
More